CHAPTER 40: CLUE

1.4K 116 14
                                    

Humihingal akong napabalikwas sa kama. Kaya pala gustong saksakin ni Mia si Eve dahil tatay ni Eve ang pumatay sa tatay ni Mia.

Alam ni Gani ang nangyari sa tatay ni Mia pero bakit ayaw niyang sabihin ang nalalaman niya? Anong ginagawa niya sa pantalan na 'yon ng gabing mangyari ang barilan?

Nakakainis talaga, puro na lang katanungan; wala man lang kasagutan!

Hindi ako pwedeng manatili rito kasama ni Eve dahil baka biglang lumabas si Mia at sugurin na naman niya si Eve.

Pinikit ko ang aking mga mata.

Mia, walang kasalanan dito si Eve. Hindi siya ang pumatay sa tatay mo. Ang tatay niya ang pumatay sa tatay mo kaya pwede ba huwag mo siyang idamay! Usal ko sa aking sarili na sana ay naririnig ni Mia.

Alas singko pa lang ng madaling araw ay gising na ako. Muli kong isinilid sa aking bag ang konting mga gamit.

Ginising ko si Boy na agad namang bumangon.

"Bakit Ate?" Tanong niyang humihikab pa.

"Boy, makinig ka, hindi tayo pwedeng tumira rito ng magkakasama. Kailangan kong humiwalay." Bungad ko.

Napangisi siya. "Dahil ba kay Ate Eve? Wala ka bang tiwala sa kanya?" Pabulong niyang tanong.

"Hindi, may tiwala ako sa kanya. Kailangan lang nating maghiwalay para in case na may makakita sa akin, hindi kayo madadamay." Sagot ko.

Ang totoo, kay Mia ako natatakot. Hindi ko alam kung kelan siya biglang lalabas.

Inilabas ko sa bag ang isang plastic.

"Naalala mo ito, ito yung perang natira doon sa nakuha natin kay Berto. Iiwan ko 'to sa'yo. Gamitin niyo pang araw-araw hangga't hindi pa natatapos ang problema naming dalawa." Habilin ko sa kanya.

Humugot ako ng malalim na hininga.

"Huwag mong palalabasin ng bahay si Eve. Bantayan mo siyang maigi. May tiwala ako sayo. Pangako ko pagkatapos nito, aayusin natin ang lahat para sa kinabukasan mo." Sabi kong nakatitig sa kanyang mga mata.

Bahagya siyang ngumiti. Muli kong naaninag sa kanyang mga mata ang tapang at lakas ng loob.

"Mag-ingat ka, Ate Mia. Siguraduhin mo lang na tutuparin mo ang pangako mo." Mariin niyang paalala.

Tumango ako at niyakap siya.

Umalis ako nang hindi man lang nagpapaalam kay Eve. Kaibigan siya ni Celine pero hindi siya kaibigan ni Mia. Kailangan kong gawin kung ano ang alam kong makabubuti para sa aming lahat.

Maliwanag na nang pumasok ako sa isang restaurant at umorder ng agahan. Saan ako pupunta ngayon? Kung pwede lang takbuhan ang lahat ng ito ay matagal ko nang ginawa kaya lang ay hindi pwede.

Tinawagan ko si Ate Bel. Sinabi ko sa kanya na kailangan naming maghanap ng ibang mauupahang bahay.

Magkikita kami mamaya pagkatapos ng kanyang duty sa opisina.

Pagkatapos kong kumain ay tumuloy ako sa malapit na internet café. Sabi nga nila, kung gusto mong makakuha ng impormasyon, pumunta ka sa social media.

Sinubukan kong hanapin sa FB ang account ni Mia. Inisa-isa ko ang mga pangalang katulad ng sa kanya, Mikaela Villasis. Hindi ko makita. Sinubukan ko ang pangalang Mia Villasis. Wala talaga, ibang mga tao ang lumalabas.

Napasandal ako sa upuan sabay halukipkip.

Isip Nina, kailangan mong mag-isip.

Ibinalik ko ang aking mga daliri sa keyboard. Binaligtad ko ang pagtype sa pangalan ni Mia. Aim Sisalliv, sabay pindot ng search.

I AM NINA: Saving LivesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon