Pinagmasdan ni Melchor ang apo na kinakaladkad ng dalawang binatang mas malaki sa kanya. Mas mainam na makita niya itong kinakaladkad papalayo sa kapahamakan kesa manatili ito sa kanya gayong alam niyang nalalabi ang kanyang mga minuto. Mahinang-mahina na siya. Alam niyang sinadya ni Cassandra na lusubin siya ng kanyang mga tauhan at saktan siya upang pagurin at pahinain siya nang husto pagkatapos siyang lasunin nito.
Narinig niya ang pagsigaw ng apo, ngunit naramdaman niya rin ang pwersa ng kadiliman sa malapit. Malapit na malapit. Narinig niya ang halakhak nito.
"Hindi mo na dapat pinaabot pa sa ganito, tiyo."
Nang lumingon si Melchor sa pinanggalingan ng boses ay masid niya ang babaeng lulan ng itim na enerhiya at dinig ang matining nitong halakhak.
"Tingnan mo nga naman at umaayon sa aking kagustuhan ang kapalaran." Ngumisi ang bruha.
Masakit ang katawan ni Melchor. Alam niyang hindi na niya kayang labanan ang determinadong pamangkin. May dala itong mga alagad na handang pumatay para sa kanya. Sa pagtakas niya ay nadaplisan siya ng isa sa mga sandata nito sa paa, dahilan kung bakit nagkasugat ito at paika-ikang naglalakad.
Malamlam ang liwanag sa loob ng gubat. Maging ang kalangitan ay makulimlim. Lumingon siyang muli upang tingnan kung nakalayo na ang apo. Ngunit nakita niyang nagpupumiglas pa ito. Sumisigaw ito ngunit hindi niya marinig nang maigi ang sinasabi nito dahil sinabayan ito ng halakhak ng bruha. Sa huling sandali ay nais nitong bigyan ng babala ang apo. "Tumakas na kayo! Apo, mahal kita. Takbo na!"
"Apo mo pala ang binatang 'yon." Hindi inalis ng bruha ang ngisi sa kanyang mukha. "Ibig sabihin, siya ang susunod na..." Humalakhak muli si Cassandra.
Mangiyak-ngiyak na umiling ang natatakot na si Melchor. "Wag mo siyang sasaktan."
"Anong drama yan, tiyo? Maiiyak na sana ako ngunit ... Ano ba yang suot mo? Hindi ka man lang binihisan ng maayos ng apo mo. Malaki naman ang sahod niyan sa kompanya." Tumawa si Cassandra na naglakad papalapit sa madungis na matanda.
Umatras si Melchor. "Hindi mo masusundan ang apo ko hangga't buhay ako."
"Ganun ba? Wag kang mag-alala. Parating na ang mga alagad ko."
Nakita ni Melchor ang mga titig na iyon, ang ngising iyon. Alam niyang mataas ang kumpyansa ng bruha dahil malakas na ang kanyang pwersa. "Hindi ko pa rin maintindihan kung bakit ginagawa mo pa ito. Wala na ang mga bato. Sumanib na sa mga nakatakda."
"Alam ko yan. Nakuha ko na nga ang isa sa kanila."
"Hindi mo makukuha ang mga bato mula sa katawan nila. Ako lang ang may ganoong kakayahan bilang tagaingat."
"Talaga?" Ngumisi si Cassandra. "Sa tingin mo gusto kong kunin ang mga bato mula sa kanila?"
"May iba ka pa bang gustong gawin?"
"Sa totoo lang, meron. Pero hindi ko na sasabihin sa iyo."
"Hindi kita maintindihan." Mahina na ang namamaos na boses ni Melchor. "Hindi makakabuti para sa iyo at para sa ating lahat itong ginagawa mo."
"Ano naman ang pakialam ko sa makakabuti sa lahat? Hindi ka ba nanonood ng balita? Patayan dito, patayan doon. Nakawan dito, nakawan doon. Talamak ang korapsiyon. Talamak ang bentahan ng droga. Agawan ng teritoryo. Gyera sa sa ibang lupalop. May isasama pa ba ang mundo?"
"Hibang ka na talaga."
"Hindi na mahalaga ngayon kung nahihibang ako o ano."
Ilang sandali pa ay nakita ni Melchor na nagsulputan na ang mga lalaking armado ng mga pana.
BINABASA MO ANG
Enchanted Series 2: Ang Supling ng Liwanag
FantasyHighest Ranking #9 in Paranormal Synopsis: Si Errol na ang susunod na tagaingat ng mga hiyas. Subalit paano niya gagampanan ang tungkulin gayong bukod sa kanyang alinlangan sa katotohanan ng mga isinaad ng kanyang lolo ay may pinagdadaanan din siya...