Chapter 10

2.8K 161 0
                                    

"Ano'ng pagsasanay ba ang gagawin ko sa kanya?" tanong ni Melchor kay Magda habang nakatanaw sa bahay ng anak na si Celia.

"Pagbigkas ng orasyon, pagtuklas sa kanyang mga kakayahan, at paghasa sa kanyang kakayahang makita ang hinaharap."

"Mahirap pa siyang kumbinsihin sa ngayon."

"Pero dapat nakapag-umpisa na kayo." Kita sa mukha ni Magda ang pag-aalala.

Hindi lumingon si Melchor sa kanya. "Alam ko. Alam ko. Ngunit hindi ko naman mapipilit ang bata." Ginala niya ang tingin sa paligid. "Hindi madali ito para sa kanya lalo pa't kamakailan niya lamang natuklasan ang lahat. Bukod pa riyan ay hindi siya naniniwala sa lahat ng mga sinasabi ko."

"Kung ganyan, kuya, ay paano na?"

"Sa totoo lang hindi ko rin alam. Ikaw ang may kapangyarihang makita ang hinaharap, hindi ako."

"Kung ganon ay kakausapin ko siya."

"Wala siya diyan sa loob."

"Kung ganoon ay bakit nandito tayo?"

Hindi sumagot si Melchor. Inangat niya ang kanyang mga kamay at bumulong.

"Kuya, ano'ng ginagawa mo? Bakit nawala ang bahay?"

"Hindi nawala. Hindi mo lang makita. Hindi maaring matagpuan ni Cassandra ang bahay na ito. Ito na lamang ang maaari kong gawin para kay Celia."

"Hindi mo ba dadalawin ang anak mo, kuya?"

"Sa ganitong ayos?" Umiling si Melchor. "Mainam na sa isipin niyang patay na ako. Alam kong panatag na rin ang kalooban niya."

"Paano kung sabihin ng iyong apo?"

"Di ba't apo mo rin siya?"

"Hindi iyon ang punto, kuya --"

"Wala siyang sasabihin kay Celia."

"Paano ka naman nakakasiguro?"

"Dahil mahal niya ang mga magulang niya, at ayaw niyang madamay pa sila sa problemang ito. Ayaw ko ring magkaroon pa ng anumang koneksiyon si Celia sa atin. Hindi niya mundo ang mundong ginagalawan natin. Nilaktawan siya ng salamangka."

"Oo, kuya, nasabi mo na yan noon. Nakakalungkot naman. Sana man lang ay nakita ko siya ngayon."

"Bueno, kailangan na nating lisanin ang lugar na ito." Bumuntong-hininga si Melchor habang tanaw ang ngayo'y tila bakanteng lote na sa kanilang paningin. "Paalam, anak."

Nang ibalik ni Melchor si Magda sa barong-barong nito ay hinawakan ng huli ang una nang mahigpit. "Kuya, puntahan mo si Errol."

"Bakit?" tanong ni Melchor na nakasimangot.

"Hindi ako sigurado, pero narinig ko siyang sumisigaw."

Sandaling tiningnan ni Melchor ang kapatid hanggang sa dahan-dahan siyang kainin ng mga ilaw.

Enchanted Series 2: Ang Supling ng LiwanagTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon