Chapter 76

2.8K 140 58
                                    


Humalakhak si Cassandra, ngunit agad na nawala ang ngisi sa mukha nito nang dumako ang kanyang tingin kay Errol at Erik. "Hangal!" Kasabay ng pag-alingawngaw ng sigaw na iyon ay ang pagdilat ng kanyang mata. Nilingon niya ang dalawang kasamang napasailalim sa kanyang kapangyarihan. Galit na galit ang ekspresyon niya sa mukha. Inangat muli nina Ivan at Cindy ang mga kamay. Bumuhos ang malakas na ulan. Sinabayan ito ng kulog at kidlat. Mabilis ang pag-ikot ng maitim na ulap sa itaas.

Bumugso ang napakalakas na hangin. Nang igala ni Errol ang tingin ay napansin niya ang dalawang buhawi na iniilawan ng mga kidlat. Dinig niya ang nakakatindig balahibong dagundong ng mga ito. Tumama ang isang kidlat sa tuktok ng isang mataas na gusali. Sumabog ang parteng iyon na tinumbok ng kidlat. Natatakot si Errol hindi lamang para sa sarili at kay Erik ngunit pati na rin sa magiging kahihinatnan ng mga kaganapan. Marahil mangyayari nga ang nakita nilang pangitain ng lola Magda niya. Ano pa nga ba ang magagawa niya?

Nagliparan ang mga nabunot na puno, kotse, yero, at kung anu-ano pa sa ere. Ilang metro mula kina Erik at Errol ay bumagsak ang isang puno. Tinulak ito ng hangin papunta kina Errol, ngunit tinangay din ng hangin paitaas. Doon napansin ni Errol na malapit na sa kanila ang isang buhawi sa likuran nang lingunin niya ito. Umiikot ang mga yero, puno, kotse, at mga poste na tinangay ng higanteng ipo-ipo. Dinig niya ang nakakahilakbot dagundong ng buhawing anumang minuto ay lalamon sa kanilang dalawa ni Erik. Nakita niya ang pag-atrasan ng mga kotseng hinihila ng hangin.

Ang isa pang buhawi ay pinuntirya ang gusali sa di kalayuan. Nabasag ang mga bintana nito. Nagputukan ang mga poste ng kuryente. Dinig ni Errol ang sigawan ng mga tao sa malayo at ang halakhak ng bruha sa di kalayuan.

Nang tingnan niya si Erik ngumiti ito sa kanya. Mabilis ang kabog sa dibdib ni Errol. Basa ang mukha. Kasabay ng kanyang luha ang pag-agos ng tubig-ulan sa kanyang mukha. Sinulyapan niya si Cassandra na naaninag niya kahit sa tindi ng buhos ng ulan. Hindi dito matatapos ang lahat.

"Errol." Mahigpit ang hawak ni Erik sa kaibigan. Hirap na itong magsalita. "Makakaligtas ... ka dito. Mabubuhay ka." Umubo muli ito at tumalsik ang dugo mula sa kanyang bibig. "Ipangako mo sa akin na magmamahal kang muli, na magiging masaya ka."

"Wag kang magsasalita ng ganyan!" Pilit na ngumiti si Errol. "Kakain pa tayo ng fish balls" -- nababasag ang kanyang boses -- "at kamote. Mamasyal pa tayo." Natatakot si Errol, ngunit may isang bagay ang pumukaw muli sa kanyang diwa. Nagawa ni Erik na kumalas sa itim na mahika ni Cassandra. Hindi siya sigurado. Pero ang sinabi ng kanyang lolo...

"Errol," saad ni Erik na basa ang mukha at namumula ang mga mata habang nakatingin sa kanya at hawak ang kanyang batok, "I love you."

Ang pinakamakapangyarihang pwersa sa kalawakan... Natigilan si Errol. Tiningnan niya ang maputlang mukha ni Erik. Niyakap niya ito nang mahigpit. Hindi mangyayari ang kinatatakutan niya. Hindi. Hindi! "Erik! Mahal din kita. Wag kang bibitaw."

Naramdaman niyang dahan-dahang ginalaw ni Erik ang kanyang ulo kaya gumalaw din siya. Nagtama ang kanilang mga ilong at mga labi. Ilang sandali pa ay naglapat ang mga ito. Napapikit siya habang nilalasap ang mga labing iyon. Dama niya ang pagpisil ni Erik sa kanyang batok.

Ngumiti si Erik. "Rol, para kang anghel ngayon."

"Wag kang magbiro ng ganyan."

"Kumikislap ang dibdib mo."

Hindi na pinansin ni Errol ang sinabi ng maputlang kaibigan. Hindi niya pinansin ang pagsibol ng liwanag sa kanyang dibdib. Naramdaman niyang unti-unti silang tinatangay ng hangin, ngunit nakayakap sa kanya ang kaliwang bisig ni Erik. Dumudulas na ang kanilang katawan sa basang semento, hinihila ng malakas na bugso ng hangin na sumisipol sa kanyang tenga.

Enchanted Series 2: Ang Supling ng LiwanagTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon