CHAPTER 5: FINALLY!

1.7K 138 38
                                    


Ethan

Sumalampak agad ako sa malambot kong kama pagkarating na pagkarating ko sa bahay galing Baguio. Agad akong nagpahinga at bumawi ng tulog.

Tama si Nina. Hindi makakatulong kung mag-aalala ako nang mag-aalala. Kung hindi pa nakabalik si Nina sa kanyang katawan, maaaring nasa ibang katawan siya ngayon. Sinabi ko kay Jenny ang nangyari at sinabi niyang tutulong siya sa paghahanap.

Kung tama ang aking iniisip ay maaaring may nangyaring hindi maganda sa kanya base na rin sa sinabi ni Nina kahapon sa Baguio. Kailangang mahanap namin siya kaagad.

Hapon na nang bumangon ako. Nagshower lang ako at kumain bago ako umalis ng bahay.

Papunta ako sa mansyon para kausapin si Ate Bel. Binilisan ko ang pagpapatakbo ng kotse dahil wala namang mga sasakyan. Malapit na ako sa intersection papasok sa compound nila Celine nang biglang may babaeng sumulpot.

Napamura ako ng wala sa oras sabay kabig ng manibela para hindi ko siya mabundol. Ang lakas ng kabog ng dibdib ko dahil sa naghalong gulat, kaba, at takot!

Mabuti na lamang at nakita ko si Reyden nang hablutin niya ang babae paatras. Inapakan ko ng mariin ang break. Halos mapasubsob ako sa manibela sa biglaan kong pagpreno.

Napasandal ako sabay hinga ng malalim. Mabuti na lang wala akong sakit sa puso kung hindi ay siguradong inatake na ako kanina pa.

Agad akong bumaba ng kotse.

"Are you okay?" Tanong ko sa gitna ng aking paghingal.

Nakita ko si Reyden na mahigpit na hawak hawak ang braso ng babaeng marungis at gusgusin.

"What's going on?" Taka kong tanong.

"Ethan..." Tawag sa akin ng babae.

Napatingin ako sa kanya. Nakatitig siya sa akin na para bang may gusto siyang sabihing hindi niya masabi. Kitang-kita ko sa mga mata niya ang desperasyon. Parang sinasabi niyang tulungan ko siya.

Napalunok ako.

"Anong pangalan ko?" Tanong niya sa akin.

Nanlaki ang aking mga mata. Bumilis ang tibok ng puso ko. Naalala kong bigla ang tanong sa akin ni Nina noong una kaming nagkita sa panaginip. Ang tanong na Anong pangalan ko?

Agad akong lumapit sa kanya. Hinawi ko ang kamay ni Reyden na mahigpit na humahawak sa kanyang braso. Hinila ko siya palapit sa akin at mahigpit ko siyang niyakap. Wala akong pakialam kung ano ang itsura at amoy niya basta ang mahalaga nandito na siya.

"Thank God! You're here, finally." Bulong ko sa kanya.

Naramdaman ko ang pagpatak ng mga luha mula sa kanyang mga mata. Hinawakan ko siya sa magkabilang balikat.

Napaungol siya sa sakit.

Agad kong hinawi ang kanyang t-shirt para makita ang kaliwang balikat niya. Napangiwi ako nang makita ko ang kanyang sugat. Namamaga na ang kanyang balikat at halatang infected na ito. Tama nga, nararamdaman ng katawan ni Nina ang nararamdaman ng kanyang kaluluwa.

Sinalat ko ang kanyang leeg. Inaapoy siya ng lagnat. Paano niya nagawang makatayo pa sa kalagayan niya ngayon?

Inalis ko ang jacket na aking suot at agad itong ibinalabal sa kanya.

"Let's go." Pag-aalala kong sabi.

"Wait!" Takang-takang pigil ni Reyden sa akin.

Napatingin ako sa kanya.

I AM NINA: Saving LivesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon