Nagtataka ka kung bakit paggising mo,
May nakahanda nang almusal,
Nakatimpla na ang kape mo,
At maging ang paborito mong damit na susuutin,
Tinanong mo ako,
"Ikaw ba ang gumawa nito?"
Ako'y umiling,
Pero sa totoo lang,
Hindi mo alam ang totoo.
Nagulat ka nang pag-uwi mo,
Malinis na ang iyong higaan,
Wala nang kalat sa buong sala,
Maging ang tubo'y naayos na,
Ika'y nagkamot,
Para bang nayayamot,
Pero hindi ako umimik,
"Ikaw ba'ng may gumawa nito?"
Wala akong kibo,
Dahil alam ko ang totoo.
Isang gabi, niyaya kita,
Sa paborito nating lugar malapit sa plaza,
Nagulat ka,
Dahil may nakahandang piging,
Na para lamang sa ating dalawa,
Nagniningas ang kandila na kulay lila,
Na siyang pinakapaborito mo sa lahat,
Bago ka umupo, tinanong mo ako,
"Ikaw ba ang gumawa nito?"
Huminga ako nang malalim at sumagot sa mga tanong mo.
"Kanina, paggising mo,
Niluto ko ang paborito mong almusal,
Tinimpla ko ang kapeng naaayon sa iyong panlasa,
Hinanap ko ang pinakapaborito mong damit,
Pero hindi ako sumagot noong tinanong mo ako,
Dahil baka mawala ang pagkasabik sa lahat ng gagawin ko."
"Bago ka umuwi,
Pumunta ako sa inyong tahanan,
Hindi ako makapasok sa bahay, kaya nagpatulong ako-
Nagpatulong ako kay Buknoy para makapasok sa bintana ng kwarto mo,
Nilinis ko ang kwarto mo, maging ang sala,
Dahil hindi mo ito nagagawa kapag ika'y umuuwi galing trabaho,
Nagpatulong din ako kay Temyong para maayos ang tubo sa lababo,
Hindi ako umimik nang tinanong mo ako,
Dahil baka malaman mong pinaghirapan namin ito."
"Huwag ka sanang mainis, mahal ko,
Dahil gusto kong bumawi sa lahat ng pagkakamali ko,
At ngayon, marahil magiging masaya ka na,
Dahil sa araw na ito,
Ako'y magpapaalam na,
Dahil nalaman ko sa kanila,
Na ikaw-
Ay may mahal nang iba"

BINABASA MO ANG
Mga Tula ng Pag-ibig
PoetryMay mga bagay sa atin na hindi kailanman mabubura. Ang mga alaalang nagbabalik, mga karanasang kay pait, at higit sa lahat, ang mga pangakong nawaglit. Sa akdang ito, muli mong mararanasang magmahal, masaktan at muling makatayo sa sariling mga paa. ...