I was supposed to add more fight sequences, but I decided this is just right. I can't give them the full extent of the elements' powers because they are just conduits. The powers of the elemental stones do not belong to them and are therefore not under their full conscious control. I'll save the full force of the elements for future encounters.
Guys, magcomment kayo please. Or message me your feedback. I want to know what you think.
-------------------
Tumulo ang luha ni Ivan habang nakitang tumatakbo si Erik papalayo sa kanya. Nilingon siya ni Errol na sinigaw ang pangalan niya. Nginitian niya lang ito. Kung makakaligtas man siya dito, gusto niyang makitang buhay si Errol, at sana sa panahong iyon ay makita na niya ang inaasam na ningning sa kanyang mga mata. Sana ay napatawad na siya nito sa mga nagawa niya noon.
Nawala na sina Erik sa kanyang paningin. Walang anu-ano'y ginulantang siya ng palasong tumama sa katabing puno. Ginala niya ang kanyang tingin. Natagpuan na siya ng mga mandirigma. Nakita niya ang isa sa kanila na umaakyat sa isang sanga sa di kalayuan. May isa pang lumitaw sa kanan nito. At tatlo pa sa iba't-ibang bahagi ng gubat.
Tumulo ang pawis sa noo ni Ivan. Tumingala siya, tiningnan ang dumidilim na kalangitang sumisilip sa pagitan ng mga dahon ng nagsisitaasang kakahuyan. Pumikit siya at bumulong. "Kung totoong ako ang may hawak ng hiyas ng hangin, ibig sabihin naririnig mo ako."
Naramdaman niya ang paghampas ng hangin sa kanyang pisngi, tanda ng pagiging isa ng kanyang diwa at ng hangin. Kasabay nito ang pagtama ng isang palaso isang talampakan mula sa kaliwang paa.
"Sumama ka na lang nang tahimik."
Tumingala siya sa mandirigmang nakangisi sa kanya. Tinaas niya ang kanyang mga kamay na animo'y sumusuko. Ngunit mabilis siyang umikot at ginalaw ang mga kamay na animo'y may tinatapong kung ano. Mula sa mga kamay ay umihip ang napakalakas na hanging bumugso sa maliit na espasyo ng ere. Tinumbok ng bugso ang mandirigmang kanina'y ngumisi at tumilapon ito. Tiningnan ng ibang mandirigma ang kasamang tinangay ng hangin at nagmadaling humugot ng mga palaso mula sa kanilang likod at tinutok ang mga iyon kay Ivan.
Bumilis ang pagtibok ng kanyang puso nang makitang nakatutok ang lahat ng pana sa kanya. Inangat niya ang mga kamay. "Hindi ko alam ang gagawin. Ikaw na ang bahala..." Nakita niya na isa-isang binitiwan ng mga mandirigma ang kanilang mga palaso. Ngunit bago makarating sa kanya ang mga ito ay binalot siya ng ipo-ipong mabilis na umihip.
Nagliparan ang mga tuyong dahon. Ang mga palumpong at talahib sa gilid ay nagsayaw, yumuko sa ihip. Nang tumingala siya ay naaninag niyang umiikot ang mga ulap sa itaas ng kagubatan. Bumilis pa ang pag-ikot ng buhawi. Ang mga sanga ng puno ay nabali.
Maya-maya pa ay naramdaman ni Ivan ang pag-arsa ng lupa sa kinatatayuan niya. Umatras siya at nakita niyang umarsa ang mga ugat ng katabing puno. Ilang sandali pa ay tuluyan na itong tinangay ng hangin sa himpapawid kasama ang ibang puno at mga sanga.
Nang sulyapan niya ang mga alagad ni Cassandra ay patuloy ang pagpuntirya ng mga ito sa kanya ngunit hindi makapasok ang mga palasong tinatangay ng ipo-ipo palayo sa kanya. Maya-maya pa ay tumigil ang mga ito sa pagtira ng mga palaso. Binaba ni Ivan ang kanyang mga kamay at kasabay ng galaw niyang ito ang pagkalusaw ng buhawi.
Nakita niyang kumuha ulit ng palaso ang mga kalalakihang nakaitim. Kinumpas muli ng walang pang-itaas na binata ang mga kamay. Umihip muli ang hangin mula sa kanya papunta sa mga kalaban. Tinangay ng matinding bugso ng hangin ang mga palaso. Hindi na makatira ang mga mandirigmang wala nang nagawa kundi humawak sa mga sanga ng puno, ngunit isa-isa silang tinangay ng hangin kasabay ng pagkabuwal ng mga punong kinapitan nila.
Kagat-ngiping nagpopokus si Ivan habang ginigiya ang hangin gamit ang mga bisig. Litaw ang tensiyon sa kanyang mukha at ang kunot sa kanyang noo habang kinukontrol ang isang pwersa ng kalikasan. Umuumbok ang mga ugat sa kanyang mga matipunong braso.
Maya-maya pa ay binaba na niya ang mga bisig at yumukod, hinahabol ang paghinga, hinihintay na bumagal ang tibok ng kanyang puso.
Maraming puno ang nabuwal. Ang iba ay nabali. Nawala ang mga tuyong dahon sa paligid niya. Nabali ang maraming palumpong. Yumuko ulit siya, humihinga nang malalim. Ilang sandali pa ay nakarinig siya ng palakpak.
"Magaling, magaling." Lumapit ang isang lalaking nakaitim na jacket. Lumitaw ang gintong ngipin nito nang ngumisi ito habang bumubunot ng sigarilyong agad na sinindihan. Humithit ito ng usok mula sa sigarilyo at dahan-dahan itong binuga. Malinis ang buhok nitong nakasuklay papunta sa likod. Kita ang malapad nitong noo.
Hinihingal na minasdan ni Ivan ang nakangising mama. "Sino ka?"
"Importante pa ba kung sino ako?" Pinanatili ng lalaki ang ngisi. "Magaling ang ginawa mo." Nilingon nito ang ilan sa nakabulagtang lalaki sa likuran niya. "These are my best men. Pinatumba mo lang."
Kinakabahan si Ivan. Hindi niya alam kung ano ang pakay ng lalaking ito. "Lubayan niyo na kami."
"Wag kang mag-alala. Nagkalat ang mga tauhan ko sa gubat."
"Mga putang ina kayo!" Kinuyom ni Ivan ang kamao.
"Hindi na sana umabot sa ganito kung nakinig lang noon ang lolo ng kaibigan mo. Pero nandito na tayo. Should I say, it's too late?" Ngumisi ito.
"Ulol ka!" Susugurin na sana ni Ivan ang lalaking tila ay nasa kwarenta nang may bunutin ito sa kanyang jacket at itutok ito sa kanya. Natigilan siya.
"Sinabi ko na kasi kay Cassandra na dapat mga baril na lang ang dalhin. Kaya bang sanggain ng hangin ang bala?" Binunot niya ang sigarilyo at pinagpag ang abo nito sa gilid niya habang nakatutok ang baril kay Ivan.
Napako si Ivan sa kinatatayuan. Hindi niya alam kung kaya ba ng hangin na pigilan ang bala, ngunit isa lang ang paraan upang malaman. Kumumpas muli si Ivan. Naramdaman niyang muli bugso ng hangin, ngunit hindi pa man bumilis nang husto ang bugso nito ay umalingawngaw ang putok ng baril.
Nang idako ni Ivan ang tingin sa kanyang katawan, nakita niya ang pagdaloy ng dugo mula sa butas sa kanyang kanang dibdib. Laking hilakbot niya. Dumakong muli ang kanyang tingin sa ngayo'y nakangiti ng lalaki.
Isang segundo...
Isa pang putok.
Tumama ang bala sa kanyang tiyan. Ramdam niya ang matinding sakit na nagpangiwi sa mukha niya. Napaluhod siyang nakaharap sa bumaril sa kanya. Tinitigan niya ito habang ang baril nito ay nakatutok sa kanya, sa pagkakataong ito sa sentido.
Nadinig ni Ivan ang mga yapak sa kanyang likuran at ang pagsalita ng isang babaeng may pinong boses.
"Why did you shoot him!" Lumapit ang babae sa mamang may baril. Tapos lumingon ito kay Ivan.
"I got carried away." Ngumisi ang lalaki.
Ramdam na ni Ivan ang pagpintig ng ugat sa sentido, ang pagbagal ng tibok ng kanyang puso, ang hirap sa paghinga, paghingang hindi na nagbibigay hangin sa kanya. Tumutulo ang kanyang luha nang padapa siyang bumagsak sa lupa. Basa ang mga mata. Pawisan ang mukha. Bumulwak ang dugo mula sa kanyang bibig. "Errol, patawad..." Dumidilim na ang kanyang paningin nang maramdaman niyang lumapit ang babae.
"I told you I need them alive! Hanapin niyo ang mga kasama nito!"
Pilit na nilingon ni Ivan ang babaeng yumukod sa gilid niya. Wala na siyang lakas para lumaban at para magalit sa may-ari ng malademonyong mga matang nakatutok sa kanya. Hindi na niya maigalaw ang mga paa.
"Wag niyo siyang sasakthhh..." Tuluyan nang nagdilim ang paningin ni Ivan. Tanging sa diwa niya na lang naisigaw ang pangalan ni Errol.
Katahimikan...
BINABASA MO ANG
Enchanted Series 2: Ang Supling ng Liwanag
FantasyHighest Ranking #9 in Paranormal Synopsis: Si Errol na ang susunod na tagaingat ng mga hiyas. Subalit paano niya gagampanan ang tungkulin gayong bukod sa kanyang alinlangan sa katotohanan ng mga isinaad ng kanyang lolo ay may pinagdadaanan din siya...