Chapter 60

2.8K 144 7
                                    


Mabilis na lumingun-lingon si Erik, tinatanaw ang panganib na nasa paligid. Nilingon niya ang kanina'y kinaroroonan nina Ivan at Errol. Wala na sila. Malamang nakalayo na.

Hindi niya alam kung ilang tao na ang nadali niya. Hindi na niya rin inisip kung dapat ba siyang makunsensiya. Pinuprotektahan niya lang ang sarili at ang mga kaibigan. Hindi naman sila ang nag-umpisa nito. Papatay siya para sa mga mahal sa buhay. Papatay siya para kay Errol.

Subalit hindi niya rin alam kung ilan pang mandirigma ang nasa gubat. Mukhang marami sila. Ginala niya ang tingin sa masukal na gubat. Wala siyang maaninag sa paligid bukod sa mga puno, baging, at palumpong. Pero dinig niya ang mga yapak.

Tumutulo ang pawis mula sa kanyang noo. Ramdam niya ang basang suot dahil sa pawis. Isang palaso ang tumusok sa lupa malapit sa kanyang kanang paa. Agad niyang nilingon ang pinanggalingan nito. Isang lalaki ang nakapamewang na nakangiti sa kanya sa di kalayuan.

"Sorry, tol, trabaho lang" -- tinuon nito ang pana sa kanya -- "walang personalan."

Nakailag si Erik at mabilis na nagpakawala ng apoy sa mga kamay habang tumatakbo papunta sa kalaban. "Sabi ng trainor ko sa self-defense noon" -- isang bolang apoy ang pinakawalan niya na tumama sa salarin -- "mas mahirap daw asintahin ang moving target." Ngumisi siya habang tanaw ang dalawang lalaking tinutok na ang mga palaso sa kanya. Kumawala ang mga linya ng apoy mula sa kanyang mga palad at tinumbok ang dalawang mandirigmang agad nilamon ng apoy.

"Tigil! Napapaligiran ka na namin."

Tumigil si Erik. Dama niya ang mabilis na tibok ng puso. Mabilis ang kanyang paghinga. Ginala niya ang tingin. Anim na mandirigma. Nakikita niya ang mga nakatuong pana sa kanya. "Putang ina! Wala kaming ginagawa sa inyo!"

"Napag-utusan lang." Tumawa ang isa sa kanila na sinabayan din ng ilan.

Nagliparan ang mga palaso kasabay ng pagyuko ni Erik at ang pagningas ng kanyang katawan. Sa isang iglap ay lumagablab ang apoy na mabilis lumawak. Tila isang pagsabog ng bomba ang naganap at tumilapon ang mga kalalakihang kanina ay nakapalibot sa kanya.

Nang idilat niya ang mga mata ay nakita niya ang iilang sunog na palasong nakatusok sa lupa sa paligid niya

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.

Nang idilat niya ang mga mata ay nakita niya ang iilang sunog na palasong nakatusok sa lupa sa paligid niya. Umaapoy ang mga palumpong sa paligid. Sunog ang balat ng mga naglalakihang puno. Tanaw niya ang iilang sunog na katawan sa paligid.

Habang hinahabol niya ang paghinga ay bigla siyang nakarinig ng kaluskos na agad nagpalingon sa kanya. Ngunit bago makagalaw ay naundayan na siya ng sipa ng isang mandirigmang naglambitin sa lubid na nakasabit sa isang sanga ng puno. Napadaing si Erik na dumausdos sa lupa, ngunit bago pa siya makagalaw muli ay may isa pang sumipa sa kanya sa tagiliran. Napaungol siya habang hinihimas ang tagiliran.

"Tutuluyan na ba natin?" tanong ng isa sa mga lalaki.

"Di daw." Dumura ang isang lalaki. "Dapat daw buhay."

Enchanted Series 2: Ang Supling ng LiwanagTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon