Prologue

2.6K 168 22
                                    

Thank you again Ms. Jaijai for this Book Cover fan art! Love you!

__________________________________________

Ang lamig. Ramdam na ramdam ko ang lamig ng hangin na nanunuot sa aking katawan. Para akong lumulutang. Wala akong ibang maaninag kundi ang dilim na nakapalibot sa akin. Ipinikit ko ang aking mga mata. Gusto kong matulog pero hindi ko magawa.

Nakita ko si Nanay sa gitna ng kadiliman; bukas palad siyang patakbong papunta sa akin.

Nakita ko si Tatay. Nakatayo siyang naghihintay sa akin.

Nakita ko ang aking mga kapatid. Naghahanda na sila ng malaking salo-salo para sa aking pagbabalik.

Ngumiti ako. Sa wakas, makakabalik na ako.

Makakabalik na ako sa pamilyang matagal ko nang gustong makasama.

Iminulat ko ang aking mga mata. Tumayo ako. Nasaan ako? May naaninag akong babaeng dumaan sa aking likuran. Napalingon ako. Wala namang tao sa paligid. Namamalikmata ba ako?

Sa gitna ng kadilimang aking kinatatayuan; bakit kitang kita ko ang aking anino? Hindi lang ito isa kundi lima. Tiningnan ko ang unang anino. Nanlaki ang aking mga mata nang kumilos itong mag-isa kahit hindi naman ako gumagalaw.

Inabangan ko kung ano ang susunod niyang gagawin pero humiwalay lang ito sa aking talampakan at tuluyang umalis.

Naiwan ang apat na anino.

Napalunok ako nang magsimula silang maglakad paikot sa akin.

Naaninag ko na namang muli ang babaeng dumaan sa aking likuran kanina. Sino ba siya? Bakit siya umaaligid?

Kailangan ko nang umalis dito. Kailangan ko nang puntahan ang pamilya ko. Kailangan ko nang bumalik.

Inihakbang ko ang aking paa. Humarang ang aking mga anino.

Tumaas ang balahibo ko nang marinig kong may bumulong sa akin. Tulungan mo sila!

Lumingon ako. Wala namang tao. Nagsisimula nang mangatog ang aking mga tuhod.

Sinubukan kong sumigaw pero walang tinig na lumalabas mula sa aking lalamunan. Unti-unting lumapit ang mga anino. Naramdaman ko ang paglubog ng aking mga paa na para akong nasa ibabaw ng isang kumunoy. Hindi ako makagalaw. Nariyan na ang mga kamay nilang pumupulupot sa aking buong katawan. Ramdam na ramdam ko ang malamig nilang haplos sa aking mukha.

Patuloy ako sa paglubog. Itinaas ko ang aking kamay pero walang umaabot nito. Tulong! Tulong!

I AM NINA: Saving LivesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon