Agapay ng mga Mandarayo

246 7 2
                                        

Dapit-hapon na, subalit ang digmaan ay mas lalo lamang nagiging patungo sa walang katapusan. Patuloy pa rin sa pagpapaulan ng salamangka ang magkabilang panig, na sinusuportahan naman ng Prussian nang pagpapaulan ng nakamamatay na mga palasok. 

Ang mga nalalabi naman sa Prussian ay humaharap nang manu-mano sa mga itim na sorcerer, kahit na tabla sila pagdating sa kapangyarihan. Magkagayon man, ay nananatiling nakaalalay ang mga puting sorcerer sa kanilang mga kapanalig na mandarayo, kung kaya nagiging patas pa rin ang nagaganap na digmaan.

Sa pagkakataong ito, ay hindi na lamang iba't-ibang kulay ng mga salamangka ang masasaksihan. May mga apoy na rin, saboy ng tubig galing sa mga saglip ng mga sorcerer, at mga tipak ng bato na tiyak magdurugo ang tatamaan. Lahat na yata ng maaaring maisip ay narito na.

Nagkalat na ang mga namatay sa paligid, subalit mas marami pa rin naman ang mga nakatayo at mga naglalaban sa palibot ng buong mahiwagang gubat. Mala-bagong taon din ang maya't-mayang mga pagsabog, at mala-anino ang kapal ng usok na matatanaw sa himpapawid.

Pinatamaan ni Cielo ng puting salamangka nito ang isang itim na sorcerer na patungo sa kaniya, habang si Ysa naman ay patuloy pa rin ang paggamit sa kaniyang mahika upang puksain ang mga kalaban.

"Hindi nauubos ang mga kalaban," sabi ni Cielo, habang nakakaramdam na ng kaunting pagod.

"Huwag ka munang panghinaan ng loob, aking kapatid. Hindi pa nagtatagal ang digmaan," sabi naman ni Ysa. "Hindi pa natin nakikita 'yang Arthana na 'yan."

"Para kay pinunong Quesana, at kay Mia. At sa lahat ng mga pinaslang ng mga itim na sorcerer. Sila ang dahilan ng patuloy nating paglaban," dagdag pa ni Cielo, habang patuloy itong nagpapatama ng puting salamangka sa mga kalaban.

Muli ay lumaban sila at nakipagtapatan ng kanilang mga puting salamangka, hanggang sa mahagip ng itim na salamangka si Ysa at bumagsak ito.

"Ysa!" Sigaw ni Cielo, habang mabilis itong lumalapit sa kaniya.

"Huwag mo akong alalahanin," 

"Ako na ang aagapay sa ating hukbo. Bumalik ka na sa kubol pandigma natin sa kakahuyan," 

Mabilis na naglaho si Ysa gamit ang kaniyang taglay na mahika, habang si Cielo naman ang natira kasama ng kaniyang hukbo upang labanan ang alon ng hindi maubos-ubos na mga kalaban sa paligid.

Samantala, ay naiinip na si Arthana na maghintay sa kalalabasan ng digmaang ito. Pinatamaan nito ng kapangyarihan mula sa Reluvious ang mga puting sorcerer sa paligid, upang mas mabilis na mawaksi ang mga kalaban sa kaniyang paligid.

"Reluvious! Ipakita ang iyong kakayahan sa'min! Lumikha ng mga pupuksa sa mga hampaslupang puting sorcerer at kanilang mga kapanalig!" Utos nito sa aklat ng Reluvious.

Umilaw ang mga ginintuan nitong pahina, at nagpatama ng dilaw na ilaw patungo sa mga puno sa paligid ng paligid ng mahiwagang gubat. Ilang saglit pa, ay nagkaroon ng buhay ang mga puno at saka nagsimulang hampasin ang mga puting sorcerer sa paligid gamit ang kanilang mga sanga.

"Iyan lang ba ang kaya mo? Ipakita mo pa ang hangganan ng kakayahan mo sa mga puting sorcerer!" Utos pa ni Arthana rito.

Muling umilaw ang aklat ng Reluvious, at nagpaulan ito ng dilaw na kapangyarihan patungo sa mga papalapit sa kanilang puting sorcerer. Napangisi naman si Arthana sa kaniyang mga nasaksihan, habang nangangamba naman si Alunsina para sa kaniyang kaligtasan habang hawak-hawak nito ang aklat ng Reluvious.

Reluvious: Ang Tanglaw Sa Madilim Na Gabi ᵇᵒᵒᵏ ᵒⁿᵉTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon