Chapter 18

2.9K 171 20
                                    

Hindi alam ni Errol kung ano ang gagawin o ano ang mararamdaman. Umiwas siya ng tingin kay Ivan at umatras ng ilang hakbang.

"Errol..." saad ng matangkad na lalaki na tila nag-aatubili.

Sumasagi sa isipan ni Errol ang mga naganap noong huli nilang pagkikita. Bumalik ang sikip sa dibdib na kanyang naramdaman. Pilit siyang nagpakatatag. Ayaw niyang umiyak. Ayaw niyang makita siya ni Ivan na umiiyak. Hindi na. Naninikip ang kanyang lalamunan ngunit pinilit niyang magsalita na parang wala lang. "Ang ganda ng suot mo. Ang ganda ng mga flowers. Para sa nobya mo?"

Hindi nakasagot si Ivan. Inabot niya ang mga bulaklak kay Errol. "Sorry."

Pinilit ni Errol na ngumiti. "Kalimutan mo na yon." Hindi tinanggap ni Errol ang mga bulaklak.

"Errol..."

"Ah, sige ha. Uuwi na ako." Tumalikod na si Errol at mabilis na naglakad.

Ilang segundong natulala si Ivan sa pagkakatayo. Ilang sandali pa ay humakbang siya at mabilis na naglakad at tumakbo papunta kay Errol. Agad niya itong niyakap. "Errol, sorry, sorry. Nabigla lang ako nun. Nabigla lang ako." Hinigpitan ni Ivan ang pagyakap.

Nagtatalo ang diwa ni Errol. Gusto niyang kumawala mula sa pagkakayakap ni Ivan, ngunit gusto niya rin itong maramdaman. Pumikit siya. Naghahalo ang galit, tampo, at ang pananabik niya kay Ivan. Hindi niya alam kung ano ang magiging reaksiyon, kung ano ang dapat na reaksiyon. "Ivan, hindi ako makahinga." Naramdaman niyang niluwagan ni Ivan ang yakap, marahil dahil sa pilit na pagkalas niya. Ilang sandali pa ay inalis na ng lalaki ang mga bisig sa likod niya, pagkatapos ay inabot sa kanya ang mga bulaklak.

Ngumiti si Errol. Pilit niyang kinukubli ang kirot sa dibdib. Pilit niyang tinatagan ang sarili. Gusto niyang umiyak. Sumisigaw ang kanyang damdamin. Gusto niyang ibulalas lahat ng nararamdaman, ngunit -- "I don't deserve the flowers." Marahang tinulak ni Errol ang kamay ni Ivan na nakahawak sa bouquet.

"Errol... Bakit?" Nangingilid ang luha sa mata ni Ivan. "Hindi mo ba ako mapapatawad?"

"Hindi sa ganun." Humarap si Errol sa dagat at dinama ang mahinang hangin na nagmumula rito. "Hindi ko alam... Ang sakit grabe." Pumeke si Errol ng tawa, ngunit hindi rin niya napigilan ang pagbagsak ng kanyang luha. Umiling ito. Naglakad ito palapit sa dalampasigan, tanaw ang noo'y madilim nang look. Narinig niya ang mga yapak papalapit sa kanya.

"Errol, sorry na." Mahina at malambing ang boses ng binata.

"Tama ka naman." Naninikip ang lalamunan ni Errol. Parang may kung anong bagay na bumabara sa loob. Maanghang ang kanyang mga mata. Masikip ang dibdib. "Tama ka. Bakla ako." Ang impit sa boses ni Errol, indikasyon ng paninikip ng lalamunan. "Gusto kita. Pinagnasaan kita. Tama ka. Sana mapatawad mo ako. Bakla lang ako eh." Hindi siya humarap sa kausap. Nakatuon lang ang atensiyon sa dagat, pinakikinggan ang hampas ng alon sa dalampasigan.

"Errol, hindi... Hindi ganun. Galit lang ako nun."

Dinig ni Errol ang pagkabasag ng boses ng katabi. "Sana, Ivan, naalala mo na kahit ganito ako, hindi naman kita pinagsamantalahan." Lumunok si Errol upang mawala ang bara sa kanyang lalamunan. Tumingala siya upang pigilan ang mga luha. "Alam mo naman na hindi ako ganon." Yumuko ulit ang binata.

"Errol, 'wag ka na magalit, o. 'Wag ka na umiyak. Nasasaktan ako, eh."

Humarap na siya kay Ivan. "Ivan, salamat!" Ngumiti siya. "Sa maikling panahon na nakilala kita naging makulay ang buhay ko kahit papaano. Salamat dahil kahit papaano ay napasaya mo rin ako." Hinayaan niya lang na dumaloy ang mga luha.

"Errol..."

"Alam ko napapalapit ka sa akin at gusto mo ako protektahan dahil naaalala mo si Jed sa akin. Hindi ako si Jed, Ivan. Hindi ako ang kapatid mo. Magkaiba kami."

Umiba ng tingin si Ivan. Yumuko ito at tapos ay binalik din ang tingin sa kanya.

"Hindi na kita makakalimutan. May puwang ka na dito." Hinawakan ni Errol ang kanyang dibdib. "Pero sa tingin ko hanggang dito na lang ang ating pagkakaibigan. Pinapalaya na kita sa anumang responsibilidad mo sa akin bilang iyong kaibigan, bilang tinuturing mong kapatid." Habang binibigkas ni Errol ang mga salitang iyon ay tila pinupunit ang kanyang puso, ngunit pinilit niyang bigkasin ang bawat salita na buo at hindi gumagaralgal ang boses.

"Errol, 'wag ganyan..." Hinawakan ni Ivan ang kamay ni Errol, ngunit naramdaman niya na tinanggal ni Errol ang pagkakahawak niya.

"I hope you find your happiness, Ivan. Di ba gusto mo ako sumaya?"

Tumango si Ivan.

"Di ba gusto mo ako makitang ngumiti noon?"

Tumango ulit si Ivan.

"Ngumiti ka naman." Kumunot ang noo ni Errol bunga ng pag-iyak. "Ngingiti ako pag ngumiti ka."

Namumula ang mata ni Ivan, ngunit ngumiti din siya.

Ngumiti rin si Errol. "Salamat, Ivan." Biglang niyakap ni Errol si Ivan at kumalas kaagad. "Salamat. Ingat ka lagi ha." Tumalikod si Errol at mabilis na naglakad papalayo. Pinahid niya ang mga pisngi.

Enchanted Series 2: Ang Supling ng LiwanagTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon