Nagulat ang lahat sa kubol nang magkaroon na ng malay si Mia, lalo na at matagal-tagal na rin nang bumagsak ito sa nagdaang labanan. Subalit katulad ng ibang mga nasugatan sa labanan, ay nanghihina pa rin ito, kaya kinakailangan pa nitong magpagaling sa loob ng kanilang itinatag na kubol para rito. Habang ang mga malalakas namang puting sorcerer, at ilang mga taga-Cerulean, ay inuumpisahan na ang kanilang pagsasanay. Isa yaong matinding pagsasanay na dapat nilang gawin alinsunod sa utos ni Cielo, upang mas maging mainam at epektibo ang mga susunod nilang pakikipag-sapalaran sa mga itim na sorcerer.
"Nakakatuwa na kahit papaano ay bumabalik na ang sigla ng ating hukbo," masayang sabi ni Ysa.
"Simula pa lamang ito ng pagbangon nating mga puting sorcerer... marami pang pagbabago ang magaganap sa sistema ng ating hukbo," kumpiyansa namang sagot ni Cielo.
Lalo pang napangiti si Ysa, lalo na at nakakagana ang kaniyang mga narinig sa kapatid nito. Tunay ngang isang magandang araw upang simulan ang panibagong laban nila tungo sa kaunlaran at kapayapaan na matagal nang minimithing abutin ng buong Sorceria.
Sina Dominick naman ang namamahala sa pangangasiwa para sa pagsasanay ng hukbo ng mga puting sorcerer, habang isang bagong punong kawal ng Cerulean naman ang nangangasiwa sa kaniyang mga ka-tribo; si Lemery. Isa sa pinaka mahuhusay na mandaragat ng kanilang tribong mandarayo, at ang naging matagal nang katiwala ni Adam sa mga labanan. Payak lamang ang kasuotan nito, suut-suot ang isang halos pinagtagpi-tagping tela, at mistulang malagong puno ang kaniyang buhok. Sila ang nangangasiwa ngayon sa unang hakbang ayon sa plano, ang mandatoryo at mahirap-hirap nilang pagsasanay.
Sa kabilang banda naman, ay kasama ni Adam ang mga manggagamot sa paghahanda ng gamot at pagkain ng mga sugatang puting sorcerer. May karanasan din kasi ang pinuno ng Cerulean sa paggawa ng mga gamot, lalo na at naging puno muna ito ng mga manggamot bago iniatas ng dating pinuno ng kanilang mandarayo na palitan siya nito.
Samantala, madayang pinatamaan ni Orearuva ng itim nitong kapangyarihan ang kaniyang katunggali, subalit nasalagan niya ito gamit ang liwanag. Gumanti naman ni Locasta, at agad na bumagsak ang masamang tagapagbalanse ng kapangyarihan. Itinayo niya rin naman ito gamit ang dilaw nitong kapangyarihan.
"Ibibigay mo na ba ang aking kahilingan... o' nais mo pang ipagpatuloy ang ating labanan ngayon," kondisyon ni Locasta sa kaniya.
Tinangka pang lumaban ni Orearuva, subalit naunahan siya nito at muli siyang pinatamaan ng dilaw nitong kapangyarihan. Agad nitong nabitiwan ang dalawa nitong keris na sandata, at panandalian din itong natahimik. Pagtapos, ay mapait nitong tinignan ang katunggali nitong gabay diwa.
"Ibinabalik ko na ang buhay ni Hadley... magmula ngayon ay muli na siyang magigising at magbabalik sa Sorceria... alinsunod sa aking kautusan bilang ang tagapaghatid ng mga namayapa sa kabilang buhay," utos nito sa kaniyang kapangyarihan.
Maya-maya pa, ay bigla itong nagpakawala ng itim na usok at kumalat sa himpapawid. Pagtapos, ay mapait muling tinignan ni Orearuva ang kaniyang katunggaling tagapagbalanse ng kapangyarihan na tila ba napilitan lamang ito.
"Tinupad ko na ang kahilingan mo... maya-maya rin ay magkakaroon na ng malay ang nanlalamig nang bangkay ni Hadley," sabi pa nito.
"Mainam at hindi mo na ako pinahirapan pang muli," sagot naman ni Locasta.
"Subalit tinitiyak ko sa'yong sa susunod ay hindi na mauulit ito," giit pa ni Orearuva. "Hanggang sa muli nating pagtutuos, Locasta."
Lumutang patungo sa kaniyang magkabilang kamay ang dalawa nitong keris na sandata, at naabo. Kasunod, ay naglaho na ito sa pook ng labanan nilang dalawa. Kasunod namang itinaas ni Locasta ang kaniyang ginintuang espada, at kasunod na naglaho gamit ang liwanag.
BINABASA MO ANG
Reluvious: Ang Tanglaw Sa Madilim Na Gabi ᵇᵒᵒᵏ ᵒⁿᵉ
FantasíaIt is a story about love, hate, faith, death, trust, distortion, and war that originated from the most powerful spellbook in Sorceria; Reluvious. Sa laban ng dalawang pusong nagmamahal, kanino nga ba ang mas matimbang? Sa minahal o' sa nagmahal? Sa...
