"O, naparito ka?"
"Tita Celia, nandiyan po ba si Errol?"
"Tuloy ka."
Dinig ni Ivan ang walang tonong boses ni Aling Celia na nakakapanibago. Tumuloy naman siya sa munting tahanang iyon.
"Upo ka," saad ni Aling Celia. "Gusto mo ba ng maiinom?"
Hindi alam ni Ivan kung tatango o hihindi. Nakita niyang pumunta ito ng refrigerator nila at kumuha ng bote ng soft drinks. Binuksan ito ng ale at inilapag sa tapat niya.
"Wala pa si Errol. Bakit mo siya hinahanap?" seryosong tanong ni Aling Celia.
"Nakita ko kasi siya kanina sa park na mag-isa. Nung lapitan ko tumakbo at sumakay ng dyip. Naisip ko na baka umuwi na siya."
"Ganon ba?"
Dinig ni Ivan ang malalim na buntong-hininga ng nanay ni Errol. Nahihiya siyang tingnan ito ng diretso. Sa tono ng pananalita ni Aling Celia ay tila galit ito sa kanya.
"Alam mo, nitong mga huling linggo, napapansin kong nag-iba 'yang anak ko. Laging tulala. Pag umaalis, ginagabi. Minsan umuwi 'yan ng madaling araw na basa at madungis."
"Po?" Nagulat si Ivan sa narinig na pag-uwi ni Errol na basa at madumi. "Ano po nangyari sa kanya?"
"Hindi ko alam. Ang sabi niya naaksidente daw siya."
Hindi alam ni Ivan ang isasagot.
"Alam mo, Ivan. Ayaw ko mapariwara 'yang anak ko na 'yan." Nababasag ang boses ni Aling Celia. "Mahal na mahal ko yan."
Yumuko si Ivan. Nararamdaman niya ang pag-anghang ng kanyang mga mata.
"Di ba nag-usap tayo noon? Ang sabi ko 'wag mong paasahin ang anak ko," saad ni Aling Celia na naluluha. "Masakit sa akin na nakikitang ganyan ang anak ko."
"Tita, sorry po!" Hinila ni Ivan ang mga kwelyo upang ipahid sa kanyang mga mata.
"Pero hindi naman kita masisisi. Lalaki ka, eh. Siguro kasalanan din ng anak ko kasi alam naman niya sa simula't simula na..."
Walang naisagot si Ivan. Yumuko lang siya at hiyaang umanghang ang mga mata.
"Alam mo, pagkatapos ninyong magdate noon, masayang masaya 'yon," saad ni Celia na napaiba ng tingin at napangiti. "Sabi niya, 'nay, first time na may date ako sa Valentine's Day.' Tuwang tuwa ako para sa kanya noon." Pinahiran ni Celia ang mga mata. "Kasi kahit papaano ay naranasan din niya ang ganoon. Pero alam mo, sana hindi mo na pinaabot doon."
Tahimik lang na nakikinig si Ivan.
"Sana naging tunay na kaibigan ka na lang. Sana hindi mo na lang siya masyadong pinag-ukulan ng atensiyon."
"Sorry po, tita. Kaya pumunta ako dito kasi gusto ko siya makita, kamustahin."
"Sa tingin ko, iho, mas makakabuti kung hindi na kayo magkita. Kilala ko 'yong anak ko. Kahit nandito 'yon, hindi ka no'n kakausapin."
"Tita, pag dumating siya, pakisabi po dumaan ako."
"Sige na at baka dumating na si Gary."
"Sige po."
Matapos ang sandaling pag-uusap nila ng ina ni Errol ay tumigil siya sa bahay ng nakakatandang pinsan.
"Ate Liz, namimiss ko siya," saad ni Ivan na malungkot ang mukha.
"Yan, yan! Sabi ko na nga ba in love ka sa kanya, eh," saad ni Liz habang inaayos ang kanyang maluwang na damit pambahay.
"Kanina nakita ko siya sa park habang kasama ko si Georgia."
BINABASA MO ANG
Enchanted Series 2: Ang Supling ng Liwanag
FantasyHighest Ranking #9 in Paranormal Synopsis: Si Errol na ang susunod na tagaingat ng mga hiyas. Subalit paano niya gagampanan ang tungkulin gayong bukod sa kanyang alinlangan sa katotohanan ng mga isinaad ng kanyang lolo ay may pinagdadaanan din siya...