Hey Jay

9 0 0
                                    

  Jay, kumusta ka na,
Balita ko, binugbog ka naman,
Bakit?
Wala namang problema sa'yo,
Bakit ka nila sinaktan?
Maayos ka namang manamit,
Suot mo pa nga ang damit,
Na minsan mong nakita,
Sa iyong iniidolong makata;
Disente ka namang maglakad,
Gamit ang iyong sapatos
Na may matulis na takong
Pero-
Lalake ka, Jay,
LALAKE KA;
Nabalitaan kong nag-away kayo ni Mang Temyong,
Itinatanggi ka niya-
Itinatanggi ka niyang anak ka niya,
Naaawa ako sa'yo, Jay,
Sa tuwing inilulublob ka niya sa palangganang puno ng tubig,
At tinatanong ka niyang kung ano ka,
Iniisip ko,
Ilang tulad mo pa ba ang kailangang magtago ng kanilang kasarian?
Ilang bakla pa ba ang kailangang magpanggap?

Ngayon, heto ka,
Nakahiga sa iyong kama,
Wala nang malay,
Sabi nila, nagpakamatay ka,
Dahil hindi mo makayanan,
Ang lahat ng panghuhusga sa'yo,
Nalulungkot ako,
At nagpuyos sa galit,
Ilang Jay pa ba ang kailangang mamatay,
Para sa kanilang karapatan na maging malaya?
Ilang bakla pa kaya ang kailangang magbuwis ng buhay,
Para maiparating sa iba na TAO RIN SILA;
Ilang katulad ni Jennifer Laude ang kailangang mamatay?
Ilang mga katulad niya ang kailangang mawala,
Para maiparating sa lahat ang inaasam na karapatan?  

Mga Tula ng Pag-ibigTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon