Natapos ang Christmas Party na wala sa sarili si Erik. Iniisip pa rin niya ang kakatwang pangyayari sa banyo. Ngunit may isa pang bagay ang bumabagabag sa kanyang isip, isang bagay na dala niya hanggang sa motel na pinagdalhan niya sa nobyang si Shanice.
Hindi niya alam kung tama pa ba ang ginagawa niya. Mahal niya naman si Shanice pero madalas ay nagiging panakip-butas ito ng kanyang labis na pag-aasam sa kaibigang hindi na niya nakikita.
Habang niroromansa niya ang nobya ay dahan-dahan niyang nilayo ang mukha upang tingnan ang dalagang nakapikit pa. Sandaling napaiba ng tingin ang binata at pagkatapos ay muling binalik ang tingin sa dalagang bahagya ng nakadilat at tila ay nagtataka sa kanyang akto.
Walang nararamdamang libog ang binata sa pagkakataong ito. Hindi niya maituloy ang dapat na gagawin sa babae. Nawala ang kanyang libido, at hindi dahil nakapagparaos siya kaninang umaga. May ibang dahilan. At alam niya kung ano.
"Bhe, ano ba'ng nangyayari sa iyo? May hindi ka ba sinasabi sa akin?"
"Ano?" Naghihimutok si Erik.
"Parang laging malalim ang iniisip mo. May problema ba? Sabihin mo naman sa akin."
"Hindi ko alam kung kaya kong sabihin, bhe." Sinapo ni Erik ang mukha.
Natigilan si Shanice. "Si Errol na naman ba?" Umiba ng tingin ang dalaga.
"Bakit ba laging sinisingit mo si Errol sa usapan?" Napalakas ang boses ni Erik na nakasimangot sa nobya.
"Teka, nagtatanong lang ako. Bakit ka nagagalit?" Malambing pa rin ang tono ng boses ni Shanice.
"Hindi naman ako nagagalit, bhe." Umiba ng tingin si Erik.
"Bhe, ano ba ako sa buhay mo?"
Napalingon si Erik sa kasintahan. "Ba't mo tinatanong 'yan?"
"Ano ba ako sa'yo?" Nangingilid ang luha sa mga mata ng babae.
"Ano'ng ibig mong sabihin?"
"Mahigit isang taon na tayo, pero bakit minsan hindi ko maramdaman na andito ka?"
"Bhe?" Nakakunot ang noo ni Erik.
"Minsan pag magkasama tayo, nararamdaman kong lumilipad ang isip mo? Parang may iba kang iniisip."
"Hindi ganun." Nakita ni Erik ang pagpatak ng luha ni Shanice.
"Si Errol ba ang sumasagi sa isip mo?"
Natigilan si Erik. "Bhe, kaibigan ko si Errol. Minsan nag-aalala din ako sa kanya."
"Hindi ganun ang pakiramdam ko, bhe, eh." Umiling si Shanice. "Nadulas si Manny sa akin noong isang araw. Sabi niya nainlove daw si Errol sa'yo. Totoo ba?"
Hindi nakaimik si Erik.
"Totoo ba?" Nilakasan ni Shanice ang kanyang boses.
Hindi pa rin umimik si Erik. Dinig niya ang malalim na paghinga ng nobya.
"Totoo ba!" Hinampas ni Shanice ang kanyang braso.
Tumango si Erik.
"Bakit hindi mo sinabi?"
"Hindi na naman kasi importante yun. Ang importante yung tayo, di ba?"
"Kaya pala... Ngayon naiintindihan ko na. Akala ko noon ganon lang talaga kayo ka-close."
Tahimik lang si Erik.
"Kaya pala umiiwas si Errol." Pumatak ang luha ni Shanice. Binaling nito ang tingin sa bakanteng dingding. "Bhe, nagselos ba siya sa akin?"
Ilang minutong katahimikan ang namayani. "Hindi, bhe," saad ni Erik. "Kaya siya lumayo upang hayaan tayo."
"Galit ba siya sa akin?" Tila ay hinayaan lang ni Shanice na tumulo ang kanyang mga luha.
"Hindi." Sandaling tumigil si Erik at tila kinakalkula ang sasabihin. "Hindi ganun si Errol. Mapagparaya siya. Kusa siyang lumayo para sa akin, para sa atin," sagot ni Erik sa mahina nitong boses. Yumuko siya. "Ikaw ba nagselos ka ba sa kanya?"
"Aaminin ko, oo," sagot ng babae na tumingala at pinahirana ng mga mata. "May mga panahon kasi na parang mas importante siya sa iyo kesa sa akin."
"I'm sorry, bhe, kung naramdaman mo yun."
"Mahal mo ba siya?"
"Kaibigan ko siya kaya mahal ko siya."
"Mahal mo siya bilang kaibigan?"
"Bhe?" Umiwas si Erik, hindi malaman kung ano ang sasabihin, ang dapat sabihin.
"Erik, magsabi ka ng totoo." Yumuko si Shanice. "Matatanggap ko naman."
"Bhe..."
"Mahal mo ba ang best friend mo? Hindi yung mahal bilang kaibigan, yung higit pa dun?"
Pumatak ang luha mula sa mata ni Erik.
"Erik, maging honest ka naman, o. Wag ka naman maging unfair sa akin. Wag mo naman akong pagmukhaing tanga!"
"Bhe, sorry..."
"So mahal mo nga siya?"
"Hindi ko alam. Hindi ko alam..."
"Anong hindi mo alam? Alam mo yan!"
"Hindi ko nga alam!" Hindi malaman ni Erik kung ano ang idudugtong sa sinabi, ngunit hinayaan niyang bumuhos ang laman ng kanyang diwa. "Namimiss ko siya. Gusto ko siyang makita. Gusto ko siyang mayakap. Gusto kong makita siyang masaya. Nagseselos ako kay Ivan. Hindi ko alam!"
"Bhe, bakla ka ba?"
"Hindi ko alam!" Ginulo ni Erik ang sariling buhok at sinabunutan ito.
"Mahal mo ba ako?"
Tumango si Erik.
"Mahal din kita, Erik." Hinaplos ni Shanice ang pisngi ng lalaki. "Kaya hahayaan kitang mahanap mo ang sarili mo."
Nabigla at natakot si Erik sa narinig. "Bhe?"
"Erik, mahal kita kaya pakakawalan na kita," saad ni Shanice na hinayaang dumaloy ang masaganang luha sa kanyang mga mata.
"Pati ba naman ikaw iiwan ako?" Pinunasan ni Erik ang isang mata.
"Hindi kita iiwanan. Andito lang ako kung kailangan mo ako, kung kailangan mo ng kausap." Tumayo si Shanice sa kama at kinuha at isinuot ang mga damit nito.
Tumayo ang walang pang-itaas na si Erik at niyakap ang babae. "Bhe..."
"Shanice, Erik. Shanice. Break na tayo, di ba?" Ngumiti ito at pinilit ang sariling tumawa kahit mamasa-masa ang mga mata. "Matagal ko rin itong pinag-isipan."
"Patawarin mo ako," umiiyak na saad ni Erik habang hinahaplos ang mga pisngi ng kasamang babae.
"Sshhh... Wala akong pinagsisisihan. Kung binigay ko man ang sarili ko sa'yo, yon ay dahil mahal kita." Mapusok na hinalikan ni Shanice si Erik. "Okay lang ako. Mamimiss ko ang mga labi mo, Erik." Naluluhang minasdan ng babae ang mga labi ng binatang walang pang-itaas. "Ang init ng lips mo."
Ngumiti ang umiiyak na binata. "Shan, maraming salamat. Hahanapin ko ang sarili ko ... para sa'yo."
"Hindi para sa akin. Para sa sarili mo." Hinaplos ni Shanice ang pisngi ni Erik. "Ang init mo, may lagnat ka ba?"
"Dahil sa bugso ng emosyon lang siguro. Mamimiss kita." Muling niyakap ni Erik ang dating nobya.
"May naikwento si Manny sa akin nung huli kaming nagkausap."
"Ano'ng kwento?"
"Kausapin mo siya. Baka makatulong."
Tumango si Erik. Hindi niya maintindihan ang magkahalong saya at lungkot na dala ng pagkakataong ito. Para siyang nabunutan ng tinik. Nakahinga siya nang maluwag.
"Paalam, Erik." Ngumiti ito sa huling pagkakataon.
Nakita ni Erik na naglakad si Shanice patungong pinto at isinara ito. Naiwan siyang mag-isa sa silid na iyon na malalim ang iniisip.
BINABASA MO ANG
Enchanted Series 2: Ang Supling ng Liwanag
FantasyHighest Ranking #9 in Paranormal Synopsis: Si Errol na ang susunod na tagaingat ng mga hiyas. Subalit paano niya gagampanan ang tungkulin gayong bukod sa kanyang alinlangan sa katotohanan ng mga isinaad ng kanyang lolo ay may pinagdadaanan din siya...