Chapter 64

2.5K 144 21
                                    


Niyugyog ni Erik ang katawan ni Errol. "Rol, Rol? Errol!" Tinapik niya ang pisngi nito. Dumaloy ang masaganang luha mula sa pisngi ni Erik. Nilapit niya ang kanyang pisngi sa ilong nito. Humihinga pa siya. Kinuha niya ang pulso ng kaibigan. Buhay pa ito, ngunit natatakot siyang nalalabi na ang mga minuto nito.

"Boss, sila ba ang hinahanap natin?"

Nagulat si Erik nang lingunin ang pinanggalingan ng boses. Hindi niya namalayang natagpuan na pala sila ng mga humahabol sa kanila. Nakita niyang naglakad patungo sa harap nila ang lalaking nakajacket. May isa pang lalaking tumalon mula sa itaas. Dinig na ni Erik ang lakas ng kabog ng kanyang dibdib. Igagalaw niya sana ang kanyang kamay nang --

"Oops, one wrong move, babaon ang bala nito sa ulo ng nobyo mo." Ngumisi ang lalaking may isang gintong ngipin. Nakatutok ang kanyang baril sa sentido ni Errol na wala ng malay. Nagngitian ang tatlong lalaki kasama ng nagsalita.

Hindi makasagot si Erik. Tinatantiya ang sitwasyon. Sinisipat ang apat na kalalakihang armado.

Nagsindi ng sigarilyo ang lalaking may gintong ngipin. "Alam niyo, mas naging madali sana kung sinuko niyo na lang 'yang kaibigan ninyo. Buhay pa sana 'yung matanda. Buhay sana si pogi. Ano'ng nangyari diyan sa nobyo mo?"

"Hindi ko siya nobyo." Nagpupuyos si Erik. Hindi niya magawang tingnan ng diretso ang nagtatanong dahil sa namumuong ngitngit sa kalooban.

"Ang sweet ng itsura niyo eh." Ngumisi ang lalaking may hawak na baril at lumingon sa mga kasama. "Di ba sweet sila?" Tumango ang mga kasama nito at tumawa. "Hindi ko na patatagalin ito at madilim na. Sumama kayong dalawa sa akin."

"Bakit?" Matalim ang tinging ginawad ni Erik sa lider ng mga armadong lalaki.

"Wag ka na magtanong, kapag di kayo sumama sa akin pasasabugin ko ang mga bungo ninyo."

"Tarantado ka pala eh!" Binuka ni Erik ang kanang palad at mula dito ay sumibol ang bolang apoy. Matalim niyang tiningnan ang apat na kalalakihan. Nakayakap pa ang kaliwang kamay niya sa likod ng walang malay na si Errol. Ngunit tumawa lang ang lalaking may hithit na sigarilyo.

"Papatayin mo 'yan o papatayin ko 'yang kaibigan mo?"

Wala nang nagawa si Erik kundi isara ang kamay. Kasabay niyon ang pagkamatay ng apoy sa umuusok na kamao. Napansin niyang sa bawat hithit ng lalaking kaharap ay nagbabaga ang tabako sa sigarilyong nasa bibig nito. Pwede kaya niyang paapuyin 'yun? Habang iniisip 'yun ni Erik ay nagkulay apoy ang itim na bahagi ng kanyang mata at kasunod noon ay ang pagsabog ng sigarilyo sa bibig ng lalaki. Napaubo ito ng husto. Inalalayan siya ng dalawang tauhan dahil sa matinding pag-ubo. Ang dalawang lalaki naman ay itinutok ang kanilang mga pana kay Erik.

"Hayop" -- umubo ang lalaki -- "hayop ka!" Tinutok nito ang baril kay Erik.

"Mas hayop kang tarantado ka!" Magpapakawala sana ng apoy si Erik nang gumalaw ang lupa. Lumilindol. Niyakap niya si Errol habang tinitingnan ang mga lalaking ginala ang tingin sa gulat. Tinakpan niya ang ulo ni Errol.

Lumakas ang lindol. Bumukas ang lupa sa ibabaw ng apat na lalaki. Nagulat ang lider ng mga armadong lalaki nang isa-isang kainin ng bumubukang lupa ang mga tauhan niya. "Hoy, 'tigil mo 'to!" Tinutok niya ang kanyang baril kay Erik.

"Hindi ako ang may gawa nito!"

Nabiyak na ang lupa sa kinatatayuan ng lider at nahulog ito sa biyak, bakas sa mukha ang takot. Nabitawan nito ang baril na nahulog sa madilim na kailaliman ng buka. Nakahawak ang kamay nito sa ibabaw ng lupa. "Tulungan mo ako!" sigaw nito kay Erik. Ngunit bago pa siya maabutan ni Erik ay natibag na ang lupang hinahawakan at nahulog na ito sa butas. Sandaling umagos ang tubig sa ilog patungo sa bitak hanggang sa unti-unti itong magsara.

Nagulat si Erik. Sa isang iglap ay nawala na ang apat na lalaki. Kinain na ang mga ito ng lupa. Hinila ni Erik si Errol. Kinarga niya ito papalabas sa maliit na lugar na iyon. Ginala niya ang tingin. Alam niyang may iba silang kasama. Mabilis ang paghinga ng binata. Maya-maya pa ay lumabas mula sa kakahuyan ang isa pang binata. Binaba ni Erik ang mga paa ng walang malay na si Errol habang yakap ng isa niyang bisig ito. Nang malibre ang isang kamay ay pinaapoy niya ito. "Sino ka?" Nakita niyang nagulat ito. Nakadilat ito sa kamay niya.

"Errol!"

Nagulat si Erik sa tanong nito. "Bakit mo siya kilala?"

"Kaibigan niya ako. Ako si Bryan." Nakataas ang kamay nito. "Pare, kailangan na natin siya madala sa hospital."

Naiiyak na si Erik habang tinitingnan ang walang malay na kaibigan. "Baka di na siya umabot. Pa'no tayo makakaalis dito?"

"Pa'no ba?" Habang ginagala ni Bryan ang tingin ay muling gumalaw ang lupa. Mula sa kanilang mga paanan ay bahagyang umarsa ang lupa at bumuo ng animo'y landas pabalik sa kagubatan.

"Ikaw ba may gawa nito?" namamanghang tanong ni Erik.

"Hindi ko alam. Pero tara na!" Kinuha ni Bryan si Errol. "Pare, ilawan mo yung daan natin!"

Hindi na nag-atubili si Erik. Pinaapoy niya ang mga kamay at naunang humakbang pabalik sa gubat. Habang papaakyat ay kataka-takang bumuo ng mga baitang ang lupa at mga bato sa dating matarik na bahaging iyon ng pangpang. Hindi na nila inusisa ang pangyayaring iyon. Bagkos ay nagmadali na silang umakyat at muling sinuong ang madilim na gubat.

Tanaw ni Erik ang pag-iwas ng mga bato at palumpong sa kanilang pagtakbo habang bumubuo ng malinis na daanan ang lupa para sa kanila. Ilang sandali pa ay naaninag niya ang umaapoy na bahagi ng gubat. Ngunit wala na siyang panahon upang patigilin ang nagliliyab na bahaging iyon. Dinig niya ang pag-ubo ni Bryan sa likod habang karga si Errol. "Okay ka lang?"

Tumango ito. "Bilisan mo. Dito lang ako sa likod."

Ilang sandali pa ay tanaw na niya ang pamilyar na bahagi ng gubat na kanina'y pinasukan nila. "Mukhang malapit na tayo!" Tumigil na sa pagbuo ng landas ang lupa habang tinatahak nila ang pamilyar nang daan papalabas. Agad nilang tinungo ang kotse ni Bryan na nakaparada sa likod ng kotse ni Ivan. Nanlumo siya. Kanina lang ay masaya silang nagkukulitan sa loob ng kotseng iyon. Lumingon siyang muli sa gubat, tanaw ang bahaging nagniningas at umuusok. "Ivan, patawad, pero si Errol..."

"Halika na!" Kinabig ni Bryan ang pinto ng kotse at umupo sa driver's seat.

* * *

Nang makarating sila ng hospital ay doon lang nakita nina Erik ang kalunos-lunos na itsura ni Errol. Madungis ito. May punit ang pantalon. Basa ng dugo ang kaliwang sapatos. Maputlang maputla na ito. Ang labi niya ay kulay lila na, ganoon din ang mga kuko. Habang dinadala si Errol ng mga nurse papuntang emergency room ay umiiyak si Erik na nakasunod ito, nakahawak sa niratayan nito. "Errol, lumaban ka."

"Sir, dito na lang po kayo sa labas," saad ng isang nurse na nagtatakang tiningnan siya.

Tinitingnan ni Erik si Errol sa loob ng silid na iyon na inaasikaso ng mga nurse at ng isang doktor. Naramdaman niya ang tapik sa kanyang balikat.

"Magtiwala lang tayo," saad ni Bryan na sinipat ang kanyang itsura. "Pare, kelangan mo na siguro magpalit."

Enchanted Series 2: Ang Supling ng LiwanagTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon