Chapter 34

3.1K 145 20
                                    

Habang nasa daan patungong Maynila ay maraming sumasagi sa isipan ni Ivan -- ang mga nangyari sa kanila ni Errol. Nasaktan niya ito noon at kailangan niya humingi muli ng tawad. Inaasam niya na sana sa susunod na pagpunta niya ng Taguig ay makita niyang muli ang binatang iyon.

Gabi na nang makabalik siya ng Maynila. Gusto na niyang umuwi ng bahay upang makapagpahinga, ngunit ramdam niya ang pagkalam ng sikmura. Kaya naman naghanap siya ng mainam na makakainan. Habang nagmamaneho ay dinial niya ang number ni Diana. Agad naman itong sumagot at sinabi kung nasaan siya. Huminto siya sa isang kainang hindi noon niya lang napuntahan. Amoy naman ang masasarap na luto.

Isang tanawin ang umagaw ng kanyang atensiyon bago pa man siya makababa. Sa parking area ng isang mamahaling restaurant ay masinsinang nag-uusap ang dalawang lalaki. Magkahawak kamay sila. Ang isa ay nakayuko, habang ang isa ay nakatitig dito. Ilang sandali pa ay naglapat ang kanilang mga labi. Naging mapusok ang halikan ng dalawang lalaki habang mahigpit na silang magkayakap. Nang ilayo nila ang mga mukha sa isa't isa ay nagtinginan sila nang taimtim at ngumiti. Bakas ang ligaya sa kanilang mga mata.

Hindi maipaliwanag ni Ivan ang saya at panghihinayang na nararamdaman. Muli niyang naalala si Errol. Sumagi sa isip niya ang maamong mukha nito, ang kanyang mga labi na tila ba ay kay sarap hagkan. Ano kaya ang pakiramdam na mahalikan iyon?

Kinuha niya ang kanyang smartphone. Hinanap niya ang larawan nila ni Errol. Matagal niya itong pinagmasdan. Matagal siyang nakipagtalo sa sariling diwa na kinakastigo siya sa pagsawalang-bahala niya sa noo'y umuusbong na pagtatangi sa binata. Pumatak ang kanyang luha sa screen ng kanyang hawak na telepono. Natawa siya sa sariling pag-iyak, napabuntong-hinga habang pinupunasan ang mga basang mata.

Nang muli niyang tingnan ang dalawang taong naghahalikan ay wala na ang mga ito at ang kotse sa tabi nila. Hindi niya namalayan ang pag-alis ng mga ito. Binalik niya ang telepono sa bulsa at bumaba ng sariling sasakyan.

Agad niyang hinanap si Diana nang makapasok sa restaurant. Ngunit nanlumo siya nang makita siyang sinusubuan ang isang sa tingin niya ay Amerikano. Wala na nga si Errol, mukhang maaagawan pa siya kay Diana. May kaunting kirot na naramdaman si Ivan, ngunit bumuntong-hininga na lang siya at pinayapa ang sariling isip. Hindi naman sila ng babae. Dahan-dahan siyang lumapit. "Hi Diana," mahinahon niyang bati. Nagdadalawang-isip siya kung makikiupo o kukuha ng ibang mesa.

"Oy, Ivan!" Napaigtad si Diana.

Napaangat din ng tingin ang Amerikanong may piraso ng kanin sa baba. Agad sumenyas si Ivan dito na may kanin sa baba niya.

"Ivan, this is Dane," saad ni Diana. "Dane, this is Ivan."

Nagngitian ang dalawang lalaki sa isa't-isa. Medyo payak nga lang ang ngiting ginawad ni Ivan. "Hi." Nilahad niya ang kamay dito, ngunit hindi ito tinanggap ng lalaki.

"My hands are messy," payak nitong saad. "My first time to eat rice and tee..." Ngumiwi ito kay Diana. "What is this again?"

"Tilapia," sagot ni Diana.

"Tee-lah-pyuh. Right!" bulalas nito kay Ivan.

Napangisi naman ang binatang agad na binaling ang tingin kay Diana na bumalik na sa pagkakaupo.

"Ano pa'ng tinatayo mo diyan? Umupo ka na."

"Hindi ba ako nakakadistorbo?" Nagkamot ng ulo ang binata.

"Hindi, 'no. Sus ito naman."

"Baka kasi nagdedate kayo." Yumuko si Ivan habang dahan-dahang hinila ang bakanteng silya at umupo sa gilid ng dalawa. Tiningnan niya lang ang sarkastikong tawa ng dalaga. Nang dumako ang tingin niya sa kano ay nakangiti lang ito. Nagtataka si Ivan kung naiintindihan ba niya ang salita nila.

"May jowa na yan. Tsaka di ako trip niyan."

"Are you guys talking about me?" tanong ni Dane habang dinidiin ang kanin sa pagitan ng mga hintuturo.

"Ivan here was wondering if we were dating," natatawang sagot ni Diana dito. Agad namang naubo si Dane, kaya binigyan ito ng tubig ng dalaga. "Here."

"You don't know much about Diana, do you?" tanong ni Dane kay Ivan.

Sumimangot naman si Ivan. "What do you mean?"

"She's not into guys." Tumawa nang payak si Dane.

Binaling ni Ivan ang tingin kay Diana na pinandilatan lang ang banyagang abala sa paghihiwalay sa laman ng tilapia sa mga buto nito. Hindi niya maintindihan ang sinabi ng banyaga tungkol kay Diana, ngunit hindi na rin siya nagtanong, marahil dahil isang tanawin ang nakakaaliw. Pinigil niya ang tawa at bumulong kay Diana. "Bakit di mo pinagkutsara yan?"

"Ayoko. Gusto ko maexperience niya 'to. Baka di na yan makabalik dito." Umirap ang dalaga kay Ivan.

Napanatag naman ang loob ni Ivan nang malaman na hindi pala sila nagdedate. "Pa'no kayo nagkakilala?"

"Mahabang kwento. Nagkatrabaho kami sa Amerika."

Napansin ni Ivan na panay ang sulyap ni Dane sa kanila. Malamang gusto nitong malaman kung ano ang pinag-uusapan nila. Kaya naman binaling nito ang tingin sa kanya. "What brought you here?"

"An assignment." Seryosong hinihiwalay ng banyaga ang laman ng tilapia sa mga tinik.

Pinigil ni Ivan na matawa. Naramdaman niya ang marahang pagsipa ni Diana sa kanyang binti. "What assignment?"

"I can't tell." Sa wakas ay nakakain din ng laman ng tilapia ang binatang Amerikano.

"Do you need help?" Ngumiti nang pilyo si Ivan. Nakita niya namang nahiya ang lalaki.

Umiling si Dane. "No, I can handle this."

"Aren't you going to eat?" tanong ni Diana.

"Yup, right! Hugas muna ako ng kamay tas oorder."

Nang matapos kumain ang tatlo ay kanya kanya silang pumunta sa restroom. Pumasok sina Ivan at Dane sa panlalaking palikuran at doo'y umihi at naghilamos ang nauna.

"I'm not eating tee-lah-pyuh again," saad ni Dane.

"It's okay. Us Filipinos, we're used to it." Ngumiti si Ivan habang pinupunasan ng tissue ang mukha.

"The fish is good, but it's difficult to eat."

Hindi na nakipagtalo si Ivan. Baka hindi lang talaga sanay ang kausap sa pagkaing Pinoy. Nagpasya na lamang siyang magtanong ng ibang bagay. "Where in United States are you from?"

"Nevada. That's where our headqua... Our company is based."

"I've been to California when I was a teenager. Never been to Nevada. Are you near Vegas?"

"It's an hour drive from where I live. And I'm not really fond of that place. Too much activity going on, the crowd, and stuff." Bahagyang ngumiti ang Amerikano.

Biglang naalala ulit ni Ivan si Errol. Ayaw din niyon ng maiingay at matataong lugar. "You know what, you remind me of someone," saad niya habang sandaling sumulyap kay Dane at binalik ang tingin sa salamin upang tingnan ang kanyang repleksiyon.

Kumunot ang noo ng banyaga. "Who?"

"A friend," mahinang tugon ni Ivan na naging seryoso ulit. "He's just shorter."

"Since when do friends make people sad?" nakangiting tanong ni Dane na tinanggal ang kanyang suot na knit cap. Inayos niya ang kanyang buhok sa salamin.

Sasagot na sana si Ivan nang makitang nakatulala si Dane sa harap ng salamin habang nakatukod ang mga kamay sa lababo. Nagtaka si Ivan kaya naman tinanong nito ang kasama. "Are you okay?"

Hindi sumagot si Dane, ngunit unti-unti itong ngumiti at dahan-dahang lumingon kay Ivan. "You have such beautiful memor..." Agad nitong binalik ang tingin sa salamin.

Kumunot naman ang noo ni Ivan na nagtataka sa inakto ng kasamang banyaga. "What?"

"No, nothing," maikli niyang tugon pagkatapos kunin ang kanyang sombrerong isusuot na sana ngunit hinawakan ni Ivan ang kanyang bisig.

"Are you okay, mate?" Nakita niya itong seryosong nakatingin sa kanyang mga mata. Napaigtad naman ang nagtanong. Naiilang si Ivan sa mga titig na iyon, ngunit unti-unting naglaho si Dane sa kanyang paningin.

Enchanted Series 2: Ang Supling ng LiwanagTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon