CHAPTER 57 - MARIAH

1.4K 67 0
                                    

Eleazar Lancaster


HINDI na nagulat ang aking ina sa aking ipinagtapat sa kanya. May hinala na siya na napadpad ako sa ipinagbabawal na kweba dahil sa mga kakaibang ikinikilos ko ng ilang araw. Ang sabi niya sa akin, para daw akong naging ibang tao na madalas ay tulala lang sa kawalan.

Ibinahagi sa akin ni Mariah na may isang lalaki mula sa kalapit na tribo ang nagtangka na pumasok sa kweba mga ilang taon na ang nakakalipas. Ipinagbubuntis pa lang daw ako nang una niyang marinig ang kwento tungkol dito.

Namalagi daw ang lalaki sa kweba ng ilang araw at pagkalabas nito ay pinaslang niya lahat ng kanyang mga ka tribo. Ilan na lamang ang buhay na naging saksi sa karumal dumal na pangyayari. Pagkatapos ng nangyaring patayan ay naglaho na daw na parang bula ang lalaki. Isa daw ito sa dahilan kung bakit mahigpit na ipinagbabawal ang pagpunta sa kweba.


Dahil sa nangyari sa akin, napagdesisyunan ng aking ama na si Levi at ng aking ina na si Mariah na dalhin ako kay Rai Zahl. Isa siyang kaibigan ng aking ama na naninirahan sa pinakamataas na bahagi ng bundok sa aming lugar. Kilala si Rai Zahl bilang isang manggagamot ng mga kakaibang sakit na tila walang lunas.

Karamihan sa mga tao sa aming lugar ay kinakatakutan siya, pero alam ng mga magulang ko na mabuting tao ito. Marami ang nagsasabi na ilang daan taon na daw si Rai Zahl, pero wala rin naman makapagpatunay nito.


Kinaumagahan ay nagsimula kaming maglakbay ng aking ama papunta sa kabundukan. Tanghali na nang marating namin ang bahay kubo ni Rai Zahl. Pinatuloy niya kami sa kanyang tahanan na parang may ideya na sa aming pakay.

Ibinahagi ko kay Rai Zahl ang mga pangyayari simula sa pagkakita ko sa uwak na may pulang mata hanggang sa mga itim na nilalang sa aking panaginip. Kahit ang mga maliit na detalye ay sinabi ko sa kanya.

Hinawakan ni Rai Zahl ang aking kamay, ngunit nagulat na lang ako nang bigla siyang nagliwanag. Kasabay nito ang paglabas ng mga itim na ugat sa aking kamay na unti unting umaakyat sa aking braso papunta sa aking ulo.

Naramdaman ko din ang biglaang pagyuyog ng aking katawan na para bang sinasapian ako ng kakaibang nilalang. Hindi ko alam ang mga nangyayari, pero naririnig ko ang boses ng aking ama na nagtatanong kung bakit naging pula ang aking mga mata.

Pagkatapos ng ilang segundo ay bumagsak ang aking walang malay na katawan sa sahig. Binuhat ako ni Rai Zahl at inilagay sa ibabaw ng kanyang kama.

Alam ko sa mga oras na 'yon ay wala akong malay dahil hindi ko kayang igalaw ang aking buong katawan, pero naririnig ko ang usapan ni Rai Zahl at ng aking ama.


"Levi, alam mo na siguro na ang mga Karan ang may kagagawan nito," sabi ni Rai Zahl sa aking ama.

"Karan? Akala ko ba ay wala ng naninirahan na Karan sa yungib? Akala ko ba ay lumisan na ito ilang dekada na ang nakakalipas?"

"Ang kapangyarihan ng Karan ay nanatili sa kwebang iyon. Nakakagulat na nakayanan ni Eleazar na manatiling buhay sa loob ng ilang araw."

"Anong plano mo, Rai Zahl? Si Eleazar ay nahawakan na ng kapangyarihan ng Karan. Sa pagkakaalam ko, wala ng paraan para maligtas ang anak ko. Umaasa ako na may magagawa ka pa."

Si aking ama na si Levi ay kilala sa aming angkan na isang matatag na pinuno, pero nariring ko ang paghikbi niya habang kausap si Rai Zahl. Sa paliwanag ni Rai Zahl, ilang araw na lang ang itatagal ko. Mukhang magiging isa akong halimaw na hayok sa dugo na nararapat ng patayin.

"May paraan pa, Levi," sabi ni Rai Zahl. "Kaya ko na tanggalin ang bakas ng Karan sa katawan ni Eleazar, pero kapalit nito ang buhay niya."

Mukhang ang tanging alam ni Rai Zahl na paraan para makalaya ako sa kapangyarihan ng Karan ay ang pagkitil sa aking buhay.

Alam ko na naguguluhan ang aking ama. Pwede akong mabuhay, ngunit mananatili akong isang halimaw dahil sa kapangyarihan ng Karan o mamamatay akong isang tao.

Hindi ko alam kung ano ang pinili ng ama ko, pero niyakap niya ko na parang nagpapaalam bago lisanin ang bahay ni Rai Zahl.

The Immortal Blood [Taglish Version]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon