Cinco de Junio

12 0 0
                                        

  TRAYDOR!!

Isang punglo sa katawan,
Ngunit di ka napadapa,
Lumalaban ka pa rin,
Kahit naghihingalo na;
Bawat taga at pag-asinta sa iyong katawan,
Na wari ba'y isa kang tulisan,
Bumibilis ang pintig ng puso,
Habang pumupulandit ang iyong dugo.

TAKSIL!!

Kailan ba ako nagtaksil sa'yo, o Heneral,
Ikaw ang siyang pinakatatangi ko,
Ang aking Maestro,
Subalit, heto ka, nakahandusay,
Habang pinapatikim sa'yo ang hagupit-
Hagupit ng iyong mga ginawa,
Subukan ko mang lumaban,
Ako'y natigilan,
Kumukurot sa puso ko,
Ang iyong kamatayan.

DUWAG!

Sino bang duwag?
Ako ba-
Ako na pinilit lumaban para sa bayan,
Na handang ialay ang buhay,
Para sa Inang Bayang sinisinta?
O ikaw, oo ikaw-
Ikaw na yumukod sa harapan ng banyaga,
Para lamang sa kalayaan,
Inuna mo ang kapakanan ng iyong sarili,
Sa halip na sa kanya.

Sa pagpatak ng iyong mga dugo, O Heneral,
Aking napagtanto,
Ikaw-
Ikaw na siyang lumaban para sa Bayang ito,
Na piniling unahin ang kapakanan ng bansang Pilipinas,
Ay siyang pinagtaksilan,
Ng mga taong minsang pumuri sa'yo,
At sumaklolo para sa Bayan;
Pinatay ka, O Antonio Luna,
sa malungkot na araw na ito,
Isang siglo, at labingpitong taon na,
Sa bayan ng Cabanatuan  

Mga Tula ng Pag-ibigTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon