Kabanata 8: Simula ng Malagim na Digmaan

426 45 22
                                        

Ka-tirikan ng araw ngayon sa kabundukan ng Zenata, saka naman ganap na nagtagpo ang mga hukbo ng kapwa mga sorcerer. Doon sila nagtagpo sa pinaka mataas na bundok sa Sorceria, at siya ring tahanan ng mga taga-Prussian na maaga nang nagsilikas upang makalayo sa muling sumisiklab na digmaan.

Matalas na tinignan ni Arthana ang mga puting sorcerer sa kanilang harapan, subalit wala itong namumukhaan maliban kay Cielo na nakasagupa na niya dati. Isa pa, ay pare-parehas naman ang kanilang mga puting kasuotan, katulad ng nasa panaginip nila noon. Napantingin na lamang ito kay Fredo, at saka nito pa-ngising ibinalik ang kaniyang paningin sa mga kalaban.

       "Sinu-sino ang mga pinuno nila?" Matalas na pag-uusisa ni Arthana, habang iwinawasiwas nito ang kaniyang hawak na saglip.

       "Ang babae sa kanan ay si Quesana," pagpapakilala ni Fredo. "Katabi niya si Cielo sa gilid. Siya ang pinuno ng mga espiya sa kanilang kaharian."

       "Cielo? Nagka-daupang palad na kami," sagot ni Arthana rito. "Subalit si Quesana? Sino siya at ano ang katungkulan niya sa mga puting sorcerer?"

       "Siya ang pinuno ng mga puting sorcerer," wika ni Fredo. "Higit sa lahat ay siya rin ang puting sorsera na pumaslang sa 'yong ina noong nakaraang digmaan."

       "Siya pala ang dapat kong pagtuunan," pag-ngisi ni Arthana. "Ngayon ay alam ko na kung sino ang dapat kong makaharap sa digmaang ito."

       "Ngunit mag-iingat ka pa rin," babala ni Fredo sa kaniya. "Kung siya ang kakaharapin mo sa digmaan ay higit na marami na ang alam niya sa paggamit ng mahika kumpara sa'yo."

Sa kabilang banda, ang mga puting sorcerer naman ay pinag-uusapan din si Arthana at kung saang lupalop niya napulot ang mga bagong kampon ng kasamaan. Kataka-taka ito lalo na at ang alam ng lahat, maging sila, ay kanila nang napuksa ang lahat ng mga itim na sorcerer sa nakaraang digmaan. At talagang kasama pa nila ang ilang mga taga-Cadet sa digmaang ito. Dagdag sa kanilang pagdududa at mga pangamba.

       "Saan nanggaling ang mga itim na sorcerer?" Pagtataka ni Quesana, habang matalas itong nakatitig sa kaniyang saglip na gawa sa baging ng ubas.

       "Wala nga yatang nakaka-alam kung saan," sagot ni Cielo rito. "Ang ipanalangin mo na lamang ay hindi maging kasing lala ng nakaraang digmaan ang labanang idudulot nito ngayon."

       "Kaya nga kailangan na natin silang ubusin," tindig ni Quesana. "Mas mainam nang mangyari 'yun bago pa tuluyang mahuli ang lahat. Mas marami ang pwersa natin kaya naniniwala akong madali nating magagawa 'yun."

       "Sila ay tinutulungan ng tagapagbalanse," tingin ni Cielo rito. "Si Orearuva ang tinutukoy ko. At 'yun ang magiging sagabal sa plano mong mangyari."

Tinignan na lamang ni Quesana ang kaniyang pinuno ng mga espiya, at saka ito nagsimulang mang-usisa ukol sa kaniyang mga kalaban. Una na kasi nitong nakaharap ang ngayon ay pinuno na ng mga itim na sorcerer kaysa sinuman dito sa kanilang pwersa. Isa pa, hindi rin naman nila inakala na sa susunod na pagkikita nila ay magkakaharap sila sa isang digmaan.

       "Nakaharap ko na dati ang pinuno nila," dagdag pa ni Cielo. "Arthana ang ngalan niya. Siya rin 'yung sorsera na tinulungan ni Orearuva laban sa'min."

       "Kataka-taka lalo na at kakatwa ang lahat," pangamba ni Quesana. "Hindi ko mawari kung ano at kung papaano nabuo ang lahat ng nangyayari ngayon."

Reluvious: Ang Tanglaw Sa Madilim Na Gabi ᵇᵒᵒᵏ ᵒⁿᵉTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon