Nina
Nagising akong napapalibutan ng puting liwanag. Patay na ba ako?
Natawa ako sabay ngisi. Hindi pa ako patay! Hindi ako pwedeng mamatay!
Unti-unting nahawi ang parang hamog na nakapalibot sa akin. Nasa tulay na naman ako. Ang lugar kung saan binaril ni Gani si Mia.
Nakita ko si Mia pagkatapos niyang iukit ang code sa poste. Naglakad siyang muli papunta sa karatula kung saan niya iniwan ang bag na puno ng pera. Ilang sandali siyang naghintay. Maya maya ay lumabas ang isang lalaki, ang lalaking may mahabang buhok.
Siya ang inutusan ni Mia para patayin si Salazar! Ibig sabihin ay hindi talaga napatay ng lalaking ito si Salazar.
Nagtitigan lang sila. Itinuro ni Mia ang bag. Lumapit ang lalaki at marahan itong binuksan. Nang matiyak niya na pera talaga ang laman ay isinara na niya ito at binitbit.
"Salamat sa pera, Mia!" Sigaw niya.
Napakunot ang noo ni Mia. "Paano mo nalaman ang pangalan ko?" Nagtataka niyang tanong.
Tumawa ang lalaki sabay ngisi. "Dahil ikaw ang susunod kong target!" Sabi ng lalaki sabay bunot ng baril.
Nagtama ang nagngangalit na mga ngipin ni Mia. May kung ano siyang hinugot sa kanyang bulsa. Yumuko siya bago pa makapagpaputok ang lalaki. Inihagis niya ang isang parang latang kulay itim. Mabilis na kumalat ang puting usok, smoke bomb!
Tumakbo si Mia papunta sa isang eskinita. Nagpaputok ang lalaki pero wala naman siyang tinamaan.
Nasa labasan na si Mia nang mapahinto siya at makita si Gani na may kausap na isang lalaki sa loob ng isang suv. Nanlaki ang kanyang mga mata. Tinitigan ko ang kasama ni Gani. Isa itong lalaking nasa 50's siguro. Halos kulay abo na ang buhok nitong maikli at nakapomada. Sino siya?
Bumaba sa sasakyan si Gani. Mabilis na umalis at naglaho ang suv sa dilim. Nagpakita si Mia kay Gani. Nagkaharap silang dalawa.
"Walang laman ang usb, ang galing mo ring magpanggap!" Sigaw ni Mia.
Napakunot ang noo ni Gani na waring nagtataka sa sinasabi ni Mia.
"Walang hiya ka, traydor!" Mapait na sigaw ni Mia sabay takbo pabalik sa eskinita.
"Mia! Saglit! Ano bang sinasabi mo?" Habol ni Gani.
Nagpatuloy si Mia sa pagtakbo pabalik sa tulay. Nasa kalagitna na siya nang makita niyang nakatayo sa kabilang dako ang lalaking may mahabang buhok.
"Mia saglit lang!" Patuloy na sigaw ni Gani.
Tumigil si Mia at humarap kay Gani. Nagsimulang tumulo ang kanyang mga luha. Puno nang hinagpis at hinanakit ang kanyang mukha.
Nakita kong itinutok ng lalaking may mahabang buhok ang baril sa nakatalikod na si Mia. Papatayin niya si Mia! Napansin ni Gani ang lalaki. Bumunot siya ng baril pero huli na ang lahat dahil nakapagpaputok na ang lalaki.
Itinutok ni Gani ang baril at pinatamaan ang balikat ni Mia. Naiiintindihan ko na! Hindi niya gustong patayin si Mia. Binaril niya si Mia para mapaatras ito at makaiwas sa balang tatama sana sa ulo nito.
Wala pang segundo ang pagitan ng lahat. Dumaplis ang balang mula sa baril ng lalaking may mahabang buhok sa noo ni Mia.
Ang tanga ko! Bakit ba hindi ako marunong makinig sa sinasabi ng puso ko. Alam na alam ko at ramdam na ramdam ko na mahal ni Gani si Mia. Hindi traydor si Gani at hindi niya rin gustong barilin si Mia!
BINABASA MO ANG
I AM NINA: Saving Lives
Mystery / ThrillerBook 2 of I Am Nina Series. I know my life was not perfect. I accepted my fate. I tried so hard so I can change my future. When I thought it's over, something unexpected happened. My mission is not yet over!!