Biglang nahimasmasan si Ivan. "Errol..." Ngunit nakita niyang mabilis nitong binuksan ang kotse at tumakbo papalayo. Sinapo nito ang mukha. Pagkatapos ay malakas na itinama ang kanang bisig sa manibela. Hindi niya alam ang gagawin, kung mananatili sa kinauupuan o hahabulin si Errol.
Ito ang pinakamasakit na ginawa mo sa akin! Ito ang pinakamasakit na ginawa ng kahit kanino sa akin. Ito! Ganyan pala kababa ang tingin mo sa akin. Para sabihin ko sa iyo, hindi ako ganyang klaseng tao. At alam mo 'yan, Ivan. Alam mo 'yan!
Nagpaulit-ulit ang mga huling sinabi ni Errol sa diwa ni Ivan. "Errol, di ko sinasadya..." ang namutawi sa tulirong binata. Hindi niya maintindihan kung bakit ganoon na lang ang naging reaksiyon niya nang makita si Errol na tila nakikipaglampungan sa ibang lalaki. Nang makita niya itong akbay ng lalaking iyon ay may tila masidhing inggit o selos at galit siyang naramdaman.
Ang gusto lang naman niya ay ipabatid kay Errol na nandito siya kung may pangangailangan siyang pisikal. Kaya naman niyang ibigay. Kaya niyang ialay ang kanyang pagkatao para sa binatang iyon na napamah... Na mahalaga sa kanya. Ngunit sa baliktanaw ay nagsisisi siya sa nagawa.
Mabilis ang tibok ng puso ni Ivan. Mabilis rin ang kanyang paghinga. Galit siya sa kanyang sarili. Bigla niyang napagtanto na kasalanan din naman niya lahat ng ito. Marahil hindi ito mangyayari kung hindi niya biglang inabandona ang kaibigan. Kung hindi siya naging duwag ay malamang masaya sila ngayon, siguro nagkukwentuhan, nagkukulitan, nagkikilitian gaya nang dati. Ngunit naging alipin lang siya ng takot niya sa sasabihin ng mga tao.
Batid ni Ivan na hindi pangkaraniwan ang pagkakaibigan nila ni Errol. At hindi niya maikakailang espesyal ito sa kanya, at noo'y espesyal ang turing niya dito. Kinain lang siya ng kanyang takot at agam-agam sa sariling pagkatao. Ngunit ngayon ay lubusan na nga niyang nasaktan ang binata. Ano ang gagawin niya? Ano ang sasabihin niya kay Erik? Natatakot siyang malaman ni Erik ang ginawa niya kay Errol ngayong gabi.
Sa gitna ng pagkatuliro ay sinabunutan ni Ivan ang sariling buhok. Lumabas ito ng kotse at pinagsisisipa ang gulong nito. Biglang lumakas ang ihip ng hangin. Ngunit hindi ito napansin ni Ivan. Maya-maya pa ay pumasok siya sa kanyang kotse at binagtas ang daang tinahak ng kaibigan sa pagtakbo. Unti-unting humina ang hangin sa labas. Halos dalawampung minuto na niyang binagtas ang kalsada, ngunit hindi niya natagpuan si Errol. "Errol, asan ka ba?"
BINABASA MO ANG
Enchanted Series 2: Ang Supling ng Liwanag
FantasyHighest Ranking #9 in Paranormal Synopsis: Si Errol na ang susunod na tagaingat ng mga hiyas. Subalit paano niya gagampanan ang tungkulin gayong bukod sa kanyang alinlangan sa katotohanan ng mga isinaad ng kanyang lolo ay may pinagdadaanan din siya...