Chapter 71

2.8K 130 34
                                    


Bumalik ang kanyang diwa sa loob ng sasakyan ni Bryan. Naramdaman niya ang palad ni Erik sa pisngi niya.

"Errol, ano'ng nakita mo?"

Nabanaagan ni Errol ang takot sa mukha ni Erik. Ang kanina'y payapang diwa ay naging magulo. Agad niyang kinuha ang mga saklay, binuksan ang pinto, inapak ang kanang paa palabas.

"Ano'ng ginagawa mo?" Hinawakan ni Erik si Errol ngunit tinulak ng huli ang kanyang kamay.

"Sa'n ka pupunta?" tanong ni Bryan pero hindi siya pinansin ni Errol.

Tinukod ni Errol ang kanang saklay sa lupa habang pumuwersa siya sa kanang paa. Dali-dali niyang hinugot ang kaliwang paa mula sa sasakyan at tinukod ang kaliwang saklay sa semento. Si Erik naman ay nagmamadaling lumabas mula sa kaliwang pinto. Humakbang si Errol papunta sa unahan. Sinundan siya ni Erik.

"Errol, saan ka pupunta?" Hinila siya ni Erik ngunit ginalaw niya ang balikat na hinawakan nito.

Nagpatuloy lang si Errol sa paglalakad. Malakas ang kabog sa kanyang dibdib, at sa bawat malakas na tibok ng kanyang puso ay ang pagkirot ng kanyang sugat sa binti. Ngunit hindi na niya ito inintindi.

Sinigawan siya ni Erik. "Errol, ano'ng ginagawa mo! Kakalabas mo lang ng hospital."

Tumigil si Errol sa paghakbang at tinitigan si Erik. "Alam mo ba kung ano'ng mangyayari kapag wala akong ginawa?" Nakita niyang natigilan si Erik at hinawakan na lang ang braso ng nakasaklay. Tinitigan lang siya nito. "Lahat ng ito" -- ginala ni Errol ang tingin sa paligid -- "mawawasak. Maraming mamatay."

"Kung ganon" -- taimtim na tinitigan ni Erik si Errol -- "sasamahan kita."

Biglang napalingon ang dalawa sa sigaw ni Bryan. "Sa'n kayo pupunta?"

Hindi alam ni Errol ano'ng isasagot. Maging si Erik ay tahimik lang na nilingon si Bryan. "Erik, wala ng panahon."

Humakbang si Erik sa harap ni Errol at yumuko. "Bubuhatin kita para mas mabilis." Kinuha niya ang mga saklay at binitbit ang mga ito.

Hindi na umalma si Errol. Bumalik sa kanyang alaala ang mga nangyari sa gubat ilang araw na ang nakakalipas. Nakakapit siya sa mga balikat ni Erik habang ang huli ay hawak siya sa mga binti. Mabilis ang mga hakbang ni Erik. Nang lumingon si Errol ay nakita niyang sumusunod sa kanila si Bryan. Binaling niyang muli sa bumubuhat sa kanya ang kanyang atensiyon. "Pa'no kung makuha kayo ni Cassandra?"

"Hindi ako papayag!" matigas na saad ni Erik.

"Erik, malakas ang kapangyarihan niya. Kung natalo niya ang lolo, ano'ng tsansa meron tayo?"

"Eh di bumalik na lang tayo." Hinigpitan pa ni Erik ang paghawak sa mga binti ng kaibigan.

"Hindi pwede. Kelangan may gawin ako."

"Tayo! Kasama mo ako."

"Kasama niyo rin ako." Kasabay na nila si Bryan. "Ililibing ko ng buhay 'yang Cassandra na 'yan. Pagbabayaran niya ang ginawa niya kay Cindy."

Hindi alam ni Errol kung ano ang kahihinatnan nito, ngunit mas pinatatag siya ng ideyang kasama niya sina Erik at Bryan. Kahit papaano hindi siya nag-iisa. Sa kabilang banda natatakot siya para sa kanila. Paano kung makuha rin sila ni Cassandra? Paano kung mapaslang sila? Hindi kakayanin ni Errol kung magkaganoon. Ngunit ang sigurado niya ay ang kahihinatnan nitong lahat kung wala siyang gagawin. Isang sugal ang kanyang gagawin. At kailangan niyang tumaya.

Ilang sandali pa ay nagsitakbuhan na ang mga tao. Ang kanina'y nakikiusyoso ay kumaripas na ng takbo. Nagsigawan na ang iba sa mga ito.

"Tingnan niyo!" bulalas ni Bryan na nakaturo sa himpapawid.

Tumigil ang tatlo. Tumingala sina Erik at Errol. Umiikot ang isang parte ng maitim na ulap sa itaas nila. Ilang sandali pa ay bumilis ang pag-ikot nito at pumorma ito ng tila isang maitim na embudo sa himpapawid. Lumakas ang bugso ng hangin. Nagsigawan ang mga tao nang magliparan ang ilang kotse sa di kalayuan kung saan umiikot ang naghalong ulap at alikabok.

"Ivan!" Lumakas ang tibok ng puso ni Errol. "Erik, si Ivan... Nararamdaman ko siya."

"Sigurado ka?" Hinigpitan ni Erik ang hawak kay Errol.

"Buhay siya!" Masigla ang boses ni Errol.

"Erik!" sigaw ni Bryan na napayuko.

Tumingala sina Erik at Errol at doon nila nakita ang isang bus na tinangay ng buhawing lumaki at kumapal. Mas umitim ang umiikot na ulap mula sa himpapawid at mas lumawak ito. Tinangay nito ang mga kotse at binuwal ang mga puno. Muntik na silang mahagip ng bus na nilipad ng hangin sa itaas nila at tumilapon sa mga sampung metro sa likuran nila.

"Susugod ba tayo?" tanong ni Bryan na nakakunot ang mukha.

Tinanong ni Erik si Errol. "Ano'ng gagawin natin?"

Nasa di kalayuan ang buntot ng buhawing malaahas na nagpagewang-gewang sa ere, tila sinusuya sila. Ginala ni Errol ang tingin sa paligid, ngunit hindi niya mahanap ang kumukontrol dito. Unti-unting nalusaw ang buhawi. Sa tapat nila ay nahulog ang isang yupi-yuping kotse na bumagsak sa isa pang kotse. Tumambad sa kanila ang kalat sa paligid.

Sandaling tumigil ang tatlo, tila tinatantiya kung ano ang gagawin. Pinaliwanag ng isang kidlat ang paligid. Agad dumagundong ang nakakabinging kulog. Kasunod niyon ay ang pinong halakhak sa di kalayuan kung saan napalingon si Errol.

Unti-unting lumitaw ang imahe ni Cassandra habang humihina ang pag-ikot ng dumi at alikabok na kanina'y tinangay ng ipo-ipo. Kahit sa malayo ay tanaw ni Errol ang malademonyong ngisi ng babae.

"Errol, kapit ka nang mabuti," saad ni Erik. Bigla itong tumakbo ng matulin.

Nilingon ni Errol si Bryan na sumunod sa kanila at tumatakbo rin. Nang ibalik niya ang kanyang tingin sa bruhang nasa unahan ay napansin niyang may dalawa siyang kasama. Nanlaki ang mata niya nang mapagtanto kung sino ang mga ito.

"Errol, hawak ka nang mabuti!" Binitiwan ni Erik ang mga binti ni Errol at pinaapoy ang magkabilang kamay.

"Ano'ng gagawin mo?" tanong ni Errol kay Erik. Nang tingnan niyang muli si Cassandra ay nakalingon ito sa lalaking kasama at tumango dito.

Biglang kumumpas ang lalaki.

Huli na nang mapagtanto niya kung ano ang ginagawa nito. Tinangay sila ng malakas na bugso ng hangin. Dahil sa lakas nito ay nabitawan niya ang balikat ni Erik at nahulog siya sa kalsada. Tumama ang may bendang paa sa semento. Namilipit sa sakit ang binatang walang nagawa kundi ngumiwi habang hawak hawak ang apektadong binti. Bigla niyang naalala si Erik. Nilingon niya ito.

Nakangiwi si Erik. Tumama ang likod nito sa windshield ng isang sasakyan na nabasag.

"Erik!" sigaw ni Errol. Narinig niya ang impit na daing nito habang pilit na bumabangon. Hinanap niya si Bryan na sa tingin niya ay tinangay din ng ihip na iyon. Ngunit hindi niya ito mahanap. Narinig niyang muling humalakhak ni Cassandra. Kailangan niya itong mapigilan. Tinukod niya ang mga kamay sa semento at nagsimulang tumayo.

Pinilit niyang maglakad kahit dama niya ang sakit sa kaliwang binti, ngunit bago makahakbang ay bigla siyang nakaramdam ng labis na lamig. Doon niya napansin na binalutan ng nagyeyelong hamog ang paligid. Ang mga kotse ay mabilis na binalutan ng kumakapal na yelo. Dinig niya ang paglagiti ng yelong mabilis na bumalot sa semento sa palibot niya.

"Wag ka ng magtangka pa!" sigaw ni Cassandra sa di kalayuan katabi si Cindy na kinukumpas ang mga kamay. 

Enchanted Series 2: Ang Supling ng LiwanagTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon