CHAPTER 34: ONE AFTER THE OTHER

1.5K 121 74
                                    

Nina

Dumating ang araw na tuluyang lumipad si Reyden, si Dad, at si Tita Grace pa Amerika. Magkakasama kaming tatlo nila Ate Bel at Ethan nang ihatid namin sila sa airport. Pagkaalis na pagkaalis nila ay tuluyang umagos ang luha sa aking mga mata. Hindi tumigil ang aking pag-iyak kahit mugtong-mugto na aking mga mata at halos hindi na ako makahinga kahihikbi. Walang nagawa sila Ethan at Ate Bel kundi ang manatili sa aking tabi at aluhin ako.

Isang linggo ang lumipas at tuluyan na akong nagresign sa kumpanya. Bago umalis si Dad ay nagpass na ako ng resignation letter. Inalok niya ako ng ibang posisyon sa kumpanya pero hindi ko na tinanggap.

Pagkatapos kong mag-ayos ng gamit sa opisina ay agad na akong umuwi. Tinitigan ko ang dating quarters nila Reyden. Agad akong pumasok sa quarters namin. Ayoko nang umiyak.

Mag-aalas tres na ng hapon nang muli akong lumabas. May isang bagay akong gustong gawin na matagal ko nang pinag--iisipan kung gagawin ko ba o hindi.

Nagsuot ako ng hoodie. Itinaas ko ang hood at tinakpan ang aking mukha pagkababa ko sa lugar kung saan ako hinabol ng mga lalaki noon. Dinaanan ko ang cafe na pinuntahan ko dati. Nagtake-out ako ng pagkain at nagpatuloy sa paglalakad.

Muli kong nakita ang lalaking batang kalye na nakaupo pa rin sa dati niyang pwesto.

Umupo ako sa tabi niya sabay abot ng tinake-out kong pagkain.

Sumulyap siya sa akin sabay hablot ng dala kong plastik. Binuksan niya ang marumi niyang bag at inilabas ang isang plastik. Inabot niya sa akin ang plastik na ang laman ay ang inihulog kong sapatos noong gabing nagkaroon ng habulan.

"Salamat sa pagtago ng sapatos ko." Pabulong kong sabi.

"Hindi ka na dapat bumalik dito. Pinaghahahanap ka kaya ng grupo nila Berto." Sabi niya sabay subo ng pagkain.

"Bakit nila ako hinahanap?" Taka kong tanong.

"Hindi ko alam. May pabuya raw ang makahanap sa'yo." Puno ang bibig na sagot niya.

"Magkano?" Tanong ko.

"Singkwenta mil." Sagot niya.

Napangisi ako. 50 thousand pesos para kay Mia? Ang baba naman.

"Umalis ka na bago ka pa nila makita." Payo niya.

"Ilang taon ka na?" Tanong ko imbes na sundin ang sinabi niya.

Napatingin siya sa akin. "Sampu." Sagot niya.

"Wala ka bang mga magulang?" Tanong ko.

"Wala." Mabilis niyang sagot.

Napabuntong-hininga ako.

"Kunin mo ang pabuya. Sabihin mong alam mo kung nasaan ako. Dadaan ako rito bukas ng alas sais ng gabi. Tandaan mo, kunin mo muna ang pera bago mo ko ituro. Pumasok ka sa cafe na 'yon kapag nagsimula ang habulan." Sabi ko sa kanya sabay turo sa cafe kung saan ako bumili ng pagkain.

Napatitig siya sa akin. Wala akong nakikitang takot sa kanyang mga mata.

"Siguraduhin mo lang na dadaan ka ng alas sais." Seryoso niyang sabi.

Napangisi ako. Ang batang ito, mukhang sanay na sanay siya sa buhay sa kalye.

"Anong pangalan mo?" Pahabol kong tanong bago ako tumayo.

"Boy ang tawag nila sa akin." Nakayuko niyang sagot.

Tumango ako sabay tayo. Tuluyan akong tumalikod dala-dala ang binalikan kong sapatos.

Nakabalik ako ng mansyon bago mag 6pm. Hindi ako pwedeng magpagabi dahil malalaman ni Ate Bel na lumabas akong nag-iisa, at siguradong magagalit na naman siya kapag nagkataon.

I AM NINA: Saving LivesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon