Pwede ninyong balikan ang mga nakaraang chapters para may sense of continuity.
----------------------
Sandaling pinatigil sina Errol at Ivan ng pagyanig ng lupa. "Ano'ng nangyayari?" tanong ng huli habang hinahabol ang paghinga.
"Di ko alam." Bakas sa mukha ni Errol ang labis na pagkabahala. "Si Erik."
"Matinik yun." Nakapamewang si Ivan habang humihinga nang mabilis. Dumako ang kanyang tingin sa pawisang mukha ni Errol at agad pinunasan ito gamit ang kanyang palad. "Yakang-yaka ni Erik yung mga goons."
"Natatakot ako."
Nakikita ni Ivan ang pangamba sa mga matang iyon. Kinabig niya si Errol at nilapit ang mukha nito sa kanyang balikat habang ginapos niya ito sa kanyang mga bisig. "Hindi kita pababayaan." Hinagod niya ang likod ng binata. Maya-maya pa ay naramdaman niya ang pagyakap sa kanya ni Errol, yakap na naging mahigpit matapos ang ilang segundo. Napapikit na lang si Ivan upang damhin ang yakap na iyon. Ngunit hindi pa sila nakakaisang minuto sa ganoong posisyon nang makaramdam siya ng nakakatindig-balahibong marahang pagdaplis ng simoy ng hangin sa kanyang batok. Napaigtad siya at napadako ang tingin sa paligid. "Errol, kelangan na natin umalis."
Habang tumatakbo ay napahinto silang muli nang makarinig ng tila pagsabog. Isang bahagi ng gubat ay umuusok. "Erik..." saad ni Errol na napatulala sa bahaging iyon ng gubat kung saan nagmumula ang usok.
Halos limang minuto silang paliku-liko sa masukal na gubat nang biglang natumba si Errol at dumaing sa sakit. "Errol!" Nakita niya ang nakangiwi nitong mukha. Ilang saglit pa ay napansin niya ang dahilan ng pagdaing nito. Isang palaso ang tumagos sa kanyang binti. Masaganang dugo ang umagos mula dito. Bumilis ang tibok ng puso ni Ivan. Hindi niya alam ang gagawin. "Errol, kalma ka lang."
Mangiyak-ngiyak si Errol habang nakahawak nang mahigpit sa binti kung saan tumagos ang isang palaso. "Aaaahhh, masakit!" daing niya nang akmang hugutin ni Ivan ang palaso.
"Okay, hindi ko na huhugutin. Pero kailangang pigilan ang pagdugo." Lumingon-lingon si Ivan, tinitingnan ang paligid. May pakiramdam siya na may mga nagmamasid sa kanila, pero ang mas importante ay mabigyan ng pangunahing lunas si Errol. Agad na hinubad ni Ivan ang kanyang asul na pang-itaas.
"Ano'ng ginagawa mo?"
"Tatakpan ko ang sugat mo para matigil ang pagdugo." Inikot ni Ivan ang suot sa apektadong binti ni Errol. Tinali niya nang mahigpit ang magkabilang manggas ng damit. Nang tingnan niya si Errol nangingilid ang mga luha nito habang bahagyang nakangiti na nakatingin sa kanya. "Bakit?"
"Ang hot mo," saad ni Errol kasabay ang pagtulo ng luha.
Natigilan si Ivan. Nahahabag siya sa sinapit ng kaibigan. Hindi niya mawari kung sinabi niya iyon dahil naaakit siya sa paghubad niya gaya noon o pinapakalma niya lang ang sarili. Ngumiti siya dito at mabilis itong iginapos sa kanyang mga bisig. Hinalikan niya ito sa pisngi. "Hindi kita pababayaan." Nagtama ang kanilang mga tingin. Nakita niyang ngumiti ito sa kanya. Ngunit kahit sa lamlam ng paligid ay naaninag niya ang takot at pangamba sa mga mata ni Errol. Pero bakit gusto niya itong halikan? Hindi ito ang tamang panahon.
Isang palaso ang tumusok sa lupa ilang pulgada mula sa kinaroroonan ng dalawa. Nanlilisik ang mga mata ni Ivan na nilingon ang sa tingin niya'y pinanggalingan ng palaso. "Lumabas ka! Lumaban ka ng patas!" Ginala niya ang tingin.
"Ivan..."
Di niya pinansin si Errol. "Ako harapin mo. Wag ang taong" -- tinuro niya si Errol habang ginagala ang mata sa paligid -- "walang kalaban-laban." Nakarinig siya ng sigawan. Kung saan ito nagmumula ay di niya matukoy. Ilang segundo pa ay nakarinig siya ng dagundong na sinabayan ng malakas na pagyanig. Agad siyang yumukod sa tabi ni Errol at niyakap ito. Dama niya ang panginginig nito sa takot. Napaangat muli ang kanyang tingin sa mga punong nagbagsakan sa di kalayuan.
Ilang sandali pa ay natagpuan na sila ni Erik. "Ano'ng nangyari?"
"Tinamaan siya." Hindi alam ni Ivan kung matatawa o maaawa sa itsura ni Erik na parang gusgusing sira-sira ang damit.
"Ano!" Lumapit si Erik kay Errol at yumukod sa tabi nito. "Ano'ng nararamdaman mo, Rol?"
"Okay lang." Ngumiti si Errol. "Ano'ng nangyari sa'yo?"
"Napalaban lang nang husto." Niyakap siya ni Erik.
Nakaramdam si Ivan ng selos. Gusto niyang siya lang ang yumayakap kay Errol. Ngunit nagulat siya sa namutawi sa bibig ni Errol.
"Umalis na kayo." Umiba si Errol ng tingin.
"Rol?"
"Narinig mo ako. Umalis na kayo."
"Errol, hindi. Sama-sama tayong aalis dito."
"Dumidilim na. Sige na, iwan niyo na ako dito. Bilis na!"
"Ano bang sinasabi mo, Rol!"
"Bubuhatin kita. Kaya natin 'to." Inakay ni Ivan si Errol patayo, ngunit siniko niya ang mga bisig nito.
"Hindi niyo ba naiintindihan!"
Natigilan ang dalawang binata.
"Ako ang pakay nila. Hindi kayo! Ako lang naman talaga ang dapat na nandito. Hindi na kayo dapat nadamay dito."
"Pero, Rol, damay damay na 'to. Kahit ako nakita na nilang gumamit ng apoy. Tutugisin na rin nila ako."
"Tama si Erik. Damay damay na 'to."
"May tama na ako. Pabigat na ako..."
"Hindi ka pabigat. Ano ka ba!" Mahigpit na hinawakan ni Ivan ang mga braso ni Errol. "Ang tigas ng ulo mo! Halika na!" Inakay niya ito, ngunit nagpumiglas pa rin ang sugatang binata.
"Kelangan may maiwan dito. Kapag naiwan ako dito, titigil na sila. Makakatakas na kayo."
"Tama si Errol, pare," mahinahong saad ni Erik.
"Ano!" Sumimangot si Ivan.
"Kelangan may magpaiwan sa atin."
Sandaling natigilan si Ivan. "Tama, Erik, kaya --"
"At ako yun."
Nagulat si Ivan sa narinig.
"Sige na, Ivan. Buhatin mo na si Errol. Ako ang haharap sa kanila."
"Erik..." asik ni Errol.
Napagtanto ni Ivan na -- "Hindi, Erik. Ako ang maiiwan dito."
"Ano ba kayo? Nagtatalo pa kayo. Umalis na kayong dalawa. Iligtas niyo na ang mga sarili ninyo."
Hindi nilingon ni Ivan si Errol. "Pare, kanina ka pa nakikipaglaban. Ako naman ngayon. Sige na."
"Ivan, sigurado --"
"Sige na, Erik!" Nakita niyang agad na inakay ni Erik si Errol na nagpupumiglas. Napagtanto niyang hindi na nakipagtalo si Erik dahil malamang batid din nitong wala ng oras sa pagtatalo. Nilingon niya si Errol na mangiyak-ngiyak siyang tiningnan.
"Ivan, wag..."
Hinaplos ni Ivan ang pisngi ni Errol. "Ipangako mo sa akin na makakaligtas ka pagkatapos ng araw na ito." Batid niya ang pangamba sa mga tinging iyon, ang mga matang kailanman ay hindi pa niya nakitang masigla. Hindi ito nakasagot. Hinawakan niya ang magkabilang pisngi nito at idinapo ang kanyang mga labi sa noo at pisngi nito. Binaling na niya ang tingin kay Erik. "Hindi mo naman sasaktan si Errol, di ba?"
"Hindi siya maano. Mahal ko 'to."
"Sige na, Erik. Wala ng oras."
BINABASA MO ANG
Enchanted Series 2: Ang Supling ng Liwanag
FantasiHighest Ranking #9 in Paranormal Synopsis: Si Errol na ang susunod na tagaingat ng mga hiyas. Subalit paano niya gagampanan ang tungkulin gayong bukod sa kanyang alinlangan sa katotohanan ng mga isinaad ng kanyang lolo ay may pinagdadaanan din siya...