"Lo, hindi niyo ho maiintindihan kapag sinabi ko. Hayaan niyo na lang akong umiyak," saad ni Errol na nakaupo sa isang batong upuan sa labas ng kubo ni Melchor.
"Apo, subukan mo lang na ikwento sa akin. Baka makatulong ako," saad ni Melchor. "Noong natagpuan kita sa parke ay noon ay umiiyak ka rin. Ano ang problema?"
Hindi umimik si Errol. Tahimik lang itong nakatutok sa apoy na labas ng kubo, sinisipat ang ningas nito.
"Baka makatulong ako," dugtong ni Melchor.
"Wala po kayong maitutulong, lo."
"Tungkol ba sa pag-ibig 'yan?"
Tumahimik muli si Errol, nagdadalawang-isip kung magsasalita o mananatiling tahimik. Ngunit tumango din si Errol. "Mahal ko kasi siya, lo. Pero ganun pala kababa ang tingin niya sa akin."
"Iyan ba iyong lalaking kasama mo sa restawran noong nahilo ka?"
"Pa'no... Pa'no ninyo alam, lo?" Lumingon si Errol sa matanda na nakatayo lang at nakayuko sa kanya.
Ngumiti si Melchor sa apo at nilagay ang mga kamay nitong magkahawak sa likuran niya. "Matagal na kitang sinusubaybayan. Noon ko pa kayo sinusubaybayan ni Celia sa malayo. Nitong huli ko nga lang nalaman ang pangalan mo. Subalit alam ko kung ano ka, Errol, apo."
"Okay lang ba sa iyo na ... bakla ako?"
"Hindi importante ang kasarian. Ang importante ang naririto." Tinuro ni Melchor ang dibdib ni Errol.
"Salamat, lo. Mabuti naman at hindi ka homophobic," kaswal na saad ni Errol.
"Ano, apo? Anong homo... Ano iyon?" Nakakunot ang noo ni Melchor.
"Sabi ko mabuti naman at hindi ka galit o naasiwa sa mga bakla."
"Bakit naman? Ganoon talaga," saad ni Melchor sa namamaos nitong boses. "Kahit noong kapanahunan ko ay may mga binabae na. Ngunit hindi na iyan importante. Ano nga pala ang pangalan ng lalaking iyon?"
"Ivan, lo."
"Matikas ang binatang iyon. Iniibig mo ba siya?"
Sandaling tumahimik si Errol. Bakit ba kahit masakit ang ginawa ni Ivan sa kanya kanina ay ganoon pa rin ang nararamdaman niya dito?
"Hindi mo kailangang magkaila, apo."
"Lo, naman. Alam niyo naman pala, nagtatanong pa kayo." Pinahiran ni Errol ang pisngi.
"Makapangyarihan ang pag-ibig, apo." Tumingala si Melchor. "Ito ang pinakamakapangyarihang pwersa sa kalawakan."
"Ang korni niyo, lo."
"Galit ka ba sa kanya?"
"Magsisinungaling ako kung sasabihin kong hindi." Kumuha si Errol ng piraso ng kahoy at sinundot-sundot ang nagniningas na kumpol ng mga kahoy sa harapan.
"Subalit mahal mo rin siya, tama?"
"Magsisinungaling din ako, lo, kung sasabihin kong hindi."
"Bantayan mo ang puso mo, Errol. 'Wag mong hayaang kainin ito ng galit at puot."
"Bakit, lo?" Lumingon ang binata sa matanda.
"Masayahing bata si Cassandra noon."
"Yan ba 'yung evil witch?"
Tumango si Melchor at ngumisi. "Ngunit kinain siya ng puot kaya kinain na rin ng kadiliman ang kanyang budhi."
"Kaya pala naging evil siya, lo."
"Ang ating kapangyarihan ay nakatali sa ating emosyon, Errol. Kaya bantayan mo ang iyong emosyon."
"Wala naman, lo, eh." Umirap ang binata. "Kanina nga sumisigaw ako sa daan, humahagulgol, wala namang nangyari. Hindi ko nga magawa 'yang tricks ninyo, eh."
BINABASA MO ANG
Enchanted Series 2: Ang Supling ng Liwanag
FantasyHighest Ranking #9 in Paranormal Synopsis: Si Errol na ang susunod na tagaingat ng mga hiyas. Subalit paano niya gagampanan ang tungkulin gayong bukod sa kanyang alinlangan sa katotohanan ng mga isinaad ng kanyang lolo ay may pinagdadaanan din siya...