"Hayop ka!" sigaw ni Bryan mula sa kung saan. "Tantanan mo na kami!" Tinuon nito ang mga kamay sa kalsada, at lumakas ang paggalaw ng lupa. Mula sa paa ni Bryan ay nagbitak-bitak ang kalsada. Gumapang ang mga bitak patungo sa tatlong nasa di kalayuan.
Maya-maya pa ay umangat ang mga tipak ng semento at mabilis na gumalaw papunta sa tatlo. Kumumpas si Ivan at inikutan sila ng ipo-ipong nagpalihis sa mga tipak ng semento.
Kumumpas muli si Bryan at natuklap ang isang bahagi ng kalsada. Gumalaw ang bahaging iyon patungo sa tatlo.
Kinuyom ni Ivan ang kanang kamao. Sa palibot ng kamao nito ay namuo ang isang kumpol ng hangin na kumakapal at bumibigat sa bawat segundo. Tinulak ng makapal na kumpol ng hangin ang mga debris papalayo. Walang anu-ano'y tinama ni Ivan ang kamaong ito sa tipak ng sementong pinagalaw ni Bryan. Sumabog sa ere at nagkapira-piraso ang bloke.
Bakas sa mukha ni Bryan ang gulat, ngunit binaling niya ang tingin sa bruha. "Pakawalan mo na sila!" Muling gumalaw ang lupa kasabay ng muling pagbitak-bitak ng kalsada.
Ngumiwi si Cassandra habang lumalaki ang bitak sa parte ng kalsadang kinatatayuan niya. Bumukas ang lupa. Halata sa mukha nito ang pagkagulantang nang mahulog ito sa siwang. Nakakapit pa siya sa dulo ng bitak, ngunit nahulog din. Umalingawngaw ang tili nito. Nagsara ang bitak na ginawa ni Bryan.
Habang papalapit kay Cindy ay nagsalita siya. "Babe?"
Ngunit wala pa ring ekspresyon ang mukha ni Cindy. Maitim pa rin ang mga mata. Ganoon din si Ivan. Napahinto sa paglalakad si Bryan habang mabilis na namuo ang usok sa tabi ni Cindy.
"He's yours," saad ni Cassandra kay Cindy. "Paglaruan mo muna bago natin kunin." Humalakhak ito.
Tumingala si Cindy at tinaas ang mga kamay. Muling bumuhos ang malakas na ulan, ngunit ilang sandali pa ay pinalitan ng yelo ang mga butil ng tubig. Dahil sa taranta ay nawalan ng kontrol si Bryan at tumigil ang pagyanig ng lupa.
Tila ay binugbog si Errol habang tumatama sa kanyang likod ang mga piraso ng yelong nahulog mula sa maitim na ulap. Hindi na niya alintana ang sakit. Gumapang siya, ginawang pananggalang ang kanyang ulo upang di tamaan ng mga yelo ang mukha ng kaibigan. Maaaring ito na lamang ang tangi niyang magawa sa taong minsan ay minahal niya nang husto. Sinulyapan niya si Bryan.
"Cindy, ako ito." Dahan-dahang naglalakad si Bryan patungo kay Cindy. "Hindi kita lalabanan."
Blankong titig lang ang ginawad ng babaeng kumumpas muli. Mabilis na namuo ang mga matulis na yelo sa dulo ng kanyang mga daliri. Matuling pinuntirya ng mga piraso ng yelong iyon si Bryan. Nabasag ang mga yelo nang tamaan ng mga ito ang katawan ng binatang sandaling naging matigas na bato.
Muling naglakad si Bryan patungo sa wala sa sariling nobya. "Babe!" Nagsusumamo ito.
Muling pinagalaw ni Cindy ang mga butil ng yelo at pinadaloy ang tubig sa kalsada papunta kay Bryan.
"Babe, ano'ng ginagawa mo?" Yumuko si Bryan at ginalaw-galaw ang mga paa. Subalit mabilis na binalot ng tubig ang kanyang mga paa. Pinagsama ni Cindy ang tubig na dumaloy papunta sa kanyang paa at tumigas bilang yelo. Dumaloy pa sa buo niyang katawan ang yelo, hanggang sa di na siya makagalaw. "Cindy! Cinggmmg..." Binalot na ng yelo ang buo niyang katawan.
Tanaw ni Errol ang mga pangyayari. At ang masaklap ay wala siyang magawa bukod sa tingnan ang estatwang yelong iyon na malamang dahilan ng paghalakhak ng alagad ng kadiliman.
BINABASA MO ANG
Enchanted Series 2: Ang Supling ng Liwanag
FantasyHighest Ranking #9 in Paranormal Synopsis: Si Errol na ang susunod na tagaingat ng mga hiyas. Subalit paano niya gagampanan ang tungkulin gayong bukod sa kanyang alinlangan sa katotohanan ng mga isinaad ng kanyang lolo ay may pinagdadaanan din siya...