Makulimlim ang hapong ito. May kakaibang lungkot na nararamdaman si Melchor. Malamang nababahala lang ito sa kanyang apo. Nalulungkot siya sa pagpanaw ng kanyang kapatid. Sa gitna ng kanyang pagiging isa ay may mga iilang bagay na tumatakbo sa kanyang isipan. Isa dito ay ang mga mangyayari sa hinaharap. Natatakot siya.
Habang bumabangon ang matanda sa lumalagutok na papag ay may kumatok sa kanyang kubo. Tila ay hindi na siya hinintay ng kumatok na makasagot at nagsalita na lang ito.
"Mang Melchor, mga kahoy at gulay po para may panghapunan kayo," saad ng lalaki sa labas.
"May nagpapabigay din po pala nitong tubig," saad din ng isang lalaki.
"Maraming salamat," namamaos na sagot ni Melchor na dahan-dahang lumabas ng kubo. Hinawi niya ang sakong nagsisilbing pintuan niya. Nginitian niya ang mga ito na madalas maghatid sa kanya ng pagkain.
"May dala din po akong pabo na pwede ninyong ihawin," saad ng pangatlong lalaki.
"Maraming salamat sa inyo." Lumitaw ang mga naninilaw na ngipin ng matanda sa kanyang pagngiti. Ngunit habang nakatayo ang mga magsasaka ay may naramdamang kakaiba ang matanda sa paligid. Inangat niya ang tingin at pinagmasdan ang tuktok ng mga punong kumubli sa mapusyaw na liwanag ng maulap na kalangitan. Kumunot ang noo ng matanda. "Wag kayong magtatagal sa gubat."
"Bakit ho?" tanong ng isang magsasaka.
Ginala ni Melchor ang tingin. Nanlalaki ang kanyang mga mata. "May panganib."
Ngumisi ang lalaki sa kasama at umiling. "Sige po, Mang Melchor." Umalis ang mga ito na umiiling at ngumingisi.
Naiwan ang matandang mag-isa sa tapat ng kanyang kubo, nakatayo, ginagala ang tingin hanggang magpasya itong pumasok ng kubo. Dahil na rin sa uhaw ay ininom nito ang tubig na bigay sa kanya.
Matapos ang ilang minuto ay nakaramdam ng kakaibang panghihina ang matanda. Ngunit hindi lamang panghihina ang naramdaman niya. Lumabas siya ng kubo at ginala ang kanyang tingin. May naririnig siya. "Ang huni ng dalawang hiyas. Nagpapakawala ng kapangyarihan ang dalawang hiyas." Ginala niya ang tingin at pumikit.
Ngunit may isa pang nararamdaman si Melchor sa paligid. At hindi ito kaaya-aya. Dumilat siyang muli. Naglakad-lakad siya ng halos labinlimang metro mula sa kanyang kubo. Halata sa kanyang mukha ang pagkabahala. "Alam kong naririto ka." Ginala niya ang tingin.
"Mahirap talagang taguan ang huklubang katulad mo. Ininom mo ba ang lason na binigay ko?" Ang ngising iyon ng bruha ay nagpahiwatig ng kumpyansa.
Tinuon ni Melchor ang atensiyon sa tapat ng isang puno mga limang metro kung saan siya nakatayo. Namuo ang itim na usok na kumapal at doo'y lumitaw ang imahe ng bruhang nakasutana. "Hindi ka talaga titigil."
Ngumisi si Cassandra. "Bakit naman ako titigil gayong malapit na ako sa tagumpay?"
"Alam kong hindi ka nag-iisa."
"Matalas ka pa rin mag-isip, tiyo."
Isa-isang nagsulputan ang mga lalaking may dalang mga pana. Natatakot si Melchor habang ginagala niya ang kanyang tingin sa paligid. Napapaligiran siya ng mga ito. Isang matipunong lalaki na iba ang suot sa ibang nakauniporme ang lumapit kay Cassandra. May dala itong malaking armas. Napaatras ang matanda. Dinig niya ang mahinang tawa ni Cassandra habang may binubulong sa kanya ang lalaki.
Kumunot ang noo ni Melchor habang tinitingnan ang nakangiting mukha ng pamangkin, nagtataka, nag-iisip kung ano ang tumatakbo sa isipan ng bruha. Dama niya ang panghihina ng katawan. "Kung papatayin mo ako, gawin mo na." Inangat niya ang mga kamay, tanda ng pagsuko. Ngunit narinig niya lang ang tawa ng bruha.
"Darating tayo diyan, tiyo. Pero ituro mo ang kinaroroonan ng isa sa mga may hawak sa hiyas."
"Dadaan ka muna sa aking bangkay." Nagulat si Melchor ng biglang marinig ang pagkasa ng kung anong bagay na iyon. Nang tingnan niya ang kasama ni Cassandra nakatuon na sa kanya ang hawak nitong armas.
"Sige." Lumingon si Cassandra sa kasama at tumango dito.
Madaling kinasa ng lalaki ang armas at mula dito ay bumulaga ang makapal na balang tinumbok si Melchor. Maagap naman ang matandang biglang naglaho. Tumagos ang bala sa mga nalulusaw ng orbe ng ilaw at tumama sa kubo ni Melchor na sumabog.
Walang emosyong minasdan ni Cassandra ang nawasak na kubo sa di kalayuan. "Halughugin ninyo ang gubat." Nagpulasan ang mga kalalakihan. Matulin na naglakad papalayo ang bruha na sinabayan ng kasamang lalaki. "Ginagalit ako ng matanda." Agad siya binalutan ng umiikot na usok at naglaho.
Hinihingal si Melchor habang tumatakbo sa masukal na bahagi ng gubat. Dinig niya ang mga yapak ng mga taong nagtatakbuhan. Pilit na binilisan ng matanda ang paglalakad, ngunit sadyang marupok na ang kanyang pangangatawan. Walang anu-ano'y --
"Nasaan ang binatang 'yon!"
Dinig ni Melchor ang sigaw ni Cassandra habang bigla siyang lumitaw sa gitna ng umiikot na kaitiman. "Hindi mo siya mahahanap!" sigaw niya sa malat na boses.
Sumigaw si Cassandra. Kita ang galit sa kanyang mukha habang tinuon niya ang kamaong binalutan ng itim na mahika sa matanda. Agad na binalutan si Melchor ng itim na enerhiya sa kanyang katawan. Napangiwi siya habang pumupwersa, pilit kumakawala. Panandaliang nagliwanag ang kanyang katawan at muli ay naglaho siya.
Sa isa pang parte ng gubat ay lumitaw ang mga nagkumpulang ilaw isang metro sa ibabaw ng madahong lupa. Dito ay bumagsak ang katawan ng matandang napahandusay sa ibabaw ng mga tuyong dahon. Dumaing ito sa sakit ng katawan. Batid niyang hindi siya nakalayo nang husto sa mga kaaway. Nanghihina siya. Ngunit pilit siyang tumayo. Dinig niya ang pinong halakhak na tila nanggagaling sa lahat ng bahagi ng gubat.
Tila ay naparalisa si Melchor sa pag-iisip. Hindi niya pwedeng puntahan ang apo dahil masusundan siya ng bruha. Hindi siya pwedeng pumunta sa mga mataong lugar dahil maaaring may mga inosenteng madamay. Wala siyang mahingan ng tulong. Maaaring ito na. Ito na ang katapusan. Pinikit ng matanda ang mga mata at minulat ito. Tumango tango siya. Tanggap niya na. Kagaya ni Magda ay dumating na nga ang oras niya.
"Wala ka ng kawala, tanda."
Lumingon si Melchor. Nasa likod niya na pala ang bruhang nakangisi.
"Gusto mong makipaglaro?"
Hindi makasagot ang matanda. Sinulyapan niya lang ito at naglakad, ang kanyang mga paa ay lumulubog sa mga tuyong dahon.
"Mahina ka na, pero pahihinain pa kita nang husto, at kapag mahina ka na, masasailalim ka sa kapangyarihang itim. At sasabihin mo rin kung nasaan ang binatang iyon."
Kinabahan si Melchor. Hindi maaari! Kumumpas siya at nagpakawala ng mga butil ng ilaw na sandaling sumilaw kay Cassandra, ngunit agad na nilusaw ng huli ang mga ito.
Binilisan ng matanda ang paglalakad ngunit -- "Aaarggg..." Napayuko si Melchor at nakita niya nasugatan ang kanyang paa. Ilang talampakan mula sa kanya ay isang palasong dumaplis sa kanya. Dahil sa sakit ay hindi na siya makalakad nang matulin. Paika-ikang naglakad ang matanda. Dinig sa tunog na ginagawa ng kanyang mga paa sa tuyong dahon ang ritmo ng kanyang galaw.
Nang lingunin niya si Cassandra ay kumumpas ito. Nakabalot sa kanyang mga kamay ang itim na enerhiya. Agad na pumikit si Melchor.
Bumagsak siya sa isang parte ng gubat. Hindi niya alam kung gaano na siya kalayo kay Cassandra. Hindi niya ito makita o maramdaman sa paligid.
Sa bawat paggamit niya ng kapangyarihan ay mas lalo siyang nanghihina. Ngunit biglang napaangat ang kanyang tingin dahil sa kakaibang ingay. Nagulantang siya sa kanyang nakita. "B-bakit kayo nandito?" bulyaw niya sa kanila.
BINABASA MO ANG
Enchanted Series 2: Ang Supling ng Liwanag
FantasyHighest Ranking #9 in Paranormal Synopsis: Si Errol na ang susunod na tagaingat ng mga hiyas. Subalit paano niya gagampanan ang tungkulin gayong bukod sa kanyang alinlangan sa katotohanan ng mga isinaad ng kanyang lolo ay may pinagdadaanan din siya...