"Ang pag-ibig ang pinakamakapangyarihang pwersa sa kalawakan."
Tinahak ni Ivan ang daan patungo sa dating bahay nina Errol sa Sampaloc, nagbabaka-sakaling alam ng mga kapitbahay kung saan lumipat sina Aling Celia. Ngunit laking pagtataka niya nang makita ang bahay sa dati nitong anyo. Kunot-noong binaba ng binata ang bintana ng kotse at sinipat ang bahay. "Pa'nong..." Napakamot na lamang siya sa ulo, ngunit ngumiti rin.
Nasa tapat si Ivan ng bahay na iyon. Pambihira ang mga nangyayari nitong araw na ito. Tila gustong ipabatid sa kanya ng panahon na may pagkakataon pa siya, pagkakataong aminin na nang lubusan ang isang bagay na alam niya naman, ngunit marahil ay ikinakaila niya lamang sa sarili.
Nagdadalawang-isip man kung kakatok o hindi, isa lamang ang sigurado na. Sigurado na siya sa nararamdaman niya. Mahal niya si Errol. At gusto niya itong makita, mayakap, at masabi dito ang noo'y di niya masabi dahil sa pag-aalinlangan. Hindi niya maintindihan ang nangyari sa palikurang iyon, ngunit kung anuman iyon, nagpapasalamat siya dahil napagtanto niya ang tunay na nararamdaman para kay Errol.
Wala na siyang pakialam kung ano ang iisipin ng mga tao. Ang nais niya ay maipahiwatig ang kanyang nararamdaman. Wala na ang agam-agam. Kasiguraduan na lamang ang natitira sa kalooban ng binatang nakatayo sa tapat ng pamilyar na bahay na iyon. Handa na siyang mahalin si Errol at ialay hindi lamang ang kanyang katawan ngunit pati na rin ang kanyang puso. Kumatok siya at naghintay hanggang sa nabuksan ang gate. Binati siya ni Aling Celia na hindi niya mabatid kung iismid o ano.
"Naparito ka."
"Tita, andiyan ba si --"
"Wala dito si Errol," sagot ni Celia sa matigas na boses. "Ilang buwan na siyang di umuuwi. Bakit?"
"Tita, kasi may gusto akong sabihin sa kanya."
"Magtapat ka nga. Ano'ng ginawa mo sa anak ko?"
Natigilan si Ivan. Hindi niya alam ang isasagot. Nag-iisip siya, ngunit biglang naging magulo ang utak niya sa dami ng mga sumasagi dito. Magpapaliwanag ba siya o magtatapat ba siya o magtatanong ba siya kung saan nagtatrabaho si Errol sa Taguig. Ngunit bukod sa mga ito ay nangibabaw ang hiya niya. Maaaring alam na ng mga magulang ni Errol ang nangyari sa kanila ilang buwan na ang nakalipas.
"Gaya ng sabi ko wala siya dito. Hindi na siya dito umuuwi. May iba ka pa bang kailangan?"
"Tita, pwede ko ba makuha ang number ni Errol?"
Tinitigan lang siya ni Celia.
"Okay, tita." Naintindihan ni Ivan ang ibig sabihin ng blankong titig na iyon na nagpayuko sa kanya. "Tita, sorry po." Narinig niya ang buntong-hininga ng ina ni Errol.
"Alam ko ilang buwan na rin naman yon, at sinasabi ng anak ko na napatawad ka na niya." Nguminginig ang pisngi ni Aling Celia habang nagsasalita at nangangatal ang kanyang boses. "Pero nanay ako eh. Nasaktan ako para sa anak ko."
"Alam ko po, tita. Gusto ko po humingi ng tawad sa inyo." Nakita niya namang tumango ito.
"Kung wala ka ng kailangan, makakaalis ka na."
"Tita..."
"Ano?"
"Gusto ko po malaman ninyo na..."
"Na?"
"Mahal ko po si Errol." Sandali siyang tinitigan ni Celia na tila iniestima ang pagkatao niya. Nakita niyang umiling ito.
"Ivan, hayaan mo na ang anak ko. Gusto na niya ng katahimikan ng loob." Marahang sinarado ni Celia ang gate.
* * *
Ilang beses na nagpabalik-balik si Ivan sa Taguig upang hanapin si Errol, ngunit natapos ang Nobyembreng hindi niya man lang nasilayan maging anino nito. Binalik-balikan niya ang parkeng iyon kung saan niya nakita ito noon, nagbabaka-sakaling makita niya ulit ito doon. Iniikot din niya ang lugar. Marahil ay nakatira si Errol malapit sa pook. Minsan ay nagtatanong-tanong siya sa mga dumadaan at sa mga tindahan. Ngunit wala sa napagtanungan niya ang nakakakilala sa kanya.
----------------
Tanong: Paano muling nakita ni Ivan ang bahay nina Errol sa Sampaloc?
BINABASA MO ANG
Enchanted Series 2: Ang Supling ng Liwanag
FantastikHighest Ranking #9 in Paranormal Synopsis: Si Errol na ang susunod na tagaingat ng mga hiyas. Subalit paano niya gagampanan ang tungkulin gayong bukod sa kanyang alinlangan sa katotohanan ng mga isinaad ng kanyang lolo ay may pinagdadaanan din siya...