Pagpasok ng Delubyo

271 10 2
                                        

Kinaumagahan, ay mataas ang sikat ng araw, isang magandang araw upang simulan ang isang panibagong araw. Ngunit ang lahat ay natatakot at nangangamba. At ito ay sa kadahilanang nasa maling pangangalaga ang aklat ng Reluvious. 

Batid nilang lahat na walang sasantuhin ang mga itim na sorcerer, higit ang mga naging kapanalig ng mga puting sorcerer sa mga digmaang naganap sa nakaraan at kasalukuyan.

Ang mga mandarayo sa lupain ng Cadet ay puspusan nang naghahanda para sa maaaring maganap. Sila kasi higit sa lahat ng mga teritoryo, ay ang siyang pinaka malapit sa kaharian ng dilim. Nakatitiyak silang kung may pababagsakin man ang mga ito, ay sila ang tiyak na mauuna.

Sa pagsapit ng katanghalian, ay lilisanin na sana nila ang kanilang kuta upang magtago sa palasyo ng mga puting sorcerer, nang bigla silang harangin ng dilim— literal na dilim. 

Nariyan na ang mga itim na sorcerer sa paligid, na kaagad na nagpaulan ng itim na salamangka patungo sa kanila.

"Tila may patutunguhan kayong kung saan? At tila ba nagmamadali kayo?" Paunang sabi ni Arthana sa mga ito. "Saan kayo magtutungo at tila ba hindi na makapaghihintay 'yan?"

"Itim na sorsera," sabi ng taga-Cadet, habang matalas na nakatitig dito.

"Hindi lang ako isang sorsera. Ako rin ay ang kikilalanin ninyong pinuno kung 'di n'yo nais mamatay! Minsan ko nang nasakop ang teritoryo ninyo, kay dali ninyong pabagsakin gamit ang bago kong kapangyarihan," sagot ni Arthana. "Kaya mamili kayo— kamatayan— kaligtasan— ano nga ba ang pipiliin ng mga hampaslupang katulad ninyo?"

"Hinding-hindi na kami muling luluhod sa itim ninyong kapangyarihan kahit ano pang mangyari," giit ng taga-Cadet. "Kahit na magkamatayan pa tayong lahat dito!"

"Ayaw n'yo? Hindi kayo makikiisa sa'kin?" 

Lumitaw ang aklat ng Reluvious sa magkabila nitong kamay, at saka nito pinatamaan ng kapangyarihan nito ang kaniyang kausap. 

Sa sobrang lakas ng kapangyarihan nito, ay nabutas ang tiyan nito at tumagos ang pwersa ng aklat ng salamangka patungo sa isa pang taga-Cadet na nasa likuran nito. 

Nagsigawan at nagtilian naman ang mga kababaihan sa mandarayo dahil sa kanilang nasaksihan, na agad na tinakot ni Arthana nang magpatama ito ng kapangyarihan ng Reluvious sa isang puno. 

Labis na napinsala ang naturang puno, kaya ito tumumba at bumagsak mula sa pagkakatayo nito. Tila ba nabunot ito hanggang sa ugat, dahil sa lakas ng kapangyarihang taglay ng aklat.

"Ano? Hindi kayo luluhod?! Hindi ninyo ako kikilalanin bilang ang inyong reyna?!" 

"Hindi mo kami matatakot! Wala kaming kinikilalang pinuno mula sa nakakasulasok na mga itim na sorcerer!" Giit ng isa pang taga-Cadet, habang masamang nakatitig kay Arthana.

Agad na pinaslang ni Cissy ang lapastangang mandarayo, nang patamaan niya ito ng itim na mahika. Habang pumalibot naman ang mga itim na sorcerer sa buong teritoryo ng Cadet, na tila ba hindi na sila natutuwa sa pagiging matatas ng mga ito sa kanila.

"Reluvious! Ipakita at ipamalas ang iyong kapangyarihan sa kanila— gawin ang lahat upang lumuhod sila sa'kin!" 

Biglang umilaw ang aklat ng salamangka, at saka isa-isang sumuka ng dugo ang mga bata sa kanilang tribong mandarayo. Lalong nangamba ang mga kababaihan sa tribo, lalo na at tila sumpa ng Reluvious ang nagaganap na ito sa kanilang mga anak. Kaya naman, upang pigilan ito, ay lumuhod na ang mga kababaihan sa ilalim ng kapangyarihan ni Arthana bilang ang kanilang kinikilalang pinuno.

Reluvious: Ang Tanglaw Sa Madilim Na Gabi ᵇᵒᵒᵏ ᵒⁿᵉTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon