Note: Pwede ninyong balikan ang previous chapter para may sense of continuity.
----------
"Cassandra!" bulalas ni Melchor.
Madaling napalitan ng takot ang pagkabigla ni Errol. Kilala niya ang babaeng nasa sulok ng barong-barong ng lola niya. Nagbigay sa kanya ng ibayong kilabot ang pagngisi nito. Ang nakapagtataka ay hindi naman ito mukhang mangkukulam o ano. Mukha siyang normal, regular na tao, nakadamit pang-opisina. Pormal ang ayos. Ngunit ang ekspresyon sa kanyang mukha ay nakakatakot.
"Ginulat ko ba kayo?"
Nagulat nga si Errol, pagkagulat na sinamahan ng pagkalito at mga tanong. "Ikaw?" Hindi makapaniwala si Errol. Paanong... Ang boss nila ng Ate Cindy niya... Na tiyahin niya rin. Sadyang mapagbiro ang pagkakataon. Siya ba ang kakalabanin nila?
"Napakaliit talaga ng mundo. Parang nagha-hide and seek lang pala tayo. Sino'ng mag-aakalang si Cindy at ikaw ay nasa bakuran ko lang pala?"
Halos tumagos lang sa wisyo niya ang mga narinig, ngunit naalala niya si Cindy. "Ano'ng ginawa mo sa kanya?" Pinilit niyang bigyan ng kahit na kaunting katatagan ang boses, subalit lumantad ang kanyang pagkabalisa sa kanyang pangangatal.
Tumawa ang bruha. "Nakakatuwa." Binaling nito ang tingin sa tanging matandang lalaki sa lugar na iyon. "Sila ba ang mga sinaniban ng mga hiyas. Napaka -- sabihin na lang nating anti-climactic."
"Nasaan si Ate Cindy?" Bigo pa rin si Errol na ikubli ang kaba sa kanyang boses.
Tumawang muli si Cassandra. "Gusto mo bang ikwento ko kung paano kami nagtuos? Kung paano siya lumaban? At kung paano siya nabigo?"
Sandaling lumingon si Errol sa kanyang lolo upang tingnan ang reaksiyon nito. Napayuko lamang ang matanda. Nahahabag si Errol para sa ate niya, sa taong tinuring na rin niyang kaibigan.
"Pero aaminin ko, she impressed me. But imagine that power under my control." Muling dumilat ang babae at inangat ang nakakuyom na kamao.
"Buhay pa ba si ate?"
Humalakhak si Cassandra bago siya nito titigan nang matalim. "Why do you care, young man? Pagkatapos naman nito ay magsasama din kayo kung san man siya naroroon."
Sa bawat minutong lumilipas ay tila bibigay na ang mga tuhod ni Errol sa panginginig dahil sa takot at kaba. Hindi niya alam ang sukat at tindi ng kayang gawin ni Cassandra. Ang alam niya lang ay minsa'y nilubog nito ang malaking bahagi ng Metro Manila sa kadiliman. Batid niya ang lakas ng kapangyarihan nito, isang bagay na nagbibigay sa kanya ng agam-agam sa kakayahang kalabanin ito.
Humakbang si Cassandra papunta sa kanilang tatlo. "Magkakampi pala kayo ng matandang ito?" Nanlalaki ang mga matang iyon na tila luluwa na mula sa mukha nito.
"Walang silbi ang pag-uusap na ito," saad ni Melchor.
"Sa totoo lang tama ka." Maging ang tono ni Cassandra ay nanunuya. "Kaya naman hindi ko na patatagalin ito."
"Wala kang mapapala sa ginagawa mo, Cassandra," saad ni Magda.
"Apat pala tayo dito. Akala ko hindi ka na magsasalita. Sabihin mo sa akin, tiya, ano'ng klaseng pagkawasak ng Maynila ang nakita mo sa pangitain mo bago ako dumating?"
Hindi siya sinagot ni Magda. Bagkos ay kinausap nito si Melchor. "Kuya, ano pa'ng hinihintay mo?"
"Oo nga, tiyo? Ano pa'ng hinihintay mo? Sabihin mo na sa akin kung nasaan ang dalawa pang may hawak sa mga hiyas?" Nangungutyang muli ang tawa ng bruha.
BINABASA MO ANG
Enchanted Series 2: Ang Supling ng Liwanag
FantasyHighest Ranking #9 in Paranormal Synopsis: Si Errol na ang susunod na tagaingat ng mga hiyas. Subalit paano niya gagampanan ang tungkulin gayong bukod sa kanyang alinlangan sa katotohanan ng mga isinaad ng kanyang lolo ay may pinagdadaanan din siya...