Chapter 35

3K 133 16
                                    

Hindi maintindihan ni Ivan ang mga nangyayari. Hindi niya maintindihan kung paano siya nakarating sa pamilyar na bar na ito kung saan siya nakaharap. Nakita niya na ang tanawing ito. Oo, tama. Pero teka, nagtataka siya dahil kinikilabutan siya sa pakiramdam na nangyari na ito -- ang pamilyar na pagtango sa kanya ng gwardiya ng lugar, ang pag-upo niya sa isang silya sa loob, ang mga nahuhuli niyang malagkit na sulyap ng iilang kalalakihan sa kanya, at ang nakayukong binatang iyon na sinisigawan at dinuduro ng isang lasing na lalaki. Nangyari na ito!

Ramdam ni Ivan ang pagkahabag sa binatang iyon na nakaupo sa di kalayuan habang tila ay inaapi ng lalaking lasing. Hindi man lang ito lumaban. Sumagi sa isip niya ang kapatid. Biglang nakadama ng bugso ng galit ang binata. Noon pa man ay galit na siya sa mga bullies. Nang lumapit siya sa lasing ay unti-unting nalusaw ang tagpo.

Nakita niyang muli ang sarili sa labas ng bar. Nakita niyang nagsusumamo ang lasing na binata sa isang babaeng sumakay na ng taxi. Kinutya niya ang lasing. "Pa'no ba 'yan, pare? Makikiramay na lang ako." Ngumisi siya dito, ngunit hindi siya pinansin ng lasing na naglakad na papalayo.

Nang hanapin niya sa paligid ang binatang pinagtanggol niya ay nakalakad na ito. Hinabol niya ito. "Ivan nga pala." Nakita niyang nagulat ito. Bakit ba magaan ang loob niya dito? Hindi niya naman talaga ito kilala. Nakita niyang natigilan ito sa kanya. Hindi niya maintindihan ang nararamdaman na tila ba ay gusto niyang yakapin ang binata at tanungin ito kung okay lang ba siya. Sandali silang nag-usap. Gusto niyang ihatid ito, ngunit tumanggi ang huli. Wala na siyang nagawa kundi tunguhin ang kanyang motor upang umuwi na rin.

Nang paandarin niya ang motor ay tinahak na niya ang daan pauwi, ngunit wala pang isang minuto ay binagabag siya ng maaaring mangyari doon sa binatang nakilala. Mag-isa lang siya. Baka balikan siya nung lalaking umaway sa kanya. Kaya naman ay umikot si Ivan sa salungat na direksiyon at tinahak ang kanina'y nilakaran ng binata. Madilim ang kalyeng iyon kung saan kanina'y nakita niyang lumiko ang binatang nakilala niya sa pangalang Errol. Nabahala si Ivan para sa kanya kaya naman binilisan niya ang pagpapatakbo ng motor hanggang sa bumalik ang mga ilaw sa poste at nakita niya ang tumatakbong binatang iyon.

Muling nalusaw ang tagpo at nang luminaw muli ang paligid ay nakita niya ang sariling nakasuot lang ng shorts. Nakahawak siya sa magkabilang pisngi ni Errol. Nasa kusina sila. Hindi niya alam kung bakit ... Kung bakit nais niyang halikan ang kausap na umiiyak. Ginalaw niya ang kanyang hinlalaki upang punasan ang basang pisngi ng binata. Maya-maya pa ay nagyakapan sila nang mahigpit.

Ang sunod na tagpong bumungad sa kamalayan niya ay isang pamilyar na pinto. Gawa ito sa kahoy at may kalumaan na. May hawak siyang mga puting rosas. Kumatok siya sa pinto. Dinig niya ang mga yapak mula sa loob. Narinig niya ang pamilyar na boses na iyon na nagtatanong kung sino ang kumakatok. Ngumiti siya at hindi sumagot. Bagkus ay kumatok siyang muli. Ilang minuto siyang tumayo sa tapat ng pintuang iyon at naghintay na mabuksan siya. Maya-maya nga ay narinig niya ang pag-ikot ng doorknob. Agad siyang tumalikod.

Nang marinig ang marahang pagbukas ng pinto ay umikot siya. Nakita niya ang binatang nakapambahay lang at mukhang kakagising lang. Nakita niya ang gulat na ekspresyon nito at ang pag-atras nito habang nakatulala sa kanya. Ngumiti siya dito at binati ito. Habang nag-uusap sila ay kita niya ang tensiyon sa kaharap. Gusto niya itong pakalmahin ngunit hindi niya alam kung paano. Pinatong niya sa kamay ng kaharap ang dalang kumpol ng puting rosas. Nakita niya ang pangingilid ng mga luha sa kanyang mata. Maya-maya pa ay nagyakapan ang dalawa.

Ilang sandali pa ay natagpuan ni Ivan ang sariling sumasayaw sa saliw ng musikang nagpasayaw din sa ibang magsing-irog sa isang magarang lugar na iyon. Hindi siya halos matingnan ng kasayaw na alam niyang naiilang. Dama niya ang lamig ng mga palad nito.

Nagbagong muli ang mga imaheng nakita ni Ivan. Nasa pamilyar na pook malapit sa dalampasigan si Ivan. Kakalabas lang niya ng kotse at nagmamadaling hinanap ang mga taong katagpo. Sa wakas ay natagpuan din niya ang mga ito sa di kalayuan, ang kanyang nakakatandang pinsang babae, isang lalaking di niya kilala, at ang taong iyon na malapit at mahalaga sa kanya. May dala siyang mga bulaklak. Mabilis ang kanyang mga hakbang papunta sa mga ito.

Nakita niyang ngumiti si Liz, samantalang si Errol naman ay sumulyap sa kanya at pagkuwa'y umiba ng tingin. Nang makalapit siya sa kanila ay iniwan sila nina Liz at ng binatang hindi niya nakuha ang pangalan.

Hindi niya batid ang sasabihin noong panahong iyon. Ang gusto niya lang ay humingi ng kapatawaran. Alam niyang mahirap dahil labis niyang nasaktan ang kaharap bago ang tagpong ito. Ilang mga linya sa tagpong iyon ang tila umalingawngaw sa diwa ni Ivan.

"Errol, 'wag ka na magalit, o. 'Wag ka na umiyak. Nasasaktan ako, eh."

"Ivan, salamat! Sa maikling panahon na nakilala kita naging makulay ang buhay ko kahit papaano. Salamat dahil kahit papaano ay napasaya mo rin ako."

Pinunit ng mga luhang iyon ang dibdib ni Ivan.

"Hindi na kita makakalimutan. May puwang ka na dito." Hinawakan ni Errol ang kanyang dibdib. "Pero sa tingin ko hanggang dito na lang ang ating pagkakaibigan. Pinapalaya na kita sa anumang responsibilidad mo sa akin bilang iyong kaibigan, bilang tinuturing mong kapatid."

Hindi nga naman sila naging magnobyo ni Errol ngunit ang tagpong iyon ay tila ba isang napakasakit na hiwalayan.

"Salamat, Ivan." Biglang niyakap ni Errol si Ivan at kumalas kaagad. "Salamat. Ingat ka lagi ha." Tumalikod si Errol at mabilis na naglakad papalayo.

Labis ang panlulumo at kalungkutan ang naramdaman ni Ivan habang tinatanaw si Errol na naglalakad papalayo. Hinayaan niya lang na dumaloy ang kanyang mga luha at bumagsak ang kanyang mga balikat. Nabitawan niya ang mga bulaklak na dapat sana ay iaalok sa taong iyon na nais niya hingan ng kapatawaran.

Unti-unting lumabo sa diwa ni Ivan ang tagpong iyon. Nang luminaw ang paligid ay nakita niyang nasa restroom na ulit siya. Nakasandal ang kanyang mga kamay sa lababo kung saan pumatak ang kanyang mga luha. Bakit biglang nanariwa sa isip niya ang mga alaalang iyon? Narinig niyang suminghot ang kasama kaya lumingon siya dito. Kinukusot nito ang mga mata. "Are you crying?"

Tumawa ito ng payak at inayos ang sombrero sa ulo. "Sorry, I didn't mean to..."

Ngunit hindi siya kayang pakinggan ni Ivan. Isa lang ang nais niyang gawin ng oras na ito -- ang puntahan ang bahay ng kaibigang noo'y kanyang nasaktan. Gusto niya itong makita. "I'm sorry, mate. I have to go." Nang lumabas siya ng restroom ay nakangiting binungad siya ni Diana.

"What took you, guys, so long?" Ngumiti ito ngunit agad na kumunot ang noo. "Wait, what happened? Are you crying?"

Nababasag man ang boses ay pilit siyang sumagot. "I have to go. We'll meet some other time." Niyakap niya si Diana, ngunit bago siya kumalas ay pinigilan siya nito.

"Wait," saad ng babae na nakahawak sa kanyang bisig.

Natigilan si Ivan sa ngiting iyon.

"I know something's bothering you. Kung anuman yan asahan mo'ng andito lang ako."

Tumango si Ivan at suminghot. Namumula ang mga gilid ng kanyang mata.

"Hold my hands," saad ni Diana.

"Why?"

"Just hold my hands."

Hahawakan na sana niya ang mga kamay ni Diana nang mapansin niya ang paglapit ni Dane sa kanila.

"Hey," saad nito na napakamot sa ulo, "I didn't mean to --"

"It's okay," sabat ni Diana dito na agad na kinuha ang mga kamay ni Ivan at humarap sa kanya. "You'll be fine, Ivan." Ngumiti siya dito.

Hindi maipaliwanag ni Ivan ang kakaibang init na naramdaman niya gaya noong unang beses na magkahawak-kamay sila ng dalaga. May animo'y positibong enerhiya na dumaloy sa buong katawan at pagkatao niya at nakadama siya ng kapayapaan. Naramdaman niya ang pagbitaw ni Diana at pagkatapos ay ang paghalik nito sa pisngi niya.

"Whoever that is, find her." Hinimas ni Diana ang kanyang braso.

"You mean, find him?" kunot-noong sabat ni Dane. Napalingon naman si Diana na nakakunot-noo na rin.

Napangisi si Ivan. "Thanks, guys. I have to go." Iniwan niya ang dalawang tinapunan ang isa't isa ng nag-uusisang tingin.

Enchanted Series 2: Ang Supling ng LiwanagTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon