CHAPTER 32: MIRROR

1.4K 117 24
                                    

Nina

Nagising ako sa loob ng isang silid. Pamilyar ang silid na ito. Tama, kwarto ni Eve. Ilang beses na rin akong nakapunta sa bahay nila noong college kami. Nakita kong natutulog si Eve sa tabi ko.

Napatingin ako sa wall clock. Ala-una pa lang ng madaling araw. Pinagmasdan ko ang aking kamay, parang totoong nasa reyalidad ako. Pwede pa rin pala akong pumasok sa ala-ala ng ibang tao kahit nagpalit ako ng katawan. Napangiti ako.

Nirelax ko ang buong katawan ko sa kama. Gusto kong magpahinga, magpahinga sa loob ng panaginip.

Muli kong sinulyapan si Eve, mahimbing pa rin siyang natutulog.

Ipinikit ko ang aking mga mata.

Pagmulat kong muli ay nasa ibang kwarto na ako. Natigilan ako nang mapagmasdan ko ang buong paligid. Hindi ako makapaniwalang nasa loob ako ng kwarto ko sa bahay namin sa Baguio. Unti-unti akong bumangon. Walang tao sa paligid.

Lumakad ako palabas ng kwarto. May naaninag akong anino. Napalunok ako. Sino siya? Tahimik akong lumapit, lumingon ang babae.

Nagsalubong ang kilay ko. "Nina?" Buong pagtatakang tawag ko sa aking sarili.

Para akong nananalamin. Ngumiti siya at humakbang palapit sa akin.

Hinawakan niya ang magkabilang pisngi ko. "Focus Nina. You need to wake up." Usal niya.

Napakunot ang noo ko. I need to wake up? Oo nga pala, nandito ako dahil kay Eve. Ipinikit ko ang aking mga mata.

Naalimpungatan ako nang marinig ko ang malakas na kalabog nang pahambalos na bumukas ang pinto ng kwarto. Napabalikwas ako sa kama nang makita ko ang isang papalapit na lalaking may takip na bonet ang mukha.

Naalimpungatan si Eve at napasigaw nang hablutin ng lalaki ang kanyang buhok. Malakas siyang hinatak ng lalaki patayo.

Nagpumiglas si Eve pero wala siyang nagawa dahil sa tangkad at laki ng katawan ng lalaki na may hawak pang baril. Marahas siyang hinila ng lalaki na sabu-sabunot pa rin ang kanyang buhok palabas ng kwarto.

Sinundan ko sila. Napahagulgol si Eve nang makita ang kanyang mga magulang na nakaluhod sa sahig sa kanilang sala. May tatlo pang armadong lalaki na nakapalibot sa kanila na pawang nakatakip ang mga mukha.

Umiiyak ang mommy niya habang tiim-bagang naman na nakatitig ang daddy niya sa lalaking nasa kanyang harapan.

Napahagulgol din ang mommy niya nang makitang pakaladkad na ibinababa ng hagdan si Eve. Walang pakundangang pinaluhod si Eve sa tabi ng kanyang mga magulang at doon pa lang tuluyang binitawan ng lalaki ang kanyang buhok.

Tumawa ang leader na mga armadong lalaki.

"Happy family di ba!" Nang-aasar niyang banat.

"Please, hindi mo kailangang gawin ito. Alam ko kung nasaan ang kargamento, bigyan mo lang ako ng oras!" Paki-usap ng Daddy ni Eve.

Muling tumawa ang leader.

"Oras ba kamo? Ang daming oras na ang ibinigay ko sa'yo! Ilang buwan na ang lumipas pero wala ka pa ring balita kung nasaan ang kargamento. Niloloko mo ba ako!" Singhal ng leader.

"Pangako, mahahanap ko 'yon. May lead na kami kung saan nakatago ang kargamento. Dalawang buwan, bigyan mo lang ako ng dalawang buwan!" Patuloy na pagmamakaawa ng Daddy ni Eve.

Anong kargameto ang sinasabi nila? Sangkot ba siya sa kung anong ilegal na gawain?

Nanginginig ang buong katawan ng daddy ni Eve habang paluhod na lumapit sa leader. Hinawakan niya ito sa binti habang patuloy na nakikiusap.

I AM NINA: Saving LivesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon