Sa Sorceria

332 17 3
                                    

Itinakas ng mga puting sorcerer si Hadley papalayo sa labanan, hanggang sa sila ay lumitaw sa harapan ng lagusan. Doon ay kaagad na nilapitan ni Mia ang sinasabing itinakdang tagapuksa sa masamang propesiya, upang tiyakin kung nasaktan ba ito sa nangyaring labanan.

"Ayos lamang ako," sabi nito. "Subalit sino kayo? At sino sila? At bakit nandodoon ang kakambal ko? At bakit kayo may kapangyarihan?"

"Kami ay mga puting sorcerer... tayo ay mga puting sorcerer... at sila ang mga masasamang sorcerer... ang mga itim na sorcerer," paliwanag ni Cielo, habang iniinda ang natamo nitong sugat sa kanang braso.

"Nabanggit mo ang salitang kakambal?" Pagtataka ni Mia. "Sino ang kakambal mo sa mga nakaharap natin kanina? Yaon bang bagong kasapi nina Arthana?"

"Si Brianna... ang babaeng nakaharap ko kanina... siya ang kakambal ko," matalas na sagot nito. "Ngayon ay alam ko na kung bakit bigla siyang nawala noon."

"Ngayon ay malinaw na... siya marahil ang nakasaad sa masamang propesiya... sapagkat ikaw ang itinakdang tumapos sa kaniyang masamang bugna,"

"Hindi ko kayo maunawaan,"

"Makinig ka," malamig namang sabi ni Mia. "Ang kapatid mo ay isinumpa upang maging masamang bugna... siya ang nakatala na tatapos sa buong Sorceria... sa lahat ng mga sorcerer sa aming daigdig... at ikaw na kakambal niya naman ang itinakda upang maging tagapamagitan ng masamang kapalarang ito."

"Kaya ikaw ay nagtataglay rin ng kapangyarihang katulad ng sa amin... o' mas malakas pa kaysa sa amin," dagdag pa ni Ysa, habang tinitignan ang kaniyang saglip na nabali dahil sa tindi ng tunggalian kanina.

Tumalikod si Hadley at tinignan ang kaniyang palad, naalala niya kasi ang naganap kanina nang masalagan nito ang kapangyarihan ng kaniyang kakambal gamit ang tila ba puting kapangyarihan.

Umuusok-usok pa ito, subalit kakatwa kung nananaginip lamang ba siya o' ito ay totoo. Subalit, marahil nga ay tunay ito lalo na at naramdaman niya ang init ng pagtutunggalian nila kanina ni Brianna. Kakaibang panaginip naman ito kung pati ang mga bagay-bagay ay nararamdaman niya na rin.

"Subalit... wala namang lahing mangkukulam ang aking mga magulang... oo demonyo ang aking ina... pero hindi naman ganiyan,"

"May kung sino yatang sumumpa sa guhit ng kapalaran ninyo," matalas na sagot ni Mia. "At mukhang kilala ko na kung sino ang sumumpa sa'yo- sainyo."

"Walang iba kung hindi si Arthana," sagot ni Ysa, habang pinagmamasdan pa rin ang kaniyang baling saglip.

Kaagad na nilapitan ni Cielo ang kaniyang kapatid upang tignan ang nangyari sa kaniyang saglip, at laking gulat nito sa kaniyang nakita. Agad naman nitong inilabas ang kaniyang saglip, at nagsimula itong umilaw.

"Reparer- reparer la samendum," bigkas nito, habang lumalakas pa ang pag-ilaw ng kaniyang saglip.

Sa ilang saglit pa, habang inaayos ni Cielo ang saglip na pag-aari ni Ysa ay lumitaw rin ang mga itim na sorcerer sa pook kung nasaan sila. Agad nilang pinalibutan ang mga puting sorcerer sa paligid na para bang langgam sa isang matamis na kakanin.

"Kasasabi mo lang ng sumpa... heto na agad ang mga sumpa," sabi ni Ysa, habang pinagmamasdan ang kaniyang saglip na muling mabuo sa dati nitong anyo.

Reluvious: Ang Tanglaw Sa Madilim Na Gabi ᵇᵒᵒᵏ ᵒⁿᵉTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon