Wala nang magawa ang mahinang si Errol ngunit pagmasdan ang pangyayari. Nagpupuyos siya. Pinilit niyang tumayo ngunit hindi kaya ng masakit niyang katawan. Pinilit niyang muli. Nakita niyang nakatayong walang ekspresyon si Erik habang si Cassandra ay papalapit sa kanya. Si Ivan naman tumatayo sa pagkakahandusay. Ramdam niya ang pagtila ng ulan nang hilahin siya sa buhok ng kaaway.
"How dare you?" Binunot ni Cassandra ang kanyang punyal mula sa tagiliran. Ngumisi ito habang pinapagapang ang dulo ng punyal sa kanyang basang mukha. "Nagkamali ako noon. Hindi ka isa sa mga nakatakdang humawak sa mga hiyas. Ikaw ang bagong tagaingat. Ngunit wala ka na ring silbi. You can't even save yourself. Pa'no mo pangangalagaan ang mga hiyas? Ni hindi mo maipagtanggol ang mga kaibigan mo."
Walang maisagot si Errol sa bruhang kumukutya sa kanya. Hindi niya ito matingnan nang matagal. Bumaba na lang ang tingin niya sa laylayan ng sutana niya kung saan tumutulo ang tubig ulan. Tama siya. Ni hindi niya maipatanggol ang sarili, paano siya magiging tagaingat? "Kaya lubayan mo na kami. Kung gusto mong kunin ang mga hiyas, kunin mo na. Pabayaan mo na sila."
"Sabihin na lang nating nagbago na ang mga plano ko." Pinandilatan ni Cassandra si Errol habang nakaturo ang punyal sa kanya. "Bakit ko pa kukunin ang mga bato kung kaya ko namang pasunurin sa mga gusto ko ang mga may hawak sa kanila? Hindi ba't mas masaya, mas nakakaaliw itong mga nangyayari ngayon?"
Nagpumilit tumayo si Errol ngunit naramdaman niya ang malamig na punyal sa ilalim ng kanyang baba. Ginamit ito ni Cassandra upang igiya ang mukha niya pataas.
"Wag mo ng sayangin ang lakas mo." Ngumisi si Cassandra sa kanya at pagkatapos ay tumalikod at humarap kay Erik.
"Bakit mo ba ginagawa ito?" Nakatingala si Errol sa bruhang nakaitim. Lumingon ulit ito sa kanya at yumuko.
"Noon gusto ko lang ipaghiganti si papa. Ngunit hindi pa nawawala ang puot sa dibdib ko. Hindi pa sapat ang kamatayan ni Melchor." Nakadilat ang mata na saad ni Cassandra.
"Malamang dahil kinain ka na ng puot."
"Ang puot na bumuhay sa akin, nagbigay ng katuturan sa aking buhay. Nagbigay sa akin ng lakas." Kinuyom ni Cassandra ang kamao at mula rito ay lumabas ang itim na enerhiya. "Gusto kong ipakita sa lahat ang tunay na kahulugan ng kapangyarihan."
"Tita, tama na."
"Tita?" Ngumisi ang bruha. "Oo nga pala." Tumawa ito nang payak. "Tama na? Bakit, natatakot ka na ba?"
"Maraming mamatay, tita."
"Sa tingin mo may pakialam ako kung masira" -- nilibot ni Cassandra ang tingin at mga bisig -- "ang mga ito, kung mamatay kayong lahat?"
Napagtanto ni Errol na walang nang silbi ang pakikipag-usap sa kanya. "Tita, sorry, pero kelangan kita pigilan." Pinilit ni Errol tumayo at humakbang papunta kay Cassandra, ngunit bumagsak ulit ito sa semento. Napangiwi siya sa sakit kasabay ng pagtulo ng kanyang luha.
Humalakhak si Cassandra. "Is that the best that you can do?"
Pinilit muli ni Errol na tumayo kahit masakit ang buong katawan. Sumisigaw ang kanyang diwa na hindi pwedeng mauwi sa ganito ang lahat. Hindi niya alam ang gagawin, ngunit kailangan niyang subukan. Maaaring umubra ang iniisip niya. Pilit niyang inarsa ang katawan habang ang mga binti ay nasa semento. Tiningnan niya ang ngumingising bruha. Kinumpas ni Errol ang mga kamay, inaasam na sana ay lumabas ang kapangyarihan ng liwanag na dapat ay nasa kanya na matapos pumanaw ang kanyang lolo.
Nakaramdam siya ng pag-asa nang biglang magliwanag ang kamay niya. Nagbabago-bago ang kinang ng liwanag. Ngunit hindi gaya ng sa kanyang lolo ay hindi ito bumuo ng isang orbe. Bagkus ay tila isang mapusyaw na liwanag lang ito. Tiningnan niya ang gulat na si Cassandra. "Tita, tumigil ka na." Dahan-dahan niyang tinuon sa bruha ang nagliwanag na kamay.
Napaatras si Cassandra. Nanlalaki ang mga mata. Ngunit bigla itong ngumisi.
Nag-isip si Errol na gumalaw ang liwanag, ngunit kahit anong pwersa niya ay hindi gumalaw ang liwanag na nasa kamay. Ang masaklap pa unti-unti itong nalusaw. Dinig niya ang pagtawa ng bruha na nanunuya. Tiningnan niya ito nang matalim, nakaangat pa rin ang kamay at kinukumpas ito, naghahangad na sana ay may kumawalang enerhiya ng liwanag mula dito, ngunit wala na.
Lumapit si Cassandra sa basang sisiw. Hinila niya si Errol sa buhok. "You are a disappointment."
Nagpumiglas si Errol, ngunit sadyang mahina ang kanyang katawan. Sa bawat galaw niya ay dama niya ang matinding kirot sa isang balikat at braso, lalo na sa nakabendang binti. Naramdaman niyang binitiwan siya ng dating boss at bumagsak na lang siya sa kalsada. Wala nang tutulong sa kanya. Wala na ang mga kaibigan niya. Nasa ilalim na ang mga ito sa kapangyarihan ng kaaway. Si Bryan naman ay hindi niya alam kung tumakas o tinangay ng hangin sa kung saan. Tuliro si Errol. Hindi na niya alam ang gagawin.
"Lolo," mahinang saad niya, "tulungan mo ako." Gumagapang si Errol sa semento. Inasam niya kahit imposibleng mangyari na sana ay sagutin siya ng kanyang lolo, na sana ay bigla siyang lumitaw sa mga umiikot na orbe at iligtas siya at ang mga kaibigan niya mula sa kapahamakan. Ngunit tanging halakhak ng bruha ang kanyang nakuhang sagot.
"Patay na si Melchor. Ang tangang yon, hindi ka man lang tinuruan kung paano ako labanan. Ni bumigkas ng orasyon ay di mo magawa." Dinuro nito ang basang sisiw na binata.
Kahit nagpupuyos sa galit ay walang magawa si Errol.
"Nagmana ka nga sa lolo mo. Pareho kayong matigas ang ulo, mahirap pakiusapan." Tumalikod si Cassandra sa nakahandusay na si Errol at humarap kay Erik. Inabot niya dito ang punyal.
Humarap siyang muli kay Errol. "Paano ba yan?" Lumapit siya dito, ang mga tingin ay nanunuya. "Nasa akin na ang tatlo. One more to go. At hindi ko hahayaang magkaroon ka ng pagkakataong makuha ang mga hiyas mula sa katawan nila."
Tanging mabilis na paghinga na lang ang nagawa ni Errol.
"Ikinalulungkot ko" -- ngumising muli ang bruha -- "hanggang dito ka na lang." Lumapit itong muli kay Erik. "Patayin mo na ang walang silbing 'yan. Hindi na ako mahahadlangan ng huling tagaingat." Tumalikod si Cassandra at hinawakan si Ivan na noo'y nakatayo na. Sabay silang naglakad papalayo at sinalubong ni Cindy na wala ring ekspresyon ang mukha.
BINABASA MO ANG
Enchanted Series 2: Ang Supling ng Liwanag
FantasyHighest Ranking #9 in Paranormal Synopsis: Si Errol na ang susunod na tagaingat ng mga hiyas. Subalit paano niya gagampanan ang tungkulin gayong bukod sa kanyang alinlangan sa katotohanan ng mga isinaad ng kanyang lolo ay may pinagdadaanan din siya...