Dumating na ang mga punong hukbo sa palasyo ng mga puting sorcerer upang magbigay ng ulat, dala-dala ang magandang balita na naroroon nga sa Cerulean ang kanilang mga kalabang tinutunton.
Bigla namang nabuhayan ng dugo si Brianna na muling buweltahan ang kaniyang kakambal, para sa laban nila sa pag-ibig. Isang pag-ibig na batid niya marahil, na kailanman ay hindi mapapasa-kaniya.
"Hindi na ako nagtatakang nasa Cerulean sila— lalo na at sila rin ang naging katuwang ng mga puting sorcerer noong unang digmaan sa panahon ng iyong ina," wika ni Fredo. "Tanging ang Cerulean lamang ang may malakas na loob upang makilahok sa digmaan ng mga sorcerer."
"Kung ganoon— ay may utang din pala sa'kin ang mga taga-Cerulean," sagot ni Arthana. "Tamang tama na magkakasama ang lahat ng kaaway ko sa iisang taguan— upang sabay-sabay ko rin silang sisingilin."
"Ngunit may inihahanda ang mga ito na tila ba isang plano," pangambang ulat pa ni Fredo. "At tiyak kong laban iyon sa ating lahat dito— ngayon pang mayroon na silang mga kapanalig."
"Pwes— uunahan na natin sila dahil maghahanda na kayo ng isang hukbo at sasalakayin natin sila muli," kumpiyansang sabi ni Arthana, habang nakatitig ito kay Fredo.
Agad namang napangisi si Cissy, at si Brianna naman ay napatingin na lamang ng biglaan sa kaniya. Si Fredo naman ay biglaang natigilan, at saka ito tumingin-tingin sa paligid ng trono. Tila ba umaayon sa takbo ng kanilang mga isipan ang takbo ng kanilang pinuno, isang masamang pag-iisip na lumalason sa kanilang mga utak.
Lumitaw naman sina Noah sa tuktok ng bulkang Polosso, at kaagad na inihiga ni Maxim ang bangkay ng kaniyang kasintahan sa batuhan. Tila ba pugon ang temperatura roon, mainam na lamang at gabi na silang dumating doon.
Pawang delikado ang kanilang posisyon ngayon; ang kaliwa nila ay bangin na kaunting hakbang lamang ay dadausdos sila sa kamatayan pabalik ng Sorceria, at ang kanan naman nila ay ang mismong bunganga ng bulkan na naglalabas ng mabahong amoy mula sa asupre nito.
"Ore— Orerooo— kung sino ka mang naninirahan dito! Magpakita ka!" Sigaw ni Maxim. "Magpakita ka ngayon din— at harapin— harapin mo si Noah!"
"Manahimik ka!" Buwelta naman ni Noah sa kaniya. "Wala pa tayong matinong pagpapaplano ukol dito— at anong ako?"
"Natatakot ka bang harapin 'yung nananahan dito?" Pagtataka ni Maxim. "Ikaw lamang ang may kapangyarihan sa'tin kaya ikaw lamang ang makakalaban sa kaniya— kaya 'wag kang duwag!"
"Isang tagapagbalanse ng kapangyarihan ang susuungin nating kalaban dito,"
"Alam mo— wala akong pakialam sa kung sino mang demonyo ang haharapin natin dito," giit pa ni Maxim. "Kaya kung sino ka mang nananahan dito ay magpakita ka! Magpakita ka at ilantad mo ang iyong sarili sa'min"
Ilang sandali pa, ay biglaan na lamang humangin ng malakas sa kanilang paligid. Daglian namang inilabas ni Noah ang kaniyang saglip, lalo na at nakaramdam din ito ng panganib doon sa nagaganap na yaon. At tila ba tumugma ang kaniyang pakiramdam, dahil sumulpot sa kanilang harapan si Orearuva.
Ang nilalang na nababalot ng itim na usok ay ang siyang isa sa mga tagapagbalanse ng kapangyarihan na si Orearuva. Sa pagkakataong ito, ay balot ng kakatwang itim na apoy ang kaniyang mukha kaya malabo itong maaninag. Subalit sa base pa lamang ng kapangyarihan nito, ay madaling mahahalata na siya nga ang kanilang hinahanap.
Nakarating naman na ang mga manlalakbay sa timog-silangan ng Sorceria, kung saan doon nila pansamantalang itinayo ang kanilang mga kubol. Umaasa ang mga ito na maging ligtas ang bago nilang kuta, at maging tago ito sa mga kalaban, upang mas mabilis nilang maihanda ang kanilang mga isasagawang plano laban sa mga itim na sorcerer.
BINABASA MO ANG
Reluvious: Ang Tanglaw Sa Madilim Na Gabi ᵇᵒᵒᵏ ᵒⁿᵉ
FantasyIt is a story about love, hate, faith, death, trust, distortion, and war that originated from the most powerful spellbook in Sorceria; Reluvious. Sa laban ng dalawang pusong nagmamahal, kanino nga ba ang mas matimbang? Sa minahal o' sa nagmahal? Sa...
