Chapter 19

3.2K 157 10
                                    


Naghimutok si Errol. Amoy niya ang mainit na kapeng nasa harap niya, pero wala dito ang wisyo niya. Napanaginipan niya ang mga hiyas noong nakaraang gabi. Sa panaginip niya ay sumanib na ang mga ito sa apat na taong hindi niya mamukhaan. Tulog ang mga ito noong naganap ang pagsanib. Hindi niya alam kung totoo ang panaginip o bunga lang ng kanyang imahinasyon. Iyon na siguro ang sinabi ng kanyang lolo, ang pagsanib ng mga hiyas sa mga tao. Pero hindi siya sigurado. Ni hindi niya alam kung gaano katotoo ang mga kinuwento ni Melchor.

"Tulaley?"

Napaigtad siya sa boses ng kaharap.

"Ano 'to?" Luminga-linga si Manny. "Wala akong kausap?"

"Marami lang akong iniisip," marahan niyang tugon.

"Si Ivan na naman?"

Tumitig lang si Errol sa kanya. Oo, isa siya sa mga laging sumasagi sa isipan niya nitong huli. Bakit parang gusto niyang bawiin ang sinabi niya dito? Gusto niyang makita ang binata. Pero tinatagan niya ang sarili. Kailangan manindigan siya sa kung ano sa tingin niya ang tama.

"Huy!"

Muli siyang napaigtad. "Sir Manny, ano ba!"

Tumawa lang ang beking guro. "Ayan! Tawagan mo na kaya. Sabihin mo, 'Ivan, miss na miss na kita!'"

"Sira! Eh di parang engot lang ako."

"Engot ka naman talaga!" Nakadilat pa ang loko-loko. Umiling ito habang nakasimangot. "Ewan ko rin kasi sa'yo. Obvious naman na mahal mo yung tao, pero may mga keme ka pang ganyan."

"Ayoko na kasi. Ayoko umasa sa isang bagay na alam ko namang imposible."

"Hayop din kasi yang Ivan na yan."

"Hindi ko naman hiningi sa kanya na ituring niya ako bilang kapatid niya. Gusto ko lang maging honest siya. Okay lang naman kung magka-girlfriend siya. Wala naman kaming usapan na magiging kami." Hindi niya namalayan ang pagtulo ng luha.

"Hoy, h'wag kang krumayola ditey!" Ginala nito ang tingin sa paligid ng coffee shop. "Baka isipin nila inaaway kita."

"Hindi ko kasi mapigilan. Pasensiya na."

"Ano'ng gusto mong gawin ngayon? Kahit na ano, gogora akey!" Umirap ito. "Nako, basta wala lang lundagan sa tulay. Kakaloka! Maheheadline pa tayo. Okay lang kung sa CNN, pero maryosep baka sa TikTik lang tayo maheadline. Chaka!"

"Baliw ka talaga." Natawa na rin siya kahit paano.

"In love ka talaga sa kanya, 'no?"

Hindi siya kumibo. Alam niya ang sagot, pero ayaw niyang aminin sa sarili. Naghahalo ang mga emosyon sa tuwing naiisip niya si Ivan. Gusto niya itong makita. Pero nangingibabaw ang paninindigan niya. Masakit, pero sa tingin niya ginagawa niya lang ang tama, ang makabubuti para sa sarili niya.

"Okay lang yan. Ilang beses na rin ako dumaan sa ganyan. Kaya hindi ko na masyadong siniseryoso yang mga love love na yan."

"Hindi ko naman sineryoso, pero" -- muli niyang pinunasan ang mga mata -- "wala, eh. Hindi ko napigilan ang sarili ko na mainlove sa kanya."

"I understand," mahinahon nitong saad. "O! English yon ha!" bulalas nito.

Natawa na naman si Errol. "Baliw!"

"Serious mo." Muli nitong ginala ang tingin. "Sus, may mga pogi dito. Pili ka lang sa kanila. Ako chichika for you."

"H'wag na. Mapapahiya na naman tayo eh."

"Grabe siya, o. So ano 'to, cryola session lang?"

"Hayop ka talaga. Gusto ko lang ng kausap eh."

"Nakuuu, ikaw'ng manang ka. Hindi ko sinipot yong jowa ko para lang sa'yo ha."

"Sige, alis ka na lang. Okay lang naman ako dito."

"Ay, ito naman hindi na mabiro. Magliwaliw kasi tayo. Dapat malibang ka. Magbar tayo. Disco. Ganern!"

Matagal naghimutok si Errol na hinayaan si Manny na magcheck sa Facebook nito sa kanyang telepono. Muli siyang nagsalita nang makita itong muling tumitig sa kanya. "Tama ba yung ginawa ko?"

"Oo, tama yon. Alam mo, sabi ko naman sa iyo eh. Tama na yang iyak iyak na yan. Nakakabawas ng beauty. O, maga na ang mga mata mo, te."

"Masakit pa rin, Sir Manny. Nabubwisit ako sa sarili ko. Naiinis ako sa kanya. Pero nag-usap na kami, at dapat hanggang doon na lang. Sana maging masaya siya."

"At sana maging masaya ka rin. Lilipas din yan. H'wag no na kasi masyadong dibdibin."

"Naiisip ko kasi lagi."

"Maiba tayo. Saan ka naglalagi ngayon?"

"Sa isang boarding house."

"Di ba maliit lang yan?"

"Hindi naman. Okay naman yung tinitirahan ko."

"Sa'n yan?"

"Ayoko muna sabihin sa'yo."

"Ay, nako ha. Parang hindi tayo magkaibigan."

"Kilala kasi kita. Baka sabihin mo kina Erik."

"Bahala ka nga. Ayaw mo ba malaman ni Papa Erik?"

"Hindi na nga niya dapat malaman, di ba?" Sumimangot si Errol. "Okay na yun si Erik. Ayaw ko na siya abalahin."

"Kinakamusta ka niya minsan sa akin."

"Sabihin mo lang na okay lang ako. Basta h'wag mong ibibigay ang number ko."

"Oo na nga. Manang na 'to! Daming keme. Ilang beses na akong nagsinungaling sa kanya na di ko alam ang number mo."

Bumuntong-hininga si Errol. "Saklap maging tulad natin, 'no?" Marahan siyang tumawa, tawang ginawa niya upang tuyain ang sariling kalungkutan. "Parang imposibleng maging masaya."

Hindi sumagot si Manny. Nahalata ni Errol ang pilit na tawa nito. Ang pilit na tawang iyon ang nagpahiwatig sa kanya na sa puntong iyon ay naiintindihan nila ang isa't-isa. Bakit ba mailap sa kanila ang pag-ibig? Dahil ba iba sila?

Enchanted Series 2: Ang Supling ng LiwanagTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon