"Bitiwan mo siya, Ivan." Matalim ang tinging iyon.
Noon lang nakita ni Errol si Erik na ganoon ang ekspresyon sa mukha. Hindi pa niya nakitang nagalit ito nang ganoon.
Lumapit si Erik sa kanila. "Ang sabi ko bitiwan mo siya." Nakakapanibago ang tigas ng boses nito. Tinanggal nito ang pagkakahawak ni Ivan kay Errol. Tila walang nagawa si Ivan na nagulat din.
"Erik..." Hindi madugtungan ni Errol ang nais sabihin. Hindi niya maintindihan ang sitwasyon. Hindi niya inaasahan ang pagtatagpong ito.
"Errol, halika na." Hinila ni Erik ang kamay ni Errol.
Hindi maintindihan ni Errol ang nangyayari kaya pilit siyang kumalas pagkakahawak ng kaibigang humihila sa kanya. Nakatingin siya kay Erik na nakatuon din ang atensiyon sa kanya. Nang sulyapan niya si Ivan ay nakita niyang bakas sa mukha nito ang pagkabigla. Ni hindi na nito nakuhang punasan ang mga pisnging kanina'y nabasa ng luha.
"Pare, sandali." Hinawakan ni Ivan si Erik.
Hinawi ni Erik ang kamay ni Ivan at pinandilatan ito. "Umuwi ka na. Andito na ako. Ako na bahala kay Errol."
"Pare, sandali lang. Nag-uusap pa kami." Akmang hahawakan ni Ivan ang kamay ni Errol ng hawiin ni Erik ang mga kamay niya.
"Paiiyakin mo na naman ba siya?" Bakas sa talim ng mga titig ni Erik at sa tensiyon sa mga panga nito ang gigil. Mata sa mata nitong tinitigan si Ivan.
"Teka, teka, ano'ng nangyayari?" Lumayo si Errol sa dalawa. "Erik, ano'ng pinagsasasabi mo?" Ngunit tila hindi siya narinig ng dalawa.
"Erik, hayaan mo muna kami mag-usap." Malumanay ang boses ni Ivan na tila ayaw ng komprontasyon.
"Hindi," nakasimangot na asik ni Erik. "Binilin ko siya sa iyo." Mabilis na dumapo ang hintuturo nito sa dibdib ng kausap.
Nagtaka si Errol sa narinig. "Anong binilin?"
Lumingon si Erik sa kanya. "Oo, Rol, binilin kita sa kanya."
"Ha? Hindi kita maintindihan."
"Kasi noon akala ko pasasayahin ka niya."
Binaling ni Errol ang tingin niya kay Ivan. "Ano'ng ibig niyang sabihin?"
"Errol..."
"Wag ka na magpaliwanag. Huli na. Nasaktan mo na siya."
"Hindi ko sinasadya."
"Erik." Malalim ang mga hingang binitiwan ni Errol. "Ano'ng nangyayari? Hindi ko kayo maintindihan."
"Pare, hayaan mo naman muna kaming makapag-usap."
Lumapit si Erik kay Ivan at matalim itong tiningnan. "Nag-usap tayo noon." May diin ang pagkakabigkas niya sa mga salitang binitiwan.
"Kaya nga ako nandito kasi gusto ko kausapin si Errol, humingi ng tawad, at makapagsimulang muli."
"Huli na." Malalim ang mga hiningang pinakawalan ni Erik.
"Erik, Ivan, ano'ng ibig sabihin nito?" Kinakabahan si Errol. Ayaw niyang magkagulo. Pero bukod sa tensiyon sa pagitan ng dalawang lalaking nasa harap, ang isang nagpapabagabag sa kanya ay tila may hindi siya alam. Labis niyang pinagtakhan ang pinanggagalingan ng galit ni Erik. Alam na ba niya? Paano? Marahil... Oo nga. Si Manny. Habang pinuproseso sa kanyang diwa ang mga nangyayari ay...
"Errol, makinig ka muna sa akin." Hinawakan ni Ivan ang bisig ni Errol.
"Sabi ko bitiwan mo siya." Hinawi ni Erik ang mga kamay ni Ivan sa pagkakahawak kay Errol.
BINABASA MO ANG
Enchanted Series 2: Ang Supling ng Liwanag
FantasíaHighest Ranking #9 in Paranormal Synopsis: Si Errol na ang susunod na tagaingat ng mga hiyas. Subalit paano niya gagampanan ang tungkulin gayong bukod sa kanyang alinlangan sa katotohanan ng mga isinaad ng kanyang lolo ay may pinagdadaanan din siya...