Isa akong rebelde,
Oo-
Rebelde ako,
Pero di ako humahawak ng baril o bala,
Oo, rebelde ako,
Pero di ako naghahanap ng gulo,
Tayo'y may kanya-kanyang uri ng rebelde,
Ako'y rebelde ng magulong sistema,
Rebelde ng tiwaling pamamahala,
Pulahan man o dilawan,
Loyalista man o komunista,
Tayo ay mananatiling rebelde-
Hangga't may tumutuligsa,
Hangga't may bumabatikos,
Mananatili kami,
Kaming mga rebelde,
Madugo man o patula,
Ang aming hinaing,
Tunay na pagbabago,
Tunay na solusyon,
Alam naming mahirap,
Pero sana naman ay masolusyunan,
Kahirapan,
Kawalan ng trabaho,
Edukasyon para sa lahat,
Hindi para sa iilan lamang;
Ang tanging nais lamang namin,
Mapanindigan ang sinasabi niyong PAGBABAGO,
Hindi puro salita lamang;
Ikaw na nognog, pandak, at laki sa hirap,
Panindigan mong isa kang magaling na pinuno,
Lalo na't marami kang kinasangkutang isyu sa lipunan;
Galing at Puso, yan ang pinapangalandakan mo,
Pero tinalikuran mo ang iyong Inang Bayan,
Nasaan ang pagiging makabayan mo,
Kung ikaw mismo, sumumpa sa kuko ng Agila;
Daang matuwid, iyan ang pinagmamayabang ng administrasyon,
Pero nasaan ang siyam na bilyong pondo,
Na dapat ay nakakamtan na ng mga nasalanta?
Tanong ko sa'yo, saan galing ang lahat ng pangkampanya mo?
Nasaan, nasaan ang lahat ng pinagmamalaki mo?
Sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan, sabi mo,
Susugpuin mo ang kriminalidad,
Pero sabi nila-
Isa kang berdugo, mamamatay-tao,
Kung totoo man ito,
Bakit ka nagpadala sa madla,
Nakakatakot, kung tutuusin,
Nababagabag ang aking puso;
Panghuli-
Ikaw na siyang pinakamatalino sa lahat,
Nakatanggap ng mga papuri't parangal,
Papaano mo mapapamahalaan ang ating bayan,
Kung ikaw mismo, mahina na,
Halos ikamatay mo na ang iyong sakit,
Itutuloy mo pa rin ba?
Tayong mga rebelde ng lipunang ito,
Mawawaksi ba natin,
Ang kanser ng lipunan,
Papaano natin susugpuin ito,
Kung tayo mismo,
Na siyang rebelde ng bansang ito,
Ang siyang sumisira-
Oo, tayo ang sumisira nito,
Mahina na ang Inang Bayan,
Ginahasa na ng mapag-aping lipunan,
Iniwan na parang isang puta,
Walang kamalay-malay,
Hinayaan nang alipustahin,
Ikaw-
Oo, ikaw,
Handa ka bang maging rebelde,
Pumili ka ng TOTOONG PINUNO,
Hindi yung sinasabi mong gagawa ng PAGBABAGO.

BINABASA MO ANG
Mga Tula ng Pag-ibig
PoetryMay mga bagay sa atin na hindi kailanman mabubura. Ang mga alaalang nagbabalik, mga karanasang kay pait, at higit sa lahat, ang mga pangakong nawaglit. Sa akdang ito, muli mong mararanasang magmahal, masaktan at muling makatayo sa sariling mga paa. ...