Chapter 72

2.8K 127 36
                                    

"Alam kong ang alagad ng apoy ang kasama mo," saad ni Cassandra sa mas malakas na boses.

Hindi alam ni Errol ang isasagot. Nang lingunin niya si Erik ay nakatayo na ito, na nakangiwi, hinihimas ang likuran.

Kinabahan siya. Hindi pwedeng pati sila ng Kuya Bryan niya ay matangay ng bruha.

"Naghihintay ako." Nakadilat ang mga mata ni Cassandra.

Isa pang tanawin ang umabala kay Errol na bilabalanse ang sarili sa iisang paang nakatukod sa semento. Kumakapal ang yelo sa paligid niya at ramdam niya ang mas bumababang temperatura. Nakikita niya ang pag-usok ng kanyang hininga bunga ng sobrang lamig. Ramdam niya ang panginginig ng kalamnan.

"Rol!"

Agad niyang naramdaman ang yakap ni Erik mula sa likuran. "Erik, nasan si Kuya Bryan?" Nanginginig ang kanyang mga labi.

"Hindi ko alam."

"How sweet!" Ngumisi si Cassandra. "Lumapit ka dito, binatang alagad ng apoy."

"Erik, wag!" Ramdam niya ang kabog sa kanyang dibdib. Ngunit ramdam din niya ang pagdaloy ng init mula kay Erik papunta sa kanya. Natunaw ang yelong nasa talampakan ng kanilang mga sapatos. Bahagya ring natunaw ang yelo sa paligid.

"Lumapit ka dito sa akin at walang masasaktan sa inyo," muling saad ni Cassandra.

Umiling si Errol. Ramdam niyang hinigpitan ni Erik ang pagyakap sa kanya.

"Dito lang ako!" sigaw ni Erik. "Tigil mo na 'tong ginagawa mo!"

Ngumisi si Cassandra at humarap kay Cindy. Mabilis na kumumpas ang huli kasabay ng ulan na naging mga butil ng yelo bago bumagsak sa lupa. Tumingala ito kasabay ng paghina ng pagbagsak ng mga butil ng yelo. Tila kinulekta niya ang mga ito. Nagkumpulan ang mga butil ng yelo sa harap niya. Nagbago ang itsura ng mga ito -- mula bilugan ay naging matulis ang magkabilang dulo ng mga ito.

"Ate Cindy, naririnig mo ba ako?"

Sandaling tumigil ang babae at tiningnan siya nito. Sandali ring nasuspende sa ere ang tila libu-libong mga butil ng matutulis na yelo.

"Hindi ka na niya naririnig. Ako lamang ang pinakikinggan niya." Nilapat ni Cassandra ang kamay sa balikat ng dalaga at ginalaw nito ang mga kamay.

Kasabay ng galaw ni Cindy ang pagragasa ng mga butil ng yelo papunta sa kinaroroonan nina Errol.

"Putang ina! Rol, wag kang gagalaw!" Agad humakbang si Erik sa harap ni Errol. Nagningas ang kanyang mga mata kasabay ng kumakawalang apoy mula sa kanyang mga kamao na tinuon niya sa mga piraso ng yelong papunta sa kanila. Tinunaw ng apoy ang mga butil ng yelo.

Muling ginalaw ni Cindy ang mga kamay kasabay ng mabilis na paglamig ng paligid. Ramdam ni Errol ang malamig na hamog sa kanyang balat.

"Ano ba ang gusto ninyong mangyari!" sigaw ni Erik.

"Ang pumanig kayo sa akin." Nakaturo ang isang kamay ni Cassandra sa kanila.

Patuloy na lumalamig ang paligid. Dama ni Errol ang tindi ng lamig na nanunuot sa kanyang lalamunan sa bawat paghinga.

"Ano'ng ginagawa niya?" tanong ni Erik.

"Sa tingin ko," saad niya habang nag-iisip, "kinukuntrol ni Ate Cindy ang tubig sa hangin at pinapalamig ito nang husto." Nakita niyang sandaling nag-isip si Erik. Ginala niya naman ang tingin sa paligid. Binabalutan ng yelo ang daan, mga kotse, at mga puno sa paligid. Tila binabalutan na rin ng yelo ang mga gusali sa di kalayuan. "Erik, gamitin mo ang init mula sa katawan mo."

Enchanted Series 2: Ang Supling ng LiwanagTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon