Isang gabi na ang lumipas matapos ang naging usapan nila sa palasyo ng mga puting sorcerer, subalit hindi pa rin mapalagay si Noah sa kaniyang nagawa. Mistulan naman kasi na sasabog na ang kaniyang dibdib sa konsiyensiya nito, lalo na at hindi na niya alam ang tama ang mali.
Mala-nyebe ang simoy ng hangin sa paligid, subalit hindi nito alintana sa kaniya. Natutulog na ang lahat ng nasa kubol, subalit siya ay nananatiling gising at napapaisip. Matutulog na rin ito sana, nang biglaang lumitaw si Brianna sa kaniyang harapan at umupo ito sa mga upuang malapit sa kanilang puwesto. Agad naman itong hinila ni Noah paalis sa damuhan, at upang doon sila mag-usap sa tanglaw ng kagubatan upang hindi sila mapansin kung sakaling may magising doon sa kubol.
"Ang lakas din naman talaga ng loob mo at nagtungo ka pa rito ano?" Giit nito rito.
"Talagang malakas ang loob ko dahil may usapan tayo... baka nakakaligtaan mo na ang ating usapan?" Tanong ni Brianna sa kaniya.
"Hindi ko nakakaligtaan... lalo na at alam kong malaking kasalanan kay Hadley itong ginawa ko," sagot ni Noah.
"Huwag ka nang maging banal sa harapan ko dahil parehas na tayong makasalanan," giit ni Brianna rito.
"Kahit kailan... hindi ako gumamit ng dahas para makuha ang minamahal ko," sagot ni Noah.
"Hindi nga bang talaga?" Pangising sagot nito sa kaniya.
Ilang saglit pa, ay lumabas si Hadley mula sa kaniyang kubol upang magpahangin saglit. Subalit tila ba may naririnig itong kaluskusan doon sa kagubatan, na tila ba may mga nag-uusap. Inakala niyang mga pangkaraniwang kasamahan niya lamang ito, subalit sa kaniyang paglapit, ay tila ba isang babaeng nakasuot ng itim na kasuotan ang kaniyang namataan. Lalapitan na niya sana ito upang tiyakin kung kasamahan nga ba talaga nila iyon, nang bigla siyang gulatin ni Maxim.
"Malalim na masyado ang gabi... ano't may sinisilip ka pa riyan?" Pagtataka nito.
"Uhm... wala lang... nag-iisip nanaman siguro ako nang kung anu-ano," sagot ni Hadley.
"Sige... ang mabuti pa ay matulog ka na ulit, mahal ko... at balita ko ay may pagpupulong daw na gagawin kinabukasan," payo pa ni Maxim dito.
"Pagpupulong? Hindi ko alam 'yan," sagot ni Hadley.
"Kaya nga matulog ka na, mahal ko... upang sabay nating aalamin bukas iyon," sabi naman nito.
Nauna nang pumasok si Maxim sa loob ng kubol, at bumalik sa pagkakahimbing nito. Habang si Hadley naman ay naiwanan doon sa labas at mas pinili na lamang ang umupo roon kaysa bumalik sa pagtulog. Hindi na kasi ito makaramdam ng antok, at napapalagay ito roon sa kaniyang nakitang naka-itim na babae sa direksyong malapit lamang sa kaniya. Sinubukan na lamang nitong alamin ang kaniyang mga ikinukuro-kuro, ngunit nang hawiin niya ang mga baging na nakahambalang doon ay wala naman itong nakitang bakas ng nag-uusap.
"Hadley?" Pagtataka ni Mia mula sa malayo.
Agad naman itong nagulat nang may tumawag sa kaniyang ngalan, at saka naman lumapit si Mia patungo sa kaniya. Tinignan din nito ang kaniyang tinitignan doon, subalit wala namang andun maliban sa mga damo at puno.
"Gising ka pa pala, pinuno?" Sabi ni Hadley.
"Lagi naman akong ganito tuwing madaling araw kahit noon pa sa palasyo... nagmamanman at baka may biglang panganib na sumuong... ngunit ikaw? Hindi ba't dapat ay tulog ka na?" Pag-uusisa nito sa kaniya.
"Nagising lamang ako at hindi na makatulog," sagot ni Hadley.
"Kung ganoon ay matulog ka na dahil may labanan tayong isasagawa bukas na bukas din," utos pa ni Mia rito.
BINABASA MO ANG
Reluvious: Ang Tanglaw Sa Madilim Na Gabi ᵇᵒᵒᵏ ᵒⁿᵉ
ФэнтезиIt is a story about love, hate, faith, death, trust, distortion, and war that originated from the most powerful spellbook in Sorceria; Reluvious. Sa laban ng dalawang pusong nagmamahal, kanino nga ba ang mas matimbang? Sa minahal o' sa nagmahal? Sa...
