Chapter 63

2.8K 139 35
                                    


Amoy ni Errol ang pawis ni Erik na naghalo sa amoy sunog na tela. Alam niyang pagod na ito sa pagkarga sa kanya sa likod nito. Mabilis nilang tinahak ang gubat. Ramdam niya ang paghawak ni Erik sa kanyang mga binti upang hindi siya mahulog. Kahit labis ang kirot na nararamdan niya sa kaliwang binti ay hindi ito makapagreklamo dahil alam niyang hirap na rin ang bumubuhat sa kanya.

Isang malakas na bugso ng hangin ang nagpatigil sa kanila. "Si Ivan, ginagamit niya ang kapangyarihan niya." Lumingon si Errol sa direksiyong tinutumbok ng hangin. "Ivan, mag-iingat ka." Pinahiran niya ang mga pisngi.

Tanaw nila ang pamumuo ng buhawi sa malapit na parte ng gubat.

"Rol, kailangan na natin makalayo."

Halos sampung minuto na nilang hinahanap ang daan palabas ng gubat, ngunit hindi na nila mahanap ang daan pabalik. Habang dumadaan ang mga minuto ay tila nagiging mas masukal ang gubat. Ang daang kanina ay puro tuyong dahon lang ngayon ay nababalutan na ng mga makapal na baging at mga palumpong. Ngunit hindi na alintana ni Errol ang kati at ang pagtama ng mga dahon sa kanyang mukha.

Sa kabilang banda ay hindi mawaglit sa kanyang isipan si Ivan. Sana ay makalabas din siya ng gubat. Sana ay okay lang siya. Sana ay magkita-kita silang tatlo kapag nakaalis na sila sa masukal na gubat na ito. Natatakot si Errol. Pero wala siyang magawa. Ni kulang na ang lakas niya upang punasan ang pawis sa kanyang noo. Ramdam niya ang panghihina.

Muling humampas ang bugso ng hanging nagpatigil sa kanila. Alam ni Errol na muling ginagamit ni Ivan ang kapangyarihan ng hiyas. Ngunit maya-maya pa ay muling naglakad nang matulin si Erik at unti-unting bumilis ang mga hakbang nito.

"Rol, okay ka lang?" tanong ng hinihingal na si Erik habang buhat buhat si Errol sa likod niya at tumatakbo.

"Oo, Erik." Ito na lamang ang naisagot ng binatang nanghihina.

"Hindi ko alam kung nasaan na tayo." Hinahabol ni Erik ang paghinga. Ginala nito ang tingin sa masukal na gubat.

"Erik, pasensiya ka na. Nadamay ka pa." Mahina na ang boses ni Errol. Naramdaman niyang hinigpitan ni Erik ang hawak sa kanyang mga binti.

"Wag kang magsalita ng ganyan."

"Erik, kung iiwan mo ako dito, maiintindihan ko."

"Rol, makakalabas tayo dito."

"Erik, parang nanghihina na ako." Sinulyapan ni Errol ang damit ni Ivan na nakapulupot sa kaliwang binti. Kahit sa dilim ay naaaninag niyang nawala na ang dating asul na kulay nito at basang-basa na ito ng dugo.

"Wag ka magsalita ng ganyan. Kaya natin 'to. Kakayanin mo."

Tumingala si Errol. Sinakluban siya ng takot habang pinagmamasdan ang kapal ng kagubatan. "Nasa'n na tayo? Hindi na ito ang daan palabas."

"Hindi ko alam, Rol. Pero pinapangako ko sa'yo ilalabas kita dito."

Dinig ni Errol ang nababasag na boses ng kaibigan. Ramdam niya ang pawis nito, ang mabilis nitong paghinga. "Erik, alam ko pagod ka na."

"Wag mo akong intindihin."

"Iwanan mo na ako. Tumakas ka na. Iligtas mo ang sarili mo. Baka hinihintay ka na nina Tita Sol." Narinig ni Errol ang pagsinghot ni Erik.

"Rol, ang tigas ng ulo mo."

Maya-maya pa ay nakaramdam si Errol ng marahang ihip ng hangin na nagbigay sa kanya ng kakaibang sensasyon. Biglang kinilabutan si Errol at napalingon sa pinanggalingan. "Ivan..." Napahigpit ang kapit niya kay Erik.

"Rol?"

Muli silang tumigil ng marinig ang pag-alingawngaw ng dalawang putok. "Ivan!" Humikbi si Errol. Tumakbo sa kanyang isipan ang imahe ni Ivan na nakahandusay sa lupa, nakapikit, umaagos ang dugo palabas ng kanyang nakabukang bunganga, at hindi na gumagalaw. "Hindi, hindi..." Napahigpit ang kapit niya sa mga balikat ni Erik. Humagulgol na siya.

Enchanted Series 2: Ang Supling ng LiwanagTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon