"Kahit ilang beses kong makita ang takipsilim na ito, namamangha pa rin ako. Pero, lola, di ba gabi na? Bakit takipsilim ulit?" Nakaharap si Errol sa lumulubog na araw at maya-maya pa ay inangat niya ang tingin sa makulay ang kalangitan. Naaalala niya ang binatang minsan ay nagdala sa kanya sa magandang lugar na ito. Kamusta na kaya siya?
"Nasa hinaharap tayo, Errol. Tumalikod ka."
Nang umikot siya ay nanlumo siya sa kanyang nakita. Ang Roxas Boulevard ay tambak ng mga basura at putik. Madilim ang Manila dahil halos lahat ng mga gusali ay walang ilaw. Bagsak ang maraming poste ng kuryente. Tanaw ni Errol ang gusali ng embahada ng Amerika sa di kalayuan. Madilim ito at may mga bitak at sira.
"Lola, ano'ng nangyari?"
"Ang tamang tanong ay, ano ang mangyayari na hahantong sa ganito?"
Tulala lang ang binatang nagtataka habang naglalakad-lakad sila ni Magda. Tumigil sila nang makita ang isang stroller na puno ng putik. Malamang may sakay itong sanggol. Sumikip ang dibdib ni Errol sa nakita. Sinakluban siya ng kalungkutan at hilakbot habang ginagala niya ang tingin sa paligid. Ano'ng klaseng pangitain ito?
Ilang metro mula sa stroller ay isang putikang manika. Yumuko ang binata upang sipatin ito. Hahawakan niya sana ito, ngunit tumagos lang ang kanyang kamay dito. Inangat niya ulit ang tingin. Hindi niya maintindihan kung bakit tumulo ang luha niya habang ginala niya ang tingin sa paligid na animo'y dinaanan ng delubyo.
"Hawakan mo ulit ang kamay ko."
Sumunod si Errol sa sinabi ng matandang babae. Biglang naglaho ang Baywalk. Nang dumilat siya ay nasa isang flyover na sila. "Nakakapagteleport din ba kayo?" Nakita niyang umiling ito.
"Wala akong ganoong kakayahan."
"Paano tayo nakalipat kaagad?"
"Tayong dalawa ngayon ay hindi lamang basta nakakakita ng isang pangitain. Tayo ay nasa loob ng pangitain. Tayo ay nasa hinaharap. Nakakalipat-lipat tayo dahil ito ang gustong ipakita sa atin ng pangitaing ito. Ito ang gustong ibigay na babala ng hinaharap."
"Parang time travel pala."
"Hindi rin. Wala tayong pwedeng galawin dito. Walang nakakakita sa atin."
Tanaw ni Errol ang mga magkakapatong na mga sasakyang putikan. Tila ay inanod ng baha ang mga ito. Puno ng mga basura at mga nabuwal na puno ang mga kalsada. Madilim din ang lungsod. May nakita siyang mga batang may dalang sulo sa di kalayuan. Kita din niya ang ilang gusaling walang bubong at mga bahay na nawasak. Ang ilang matataas na gusali ay wasak ang mga bintana at may mga bitak. Narinig niyang nagsalita ulit ang matanda.
"Ito ang kailangan nating pigilang mangyari, Errol."
"Pero, lola, paano?" Ngunit hinawakan lang ulit ni Magda ang kamay ng apo. Nang imulat ni Errol ang mata ay nasa tuktok na sila ng isang napakataas ng gusali sa Maynila. Tanaw niya ang makulay na kalangitang kinakain na ng kaitiman ng kalawakan. At saka, dama niya ang nakakabinging at nakakapanindig-balahibong katahimikan sa lungsod.
Madilim ang kabuuan ng lungsod kahit na may mangilan-ngilang ilaw siyang natatanaw. Wala ang mga ilaw sa bintana ng mga gusali. Wala ang mga gumagapang na mga ilaw sa ibaba mula sa mga sasakyang nagpapasikip ng trapiko. Wala ang masiglang tanawin ng kabisera ng bansa.
Nakakapanindig-balahibo ang kakaibang atmospera ng paligid. Tahimik. Tangay ng hangin ang hindi kaaya-ayang amoy ng tila nabubulok na karne. Napagtanto ni Errol na tila sinalanta ng matinding bagyo o daluyong o tsunami ang buong siyudad. Isa itong pangitain ng paparating na delubyo sa lungsod. Nakadama si Errol ng matinding pagkabahala, takot, at panlumumo. "Paano na sina nanay?" Sumagi din sa isip niya ang mga kaibigan. "Sina Manny, Erik, Ivan... Hindi pwede ito." At dahil nasa hinaharap sila -- "Lola, ibig sabihin mangyayari pa lang ito?"
"Oo, mangyayari nga ang nakikita mo!"
Nagulat si Errol dahil iba ang boses na narinig. Naging pino ito at matining. Humalakhak ang may-ari ng boses na iyon, isang halakhak na una niyang narinig sa isang palikuran kung saan siya noon nawalan ng malay. Lilingunin niya sana ang kanyang Lola Magda nang biglang malusaw ang imahe ng pangitain at bumalik sila sa loob ng barong-barong ng matandang babae. Narinig ni Errol ang namamaos na boses ng kanyang lolo.
-----------
P.S. I hope you're enjoying the story. It has taken on a darker turn since Chapter 38. Darker chapters ahead. Kaya kumapit kayo. I think from this time on I'll schedule updates every Friday evening. Every night sinusulat ko yung Book 3. Sana matapos ko siya bago natin matapos dito sa Wattpad itong CotL. Huwag kayong mahihiyang magcomment. Mahalagang madinig ang inyong mga boses para sa ikauunlad ng bayan.
BINABASA MO ANG
Enchanted Series 2: Ang Supling ng Liwanag
FantasyHighest Ranking #9 in Paranormal Synopsis: Si Errol na ang susunod na tagaingat ng mga hiyas. Subalit paano niya gagampanan ang tungkulin gayong bukod sa kanyang alinlangan sa katotohanan ng mga isinaad ng kanyang lolo ay may pinagdadaanan din siya...