Masyadong maraming nangyayari ngayon sa bahay nina Alfi. Ngayon kase ang birthday ng kanilang anak at balak sana nila itong surpresahin pagdating nito mula sa St. Rochinston. Ito ang dahilan kung bakit pinayagan nila si Alfi na sumama. Para magkaroon sila ng oras na makapaghanda para sa surprise na ito.
Nagkalat ang iba't-ibang dekorasyon sa loob ng munti nilang tahanan. May mga lobo, tarpaulin at mga makukulay na papel na nakadikit sa pader. Naroon rin ang mga malalapit nilang kamag-anak at ang mga dating kaibigan ni Alfi. Masayang inihahanda ni Aling Amanda ang mga ulam sa kanilang lamesa.
"Mamaya na tayo kumain, 'pag dumating na si Alfi tsaka ang mga kaklase niya." Masaya niyang turan habang inilalapag ang mga plato sa mesa.
Maya-maya ay isang tunog na mula sa sasakyan ang narinig ng mga nasa loob ng bahay. Napasilip sila sa bintana at doon nila nakita ang van na sinakyan nina Alfi at nang mga kaklase nito kanina.
"Andiyan na sila!" Mahinang anunsyo ni Robert, ang nakababatang kapatid ni Alfi. Agad na nagsitago ang mga kaibiga't kapamilya ni Alfi habang hawak-hawak ang iba't-ibang torotot at pampaingay. Pinatay rin nila ang ilaw upang mas maging maganda ang surpresa na hinanda nila para sa pinakamamahal nilang Alfi.
Rinig na rinig nila ang mga yapak ng mga magkakaklase sa labas. Papalapit nang papalapit sa pintuan nila hanggang sa...
"Happy birthday, Alfi!" Malakas ang sigawan na tumambad sa mga estudyanteng nasa labas kasabay ang pagbukas ng ilaw. Pinatunog rin nila ang mga torotot at pampaingay na dala-dala nila. Pero puno lamang ng mga mukhang nakabusangot ang humarap sa kanila. Kaya naman pati sila ay natahimik rin.
Isa-isa nilang tiningnan ang mga estudyante at doon na lamang nila napag-alaman na hindi nila kasama ang binata. Agad na nilapitan ni Aling Amanda ang mga kaklase ng kanyang anak upang tanungin kung nasaan ito.
"Nasaan si Alfi? Nasa labas pa ba?" Tanong ng ina ni Alfi.
"Wala na po siya..." Mahinang sabi ni Irish, na isa sa pinakamalalapit na kaibigan ni Alfi. Agad na binigyan ng napalakas na sampal ni Aling Amanda si Irish. Napahawak na lamang ito sa kanyang pisngi ngunit hindi na muli pang nagsalita.
"Tigil-tigilan ninyo ako! Nasaan si Alfi?!" Maluha-luhang wika ng matanda. Pero walang nangahas na magsalita sa kanila. Maliban na lamang kay Irish.
"Nabaril po siya... Wala na po kaming nagawa!" Pangangatwiran pa ni Irish.
"Lumabas na kayo sa pamamahay ko!" Wala nang nagawa pa ang mga magkakaklase kaya't lumabas na lamang sila bilang simbolo na rin ng pagrespeto rito.
Naiwan sa loob ng bahay ang mga magulang ni Alfi at ang mga kaibigan nito. Nakaluhod sa lupa ang nanay niya at tanging pagtangis lamang nito ang maririnig.
"Mommy, bakit ka po umiiyak?" Tanong ni Robert.
"Basta, anak. Basta." Matipid na sagot ng ina ni Alfi.
Guys! Maikli lang talaga, ha. Sorry. Hindi sa pinaparami ko yung mga chapters, ha. Talagang akma lang 'to sa title ng chapter.
BINABASA MO ANG
Class 666 (COMPLETED) #Wattys2016
Mystère / ThrillerKaklase... Karamay... Kaibigan... Hindi yata. Sa isang eskwelahan na kilala sa tawag na St. Rochinston, ay may isang section na nilalayuan ng lahat dahil sa isang lihim ng nakaraan. Patayan, aksidente at mga kakaibang laro. Ilan lamang iyan sa mga b...
