Pagpigil sa Sumpa

250 7 1
                                        

Kinaumagahan, nang makarating sa kapatagan ang mga taga-Prussian. Tanaw na mula roon ang mala-higanti na hitsura ng palasyong puti, subalit hindi katulad dati, ito ngayon ay nakukubli sa kadiliman at tila ba walang kakinang-kinang. 

Ang lahat ng mga bintana ay nakapinid, at ang bawat lagusan ay malaki ang nakatalagang bilang ng mga bantay. Tunay nga marahil na maging ang mga pangunahing aasahan ng mga natitira sa liwanag laban sa kadiliman, ay mga nagsipag-bahagan na rin at tila ba natakot na sa malakas ngayong pwersa ni Arthana.

Sa loob naman ng nandidilim nang palasyo, ay nagkukumpulan na ang maraming puting sorcerer sa trono ng palasyo. 

Nagrereklamo na ang ilan sa kanila na marami na ang namamatay sa gutom o' hindi naman, ay sa sakit dahil sa mga hindi pa naililibing na mga patay sa palibot doon sa labas ng palasyo.

 Pinsalang-pinsala na ang kanilang sakahan, dahil sa mga nagdaang digmaan. Tila ba may dumaang bagyo sa kanilang mga pananim, kung kaya naman, ay wala silang maaaning mga pananim sa araw ng anihan. 

Maging ang mga dagat ay tila ba nagdaramot na sa kanila, lalo na at dumadalang na ang huli ng mga isda ng kanilang mga mangingisda. At upang manguha naman ng mga bunga roon sa kagubatan ay tiyak na peligro ang kapalit, lalo na at nagkalat ang mga itim na sorcerer sa paligid.

Tunay na nasa matinding suliranin ang mga puting sorcerer sa dalawang antas: sa digmaan at sa kabuhayan. Kaya naman ay hindi na alam ni Cielo ang kaniyang gagawin. Nananatili itong nakaupo roon sa trono ni Mia, habang nagkakamot sa kaniyang ulo.

"Mga kalahi, maghunustili muna kayo. Lahat tayo ay nahihirapan sa kasalukuyan nating sitwasyon ngayon," pakiusap ni Dominick sa lahat, habang mapait na tinitignan ang sinapit ng kaniyang mga kalahi sa labanan.

"Ngunit hindi pwedeng wala tayong kainin o' wala manlang hakbang na gawin!" Sigaw ng isang puting sorcerer, habang matalas namang nakatitig sa kanilang punong-hukbo.

"Siyang tunay! Mawawalan ng lakas ang ating pwersa at manghihina lalo kung salat ang ating mga pagkain," dagdag pa ng isa, na nakaamba nang manakit dahil sa matinding galit.

"Oo! Ngunit hindi lamang kayo ang nahihirapan. Hindi tumitigil ang mga natitira sa konseho upang isipin ang mga bagay-bagay," sagot ni Ysa. "Malaking malaki na ang napinsala ng napakahabang digmaan na ito, at tiyak ay lalo pang lalaki dahil sa mga kaganapang tila ba pati ang tadhana ay panig na sa kadiliman."

"Lahat tayo ay nahihirapan sa mga panggigipit ni Arthana at ng kaniyang mga itim na sorcerer. Mag-antay lamang kayo sa mga susunod na datos at mga anunsiyo," sagot din ni Dominick. "Nakatitiyak akong babalik din sa normal ang lahat, magtiyaga at umunawa lamang tayo— kasabay ng matinding pagkakaisa at pananalig sa mahal na Locasta."

"Puro na lang mag-antay! Noong una pa lamang wala na tayong matinong pagpaplano dahil naging kumpiyansa ang konseho na nasa atin ang Reluvious!" Giit pa ng isang puting sorcerer, habang nakahawak ito sa kumakalam nitong sikmura.

Ang lahat ay nagtanguan, at lalong tumaas ang tensyon sa loob ng trono. Sinusubukang pakalmahin nina Ysa at ng pinunong hukbo ang mga nagngangalit na mga kalahi, subalit hindi nagpapa-awat ang mga ito. 

Sa sobrang irita naman, ay biglang napatayo si Cielo at nagpatama ito ng puting salamangka sa kisame. Nagkaroon ng pagsabog doon, kaya naman biglang natahimik ang mga puting sorcerer.

Reluvious: Ang Tanglaw Sa Madilim Na Gabi ᵇᵒᵒᵏ ᵒⁿᵉTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon