Nang maglaho ang mga umiikot na ilaw ay nanlilisik ang mga mata ng babaeng hukluban sa matandang babaeng naiwan. "Nasaan sila!"
"Hindi mo sila mahahanap. Wala na sila dito!" Matatag ang boses ni Magda.
"Mga pangahas! Sa tingin mo makakapagtago sila sa akin nang matagal?"
"Hindi ka magtatagumpay, Cassandra!" Umiilaw ang bato na nasa noo ni Magda.
Humalakhak lang si Cassandra. "At sino ang pipigil sa akin? Ikaw?" Isa pang halakhak. "Ano'ng magagawa ng isang manghuhulang kagaya mo? Ano'ng lakas meron ka upang pigilan ako?"
"Nakikita ko ang iyong malungkot na hinaharap." Hindi nagpatinag si Magda kahit alam na niya ang kahihinatnan ng gabing ito.
"Malungkot kong hinaharap? Kung ganon ay bakit nilisan ng hukluban mong kuya ang lugar na ito?"
"Wala kang mapapala sa akin, Cassandra."
"Ngunit maraming salamat sa narinig kong pagkawasak ng Maynila sa nalalapit na hinaharap. Isa kang magaling na manghuhula." Kagat-ngiping ngumisi ang bruha, ngising sinabayan nito ng matalim na titig sa kaharap.
"Hindi mangyayari iyon." Nanatili si Magda sa kinatatayuan.
"Akala ko ba'y ang bawat hula mo ay mangyayari?"
"Ang hula ay mga babala. Mangyayari kung hahayaan. Pero pwedeng pigilan."
"Sa pagkakataong ito sisiguraduhin kong magaganap ang nasaksihan ninyo ng binatang iyon. Sabihin mo sa akin, ano'ng hiyas ang hawak niya?"
Ngumiti si Magda. "Paano kung hindi ko sabihin?"
"Wag mo akong subukan, tiya!"
"Matagal na kitang nararamdaman sa paligid. Matagal ko ng inaasahan ang pagkakataong ito na magkita tayo."
"Tama, tiya! Naghintay ako ng tamang pagkakataon. Ginamit ko ito." Tinuro ni Cassandra ang sentido.
"Ganunpaman, hindi ka magtatagumpay."
"Hindi?" Nakangisi si Cassandra habang pinandidilatan ang tiyahing matanda. "Nakuha ko na ang isa sa inyo. At nararamdaman kong malapit ko ng makuha ang tatlo. Mahina si Melchor ngayon. Randam ko yon. Nasaan ang inyong kalamangan? Mamamatay si Melchor. At aangkinin ko ang apat na hiyas o ang mga may hawak sa mga ito. Wawasakin ko ang malalaking lungsod sa bansa, at magtatayo ako ng bagong republika."
Umiling ang tagakita at ngumiti. "Baliw ka na nga." Natatakot man ay tinatagan nito ang sarili.
"Hindi ito kabaliwan! Ito ay isang simpleng mithiin na hindi ninyo dapat hinadlangan." Kinumpas ni Cassandra ang isang kamay. Mabilis na dumaloy ang itim na enerhiya mula dito.
Tumingkad ang kislap mula sa bato sa noo ni Magda. Bumuo ito ng isang mapusyaw na bilugang harang sa palibot ng matanda na pumigil sa itim na enerhiyang nais sumaklob sa kanya. Nakangiti lang si Magda. "Hindi na magtatagal..."
"Tama ka, tiya. Hindi na magatatagal ang bisa ng iyong agimat." Nilakasan pa ni Cassandra ang pwersa ng enerhiyang dumaloy mula sa kanyang kamay. Nanlilisik ang kanyang mga mata. Ilang sandali pa ay nabasag na ang mapusyaw na harang kasabay ng pagkabasag ng agimat sa noo ni Magda at ang matining na halakhak ng bruhang katunggali.
Ngunit sa halip na matakot ay ngumiti si Magda. "Hindi mo tagumpay ang kamatayan ko..." Niyakap niya ang kanyang sarili at pumikit. Dama niya ang pagsaklob ng enerhiyang iyon sa kanyang pagkatao. Naririnig niya ang matining na halakhak ng pamangkin. Unti-unting nagmanhid ang kanyang pakiramdam. Unti-unting sumikip ang kanyang dibdib. Unti-unting bumagal ang kanyang paghinga. Hanggang sa tumigil ang pagtibok ng kanyang puso. Unti-unting humina ang kanyang pandinig hanggang sa...
* * *
"Paalam, tiya," mahinang saad ni Cassandra sa nakahandusay na matanda. "Gusto sana kitang buhayin upang makakuha ng mga mahalagang impormasyon, pero masyado ninyo akong ginagalit kaya hindi na ako nakapagpigil. Wag kang mag-alala. Isusunod ko na si tiyo." Tumayo siya ng tuwid, bahagyang inayos ang suot. "Mukhang tama nga ang alamat. Malamang nasa paligid lang ang mga may hawak sa mga bato."
BINABASA MO ANG
Enchanted Series 2: Ang Supling ng Liwanag
FantasyHighest Ranking #9 in Paranormal Synopsis: Si Errol na ang susunod na tagaingat ng mga hiyas. Subalit paano niya gagampanan ang tungkulin gayong bukod sa kanyang alinlangan sa katotohanan ng mga isinaad ng kanyang lolo ay may pinagdadaanan din siya...