DED Part 1

1.3K 64 13
                                    


Diretso akong naglakad sa gitna nang maalikabok na daan. Umubo ako ng umubo nang makalanghap ng usok mula sa nasusunog na battle tank.

Iginala ko ang aking mga mata sa paligid; napakagulo, napakaraming naglalaban, napakaraming iba't-ibang nilalang. Nasaan ako?

Bakit ako napunta sa lugar na ito? Isa lang akong ordinaryong tao!

Nagulat ako nang may bumagsak na kulay berdeng nilalang sa aking tabi. Napamulagat ako nang makitang wala na siyang buhay.

Napaatras ako. May isang babaeng papalapit sa akin. Naningkit ang aking mga mata; hindi siya isang ordinaryong babae!

Napakaputi at napakakinis ng kanyang balat. Napakaganda ng kanyang mukha na lalong pinatingkad ng berde niyang mga mata. Malaginto ang mahaba niyang buhok at may bahid ng kulay pula ang kanyang maiksing bangs. Ang kanyang tenga ay patusok at nakausli. Totoo ba ang nakikita ko?

Isa siyang ELF!

Itinaas niya ang kaniyang kamay na may hawak na espada. Pakiramdam ko ay humiwalay ang puso ko sa kaba! Papatamaan niya ako!

Para akong isang estatwa na hindi makagalaw sa aking kinatatayuan! Bago pa tuluyang bumaon ang espada sa aking balikat ay may humarang na isa pang babae.

Sinalag niya ang espada gamit ang baril na nakakabit sa kanyang braso. Nag-echo sa aking tenga ang tunog ng dalawang metal na malakas na nagsalpukan. Halos umilaw ang spark na nagmula sa kanilang nagbanggaang sandata.

"Tumigil ka Nickel (@NickelCass)! Hindi siya kalaban!" Malalim at buong-buo ang boses ng babaeng sumagip sa aking buhay.

Tinitigan ko ang pangalawang babae. Maiksi ang kanyang itim na buhok. May pagkasingkit ang kanyang mga matang walang bahid ng emosyon. Kitang-kita ang magandang hubog ng kanyang katawan sa suot niyang hapit na hapit at skin-tonned na baluti na sumusunod sa kanyang bawat galaw. Mataas ang suot niyang itim na boots na may nakakabit na mahabang mga baril sa magkabilang gilid.

May tattoo siya sa kanyang kanang pisngi; isang dahon, isang four-leaf clover!

Ngumisi ang babaeng nagngangalang Nickel.

"Ilayo mo siya sa akin Clover (@clovervanessa), kung ayaw mong tadtarin ko siya nang pinong-pino! Alam mong allergic ako sa tao!" Maangas na sambit ni Nickel.

Napalunok ako! Tadtarin talaga, hindi ba pwedeng hiwain muna?

Napaismid si Clover sabay tingin sa akin. Hinatak niya paitaas ang suot kong t-shirt hanggang sa maiangat niya ako sa lupa.

"Anong ginagawa ng isang katulad mo sa lugar na ito?" Taka niyang tanong habang sinisipat ang aking kabuuan.

Kitang-kita ko ang itim na itim niyang mga mata. Ang astig ng kanyang itsura!

Napaluhod ako sa lupa nang bigla niya akong bitawan para umiwas sa isang lumilipad na palaso. Umatras si Clover at itinaas ang kanyang kamaong may nakakabit na baril sa ibabaw. Itinutok niya ito sa isang paparating na nilalang.

Napalingon ako sa aking likuran. Nakita ko ang isang malaanghel na babaeng palapit. Nakasuot siya ng puting-puting bistida na kumikislap sa tama ng liwanag. Nakaangat ang mga paa niya sa lupa, lumilipad siya!

"Ako si Cupid (@lonely_cupid69), ako ang nagdala sa babaeng 'yan sa mundong ito!" Nakangiti at kalmado niyang bigkas.

Napayuko ako nang paputukan ni Clover si Cupid. Maangas siyang talaga; hindi siya magpapatalo!

Natulala ako nang hindi tumama ang bala kay Cupid. Nanatili ito sa ere na animoy may pumipigil na enerhiya.

Lumabas sa likuran ni Cupid ang isang balingkinitang babae. May takip na itim na tela ang kanyang mga mata. Nakasuot siya ng isang simpleng itim at puting terno na parang napapanood sa mga Chinese movies, yin and yang.

Itinaas niya ang kanyang kanang kamay. Gumalaw ang bala at bumaligtad ito patungo sa direksyon nila Clover at Nickel.

"Huwag mo nang patulan, Arliniii (@arliniiiiii)." Sabat ng isa pang kasamahan nila.

Lumapit ang isa pang babae. Napansin kong natigilan sina Clover at Nickel. Ibinaba nila ang kanilang mga sandata.

"Bakit nandito ang oracle? Bakit nandito si Pokona (@pokona)?" Takang tanong ni Nickel.

Lumapit sa akin ang tinawag nilang Pokona.

Inilahad niya ang kanyang kamay para tulungan akong makatayo. Inabot ko ito. Hindi ko alam pero nawala ang takot at pangambang aking nararamdaman mula pa kanina. Napakalambot ng kanyang palad, pakiramdam ko ay ligtas ako sa kanya.

Binitiwan niya ang aking kamay pagkatayo ko.

Itinaas niya ang dalawa niyang kamay malapit sa kanyang dibdib. Pinagdikit niya ang kanyang mga daliri. Nagsimulang maipon ang enerhiya sa pagitan ng kanyang mga palad. Palaki ng palaki ang bilog na enerhiyang nagmumula sa kanya.

Nakagawa siya ng isang maliwanag na bola ng enerhiya. Hinawakan niya ito ng isang kamay at inilapit sa akin.

"Kunin mo ang susi sa loob." Utos niya.

I AM NINA: Saving LivesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon