Pagtapos na pagtapos din ng klase ay agad na umalis si Hadley. Tinungo kasi nito ang biglaan daw na pagpupulong sa kanilang kompanya, at kinakailangan ng isang kumakatawan mula sa pamilya ng may-ari nito.
Sa kabilang dako, ay walang mapagsisidlan ng tuwa si Brianna nang kumagat ito sa kaniyang pain. Wala naman kasi talagang pagpupulong, at nais niya lamang na mawala ito sa eksena nila ni Maxim, kahit na panandalian lamang.
"Ano't kay bilis umalis ni Hadley?" Pagtataka ni Maxim. "Saan siya pupunta?"
"Kailangan siya sa kompanya... panahon na siguro para gampanan niya ang mga iniatas sa kaniya ni ina," ani Brianna. "Lalo na at kami na lamang dalawa talaga ngayon ang dapat na magtulungan."
"Napaka responsable talaga niya," sabi pa ni Maxim. "Idagdag mo pa ang pagiging matunugin niya."
Biglang napabaling ng tingin si Brianna sa pasilyo. Kahit kasi wala na ito, ay kaagaw niya pa rin si Hadley sa atensyon ng kaniyang sinisinta. Hindi nito mawari, subalit may kompetisyon ngang nagaganap sa pagitan nilang magkakambal.
"Bakit hindi na lamang tayo kumain nang sabay sa kantina? Balita ko ay may bagong putahe raw roon na ngayong araw lang ipapalasap sa mga mag-aaral dito," pangiting alok nito kay Maxim. "Ikatutuwa ko kung sasabayan mo ako."
"Maigi pa nga gayong ako ay nagugutom na rin," mabilis na isinagot ni Maxim. "Halika na roon sa kantina."
Sabay silang naglakad paalis ng kanilang silid-aralan, upang tunguhin ang kantina. At sa kanilang paglalakad, ay waring nakalalamang na si Brianna ng puntos sa kaniyang kakambal. Subalit hindi pa riyan nagtatapos ang lahat, kailangan nitong suliting makuha si Maxim habang hindi pa umeentra si Hadley.
Sa kalagitnaan ng kanilang paglalakad sa pasilyo, ay biglaan itong napaupo at napahawak sa kaniyang ulo. Tila ba bigla itong nahilo sa hindi malamang dahilan, na kaagad namang ikinabahala ng binata.
"Oh... Brianna?" Alalang tanong ni Maxim. "Ayos ka lang ba?"
"Medyo nahilo lang ako ng kaunti," ika ni Brianna. "Pero ayos lamang ako."
"Halika at sasamahan na kita sa klinika upang malaman natin kung bakit ka nahilo... at upang makapagpahinga ka muna," suhestiyon ng binata. "Baka mamaya ay may mas malalim na palang dahilan sa iyong nararamdaman."
"Pasensya na... subalit parang lumilindol sa paningin ko ngayon... maaari mo ba akong buhatin o alalayan manlang?" Sabi pa ni Brianna. "Hindi ko alam ang nangyayari sa'kin ngunit ngayon lamang ito."
Bumuwelo si Maxim, at kaniyang ipinasan sa likuran nito si Brianna. Labis naman ang saya sa mukha ng dalaga, hindi lamang dahil sa nakalamang ito. Pero, sa wari nito ay nag-aalala rin sa kaniya ang binata kahit papaano. Bagay na magagamit niya rin para sa laban ng pag-ibig.
Nakarating sila sa klinika, at doon ay pinasalamatan ng dalaga ang kaniyang tagapagligtas. Kahit na ito ay nagpapanggap lamang. Subalit ang isang hayok sa pag-ibig ay gagawin ang lahat ng maaari nitong ikalamang, kahit na ang magpanggap pa.
"Sigurado ka bang ayos ka na?"
"Oo... salamat sa tulong mo... kung makakabawi lang sana ako sa'yo... kahit ano gagawin ko,"
"Na'ko ano ka ba? Para saan pa ang ating pagiging magkaibigan kung hindi lang din naman tayo magtutulungan,"
"Nakakahiya kung wala akong gagawin para sa'yo,"
"Hindi na nga,"
"Sige na... kahit na ano ay aking gagawin para sa'yo,"
Napangiti bigla ang binata, at kaniyang tinignan nang masaya ito. Saka na ito tumabi sa kamang kinauupuan nito na para bang may kakaiba itong iniisip na hindi naman mawari ni Brianna kung ano.
BINABASA MO ANG
Reluvious: Ang Tanglaw Sa Madilim Na Gabi ᵇᵒᵒᵏ ᵒⁿᵉ
FantasyIt is a story about love, hate, faith, death, trust, distortion, and war that originated from the most powerful spellbook in Sorceria; Reluvious. Sa laban ng dalawang pusong nagmamahal, kanino nga ba ang mas matimbang? Sa minahal o' sa nagmahal? Sa...