Mainit ang ulo ni Bryan na nagmamaneho isang gabi. Kakagaling niya lang sa away nila ni Cindy. Nagagalit siya sa nobya dahil puro trabaho na lang ang inaatupag nito. Madalang na silang lumabas nitong mga huling buwan. Bago sila maghiwalay ni Cindy ay nasigawan niya ito.
Sa gitna ng init ng ulo niya ay may itim na kotseng sumingit sa lane niya, bagay na lalong nagpabwisit sa kanya. Binilisan niya ang takbo ng sasakyan at binangga ang puwitan ng kotseng nasa harap na huminto. Nakita niyang lumabas ng kotse ang matabang lalaking nagmamaneho. Lumabas na rin siya.
"Ano'ng problema mo!" Dinuro siya ng matabang mama.
"Ikaw, ano'ng problema mo?" bulalas ni Bryan.
"Tingnan mo nga yang likod ng kotse ko!"
"Eh, tarantado ka eh! Sisingit singit ka." Nanlilisik ang mga mata ni Bryan sa kausap.
"Bakit, iyo ba 'tong kalsada? Bayaran mo yang nasira!"
"Magkano ba pagpapaayos niyan? Limang libo?" Kumuha si Bryan ng pera sa kanyang pitaka at tinapon sa mukha ng lalaki. "Ayan! Paayos mo yang bulok mong kotse!"
"Gago ka pala eh!" Tinulak ng lalaki si Bryan.
Hinimas ni Bryan ang balikat at agad sinipa ang matabang lalaki na ikinatumba nito. Lumapit siya dito at akmang hihilahin ito sa kwelyo nang sipain din siya nito. Nagngingitngit si Bryan. Hindi niya alintana ang mga bumubusinang kotse sa likod. Inundayan niya ng suntok ang mukha ng lalaki.
Biglang yumanig ang paligid. Natumbang muli ang matabang lalaki at napahawak sa lupang yumyanig. Ilang banggaan ang naganap. Ang mga nakahintong kotse ay kusang gumalaw dahil sa malakas na pag-uga ng lupa. Ilang poste ang bumagsak. Dinig ni Bryan ang mga sigawan. Hindi niya alintana ang lindol at nakalakad pa ito papunta sa lalaki. "Gago! Pulutin mo ang mga perang pambayad mo sa pagpapaayos ng kotseng singbulok ng mukha mo! Tarantado!"
Pumasok si Bryan sa kotse niya at hinintay na humupa ang lindol.
BINABASA MO ANG
Enchanted Series 2: Ang Supling ng Liwanag
FantasyHighest Ranking #9 in Paranormal Synopsis: Si Errol na ang susunod na tagaingat ng mga hiyas. Subalit paano niya gagampanan ang tungkulin gayong bukod sa kanyang alinlangan sa katotohanan ng mga isinaad ng kanyang lolo ay may pinagdadaanan din siya...