Chapter 21

2.8K 156 3
                                    

Napabuntong-hininga na lang si Errol habang naglalakad pauwi mula sa babaan. Hindi niya kasabay si Nathan pauwi dahil may dinaanan ito. At mas gusto niyang hindi ito kasabay. Habang nasa daan ay sumagi sa isip niya ang kalagayan ng pinagtatrabahuan. Ilang beses nang natigil ng naantala ang kanilang trabaho dahil sa pagrarally ng unyon. Wala rin naman siyang magawa kundi pagbutihin ang kanyang trabaho kahit na minsan ay nahahawa na siya sa pagiging bugnutin ni Nathan na ilang beses na ring nagbantang magreresign.

Sa isang karinderia ay umupo siya at kumuha ng basong nilagyan niya ng tubig. Tiningnan niya ang pitakang hindi na lalagpas sa limang daan ang laman. Oo nga pala. Isang linggo ng delayed ang kanilang sweldo, isang bagay na nagpapainit sa ulo ng mga katrabaho niya. Huminga siya nang malalim at inangat ang tingin sa tinderang nakangiti. "Aling Ruth, isang pinakbet nga at kanin."

Habang kumakain ay nakaramdam siya ng pagyanig. Natabig ang basong puno ng tubig at nabasa ang kanyang pantalon. "Leche naman, o." Napahawak siya sa mesa habang minamasdan ang ugoy ng bombilyang nakasabit sa kisame at ang paghinto sa pagkain ng ibang naroon. Unti-unti ring humina ang paggalaw ng lupa

"Psst."

Nilingon niya ang pinanggalingan ng sutsot. Nakita niya ang lolo niya sa tapat ng isang poste. "Lo, kumain ka na ba?"

"Hindi na mahalaga."

"Hindi, mahalaga ang pagkain. Tingnan niyo lalo kayong pumayat."

Umiling ang matanda at nagsalita. "Sumanib na ang mga bato sa mga nakatakda!" bulalas nito kay Errol.

"Tapos, lo? O, wala naman. Tahimik ang paligid," pamimilosopong sagot ni Errol. "Nako, lo, niloloko niyo yata ako."

"Ang pagyanig ng lupa..."

"Natural lang yun kasi nasa Pacific Ring of Fire ang Pilipinas." Tinitigan lang siya ng matanda.

"Kailangang mahanap natin sila bago tayo maunahan ni Cassandra."

"Teka, lo, akala ko ba konektado kayo sa mga bato? Bakit kailangan pa hanapin?"

"Sa totoo lang, Errol, maraming bagay na ngayon ko lamang natutuklasan. Maaaring hindi lubos ang ating koneksiyon sa mga bato."

"Bakit kasi walang user guide yang mga batong yan?"

"Ngunit mararamdaman natin ang enerhiya ng mga ito kapag ginamit ng humawahawak sa mga ito ang kapangyarihan."

"Sure ka diyan, lo? Nako, diskumpyado na talaga ako sa inyo. Baka niloloko niyo lang ako. Kagaya niyan, di niyo pala talaga alam ang tungkol sa mga bato. Pa'no ngayon yan?"

"Kaya nga kailangan nating magmasid at makiramdam."

"Nako, lo, hindi niyo ako maasahan diyan. Busy ako sa work. Tingnan niyo nga, o, lagi na akong ginagabi sa pag-uwi. GPS-enabled ba 'yung mga bato, lo?" Isang hampas sa kanyang batok. "Aray, lo!"

"Hindi ito biruan. Seryosong bagay ito!"

Hinimas ni Errol ang ulo. "Pa'no kita tutulungan eh maski ikaw di mo naman talaga kabisado ang mga hiyas?"

"Naiintindihan ko ang iyong agam-agam. Minsan iniisip ko kung dapat pa ba kitang isali sa gulong ito." Yumuko si Melchor at umiba ng tingin.

"Lo..."

"Tama ka. Ako man ay maraming di alam tungkol sa alamat ng mga hiyas. Bueno..." Inikutan si Melchor ng mga orbe.

"Lo, sandali!"

"Bakit?" Nalusaw ang mga orbe sa paligid ni Melchor.

"Teka, lo, medyo natatae ako." Hinimas niya ang sikmura.

Sumimangot si Melchor kasabay ng paglitaw muli ng mga orbeng inikutan siya.

"Sandali, lo!"

"Bakit?"

"Hindi ako sigurado pero parang nakita ko ang... Ang asul na hiyas parang nagliliwanag."

Sandaling tiningnan ni Melchor ang apo at maya-maya pa ay tumingin ito sa paligid at pumikit.

"Pero baka imagination ko lang." Nagtaka siya dahil hindi siya pinansin ng matanda noong sandaling iyon na nanatili lang na nakapikit. "Lo?"

Dumilat si Melchor. "Sa tingin ko alam ko na kung nasaan ito. Hawakan mo ang kamay ko."

"Lo, pwede ba ituloy ko muna ang pagkain ko? Nagugutom pa ako." Hinawakan ng lolo niya ang kamay niya at wala na siyang nagawa nang makitang umiba na ang paligid niya. 

Enchanted Series 2: Ang Supling ng LiwanagTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon